OPINYON: Goodbye Donald nga ba?

Buddy Gomez -- Cyberbuddy

Posted at Oct 04 2019 10:42 PM

Kasalukuyang magulo at may sigalot, hindi lang sa pamahalaan at politika kundi sa lipunan mismo ng America. Ito ay maaaring mauwi sa pagpapatalsik sa kanilang pangulo. Goodbye Donald J. Trump na nga ba? Ano ba talaga ang sitwasyon?

Noong nakaraang linggo, binuksan na ng U.S. Congress ang legal at opisyal na pagsisiyasat upang malaman kung mayroon nga bang batayan ang namimintong “impeachment” ni Trump, ang pagpapatalsik sa isang pangulo sa pamamagitan ng paglalahad ng katibayan o ebidensya ng katiwali-an. Maliban sa pag-deklara ng digmaan, ang “impeachment’” ang pinakamabigat na tungkulin ng Kongreso. 

Katulad din naman ng sistemang sinusunod natin sa Pilipinas, sa Kongreso nagmumula ang ‘impeachment’ at kung ito ay aprobado ng simpleng mayoria (50% + 1) ng mambabatas sa mababang kapulungan, ia-akyat sa Senado ang aprobadong paratang at doon naman ito lilitisin--kung tuloy ang papapatalsik o hindi. Dalawang-katlo (iyan po ang salin ng “two-thirds”) ng mga senador ang kailangan sumangayon upang mapatalsik ang isang akusado. 

Inyo po segurong matatandaan na noong nakaraang halalang pang Presidente sa Estados Unidos, bagama’t si Hillary Clinton ay nagtamo ng lamang na mahigit pa sa tatlong milyong boto, sa tinatawag na “electoral college” naman, ang suma total, si Donald J. Trump ang siyang nahirang na nanalo. Ito ay alinsunod sa kanilang Saligang Batas na nagsasaad na ang bawa’t isang ‘State’ ay mayroong alokasyong boto sa “Electoral College,” batay sa dami ng bumoboto sa bawa’t “State.” 

Pambihirang pangyayari ito. Ika-apat pa lamang ang kasong ganito mula ng mabuo ang USA! Talo sa halalang pangmadla nguni’t wagi sa “electoral votes.” 

Ito ang pinag-mulan ng kontrobersiya dahil sa nabunyag na pakiki-alam ng Russia sa halalan sa America. Ang kagustuhan ng Russia ay ang manalo si Donald Trump dahil ito ay malapit na malapit sa mga Ruso. Mukhang napakalaki ang utang na loob (at pera) ni Donald sa mga oligarkiyang Ruso. Alam po naman ng buong mundo na matagal nang mag-katunggali ang America at Russia. 

Ang katotohanan ay nanghingi ng tulong si Trump sa mga Ruso!
Halos dalawang taon ang pasisiyat ng panghihimasok at pakiki-alam ng Russia sa naturang halalan noong 2016. Ang kalakhan ng pakiki-alam ay ang pag-gamit ng mga kasinungalingan sa “social media.” Matutulog sana sa pansitan ang usaping ito kung hindi nagtamo ang Democratic Party ng mayoria sa House of Representatives noong mid-term elections ng 2018. Ang sumonod na pagsisiyasat ng Special Counsel na si Robert Mueller, dating pinuno ng FBI, ay dahil na nga sa patagong tulong at pakiki-alam ng mga Ruso sa nakaraang halalan sa America.

Hindi pa man din natatapos ang usaping Mueller (pakikipag-sabwatan ni Trump sa Russia at ang pag-hadlang sa imbestigasyon -- ‘collusion’ and ‘obstruction’) samantala ang mayoriang Democrats ay hindi pa rin makapag-pasiya tungkol sa “impeachment,” urong-sulong, tuloy ba o hindi, mayroon na namang bumulusok na katiwalian. Ang sangkot naman dito ay ang bansa ng Ukraine. Mukhang mahilig talaga si Trump na umasa sa tulong ng ibang bansa para sa kanyang pangsariling kapakanan!

Ano ang nangyari? May isang ‘staff member’ sa White House na malalim ang pagkakabahala sa mga kilos ng pangulo. Natuklasan nito na si presidenteng Donald ay nanghiling ng pang-personal na ‘favor’ at tulong sa Pinuno ng Ukraine. At lumantad na ang kapalit sa hiling ni Mang Donald ay ang pag-‘release’ ng salaping inilaan na bilang tulong sa Ukraine. Ang tulong na pinansyal na gagamitin sana nito laban sa pananakop ng Russia. Hinarang at pinigil ni Trump ang tulong na ito habang hindi pa sumasangayon ang Ukraine sa kagustohan ni President Trump. Halatang halata na sinusuhulan ni Pangulong Donald Trump si President Volodymyr Zelenskyy ng Ukraine, kung tutuparin yoong kanyang hiling, “favor.” Para ba gang “kaliwaan” ang transaksyon!

Ano naman ang personalang kursunada ni Mang Donald? Ito ay ang maki-alam at manghimasok ang Ukraine sa halalan ng America sa 2020! Gusto niyang kumilos ang Ukraine na humalungkat at maglabas ng baho at dumi na ikasasama ni Joe Biden. Ang maitim na pakay ni Trump ay ang siraan si Joe Biden. Si Joe Biden na dating ‘vice’ ni Obama ay ang malamang at maaring makalaban ni Trump sa susunod na halalan. Ang anak ni Joe Biden ay dating ‘board member’ ng isang korporasyon sa Kiev, Ukraine na nabalitang sangkot sa isang usapin. Ito naman ay tapos na at wala namang kabulohan pala nguni’t pinagpipilitan pa rin ni Trump na gamitin sa paninira sa kalaban sa politika!

Nangyari ito noong Hulyo 25 nang mag-usap sa telepono si Trump at si Zelenskyy. Walong beses idiniin ng US President sa Ukrainian President ang kanyang kahilingan hinggil sa mag-amang Biden. Mayroong transcript at may mga saksi ang pangyayaring ito. (De-kahon na laging may ‘record’ ang mga pag-uusap ng pangulo. At ang ‘record’ ng Hulyo 25 ay itinago pa sa likud ng pinakamataas na antas ng sekreto!)

Ano ang ibig sabihin ng mga pangyayaring ito? Kinakasangkapan ang pambansang katungkulang opisyal upang maisakatuparan at makamit ang pangsariling pagsasamantala. “Endangering American foreign policy for personal gain.” Sa America, ito ay lubhang napakaselan. Kung kaya naman ang balitang ito ang siyang naging mitsa ng muling pag-sabog ng eskandalo sa pamahalaan ng Estados Unidos. Nabigyan ng lakas loob at tiwala tuloy ang liderato ng Democrats. Biglang itinuloy ang pag-uusig kay Trump.

Ang naturang ‘staff member” ay tinuturing na isang lihim na impormante. “Lihim na impormante” ang pinakamalapit na salin sa salitang “whistleblower.” Maari din namang ‘sumbongero!’ Sa America, mayroong batas na nagbibigay ng proteksyon sa isang ‘whistleblower’ kung ito ay ipinadaan sa wasto at mga hakbanging ayon sa batas. Itong nabanggit na ‘whistleblower’ ay sumunod sa alituntunin at pamamaraang legal. Ang nagsampa ng reklamo ay protektado ng batas, bagama’t si Trump ay nagbanta na dapat parusahan ito bilang isang ‘espiya’ at traidor sa bayan! Ang pagkatao ng “whistleblower” ay inililihim ng mga may kapangyarihan. Ito ay karapatan sa ilalim ng batas ng isang lihim na impormante.

Ang buong mundo ay nagmamasid. Dapat, tayo rin. Alam ni Mang Donald na ang kanyang panunungkulan ay nanganganib at rumurupok araw-araw. Malapit na nga kaya?

Habang sinusulat ko itong aking ‘report’ sa inyo, nag ‘breaking news’--si Mang Donald ay nag-wawala na daw! 

Kapag si Mang Donald ay ma-impeach, susunod na rito ang pagsampa ng mga kaso sa iba pang mga katiwalian niya. Hindi malayo na ang America ay makakaranas din ng Pangulong nakapiit sa kalabuso!

-------------------

ABOUT THE AUTHOR:

Tomas 'Buddy' Gomez III began his professional media career in ABS-CBN's (previously Chronicle Broadcasting Network) DZQL-Radio Reloj in 1957, after which he spent 25 years with the Ayala Group.

In 1986, the then Pres. Cory Aquino appointed him Consul General to Hawaii and later served as her Press Secretary.

During the Ramos administration, he was chairman and president of state-owned IBC-13 Network.

After government service, he became an ‘OFW’ in the U.S., working as front-desk clerk and then assistant general manager of a hotel. He also worked as a furniture and antique restoration specialist.

He is now retired and lives in San Antonio, Texas.

Disclaimer: The views in this blog are those of the blogger and do not necessarily reflect the views of ABS-CBN Corp.