OPINYON: Sukli sa diumano'y kataksilan ni Mariano Marcos?

Buddy Gomez -- Cyberbuddy

Posted at Sep 28 2018 11:06 PM

Kamakailan lamang, may nagtatanong kung tunay nga bang nag-taksil ang ama ni Pangulong Ferdinand Marcos, si Mariano Marcos, sa bayan noong kapanahonan ng mga Hapon (1942-1945). Dagdag pa nila, bakit may mga pamantasan, eskuwelahan, ospital, gusali at lansangan na nginalanan bilang pag-gunita at parangal kay Mariano Marcos. Lahat pong ito ay kagagawan ni Ferdinand, anak ni Mariano, noong siya ay diktador pa. Ang parangal ay nanatiling hindi nabura at hindi iniwasto. 

May balita pa nga na itinangka ni Pangulong Ferdinand Marcos na ituring and kanyang ama bilang isang Pambansang Bayani, sa pamamagitan ng isang panukalang batas. Ito ay hindi pinagpatuloy, marahil dahil sa takot na rin ni Marcos na mabunyag ang tunay na kasaysayan ng kanyang ama noong panahon ng Hapon.
Ito pong usapan natin ngayong linggo ay para sa kapakanan, lalo na, ng ating mga kabataan, yaong tinatawag na “Millenials.” 
Nararapat nga bang pag tustusan ng buwis ng bayan ang ala-ala ng mga taong nag-taksil sa bayan?

Bago po natin sagutin iyan, nais ko po sanang ibahagi ang isang panibagong kilos at pangyayari sa Timog-Silangan (south-east) ng America kung saan naganap ang Digmaang Sibil (1861-1865). 
Isang maikling aspeto mula sa kasaysayan: Labing-isang Estado ang tumiwalag at kumalas sa “Estados Unidos” upang magtatag ng kanilang sariling bansa dahil sa kanilang pagtataguyod at pagpapanatili na alipinin ang mga itim (slavery/African Americans). Tinawag nila itong “Confederacy.” Ang paglilingkod at pawis ng mga negrong Americano ang pinanggagalingan ng kayamanan at maluhong buhay ng mga puti, noong kapanahunang iyon. Ang kalakhang Norte (hilaga) ng USA naman ay ninanais na pakawalan ang mga alipinin. Ang salungatang ito ang pinagmulan ng Civil War sa America.

Si Abraham Lincoln ang namumuno sa Estados Unidos noon at sila (Union) ang nagwagi sa Digmaang Sibil. Hanggang kamakailan lamang, sa katimogan ng America, napakaraming estatwa, gusali, paaralan, lansangan na nginalanan sa ala-ala ng mga lumaban at nag-taksil sa bayan at pamahalaan. Ngunit, makaraan ang mahigit sa isa’t kalahating siglo, nag-umpisa na ang pagbabaklas, pagpapapalit ng pangalan, pagbubuwag ng mga estatwa--mga ala-ala ng madugong lumipas. Simple lamang ang layunin. Hindi nararapat bigyan ng parangal ang mga nagtangka at kumilos na wasakin ang bansa. Ang taksil ay hindi dapat purihin at parangalan.
Halimbawa: Isang kilalang talunang rebelde na si Gen. Robert E. Lee. Mayroong High School dito sa aming kalye sa San Antonio, Texas. “Robert E. Lee High School.” Pinalitan na ng “Legacy of Educational Excellence High School,” ang ‘acronym’ ay L.E.E. pa rin! 

Ang lahat ng mga ito ay mananatiling lakip ng kasaysayan ng America, ngunit wala nang parangal. Ang mga kumilos upang buwagin ang bayan at ang pamahalaan nito at naging sanhi ng madugong lumipas ay hindi nararapat bigyan ng puri at dangal.

Mabalik tayo sa Filipinas. Ano nga ba ang pawang katotohanan ni Mariano Marcos noong panahon ng Hapon, “World War II”? Ano ba ang parusang kanyang sinapit, bilang sukli sa kanyang kataksilan?
Ang tunay na kasaysayan, sa mga mata ng mga nakasaksi at mula na rin sa mga pinatunayang talaan sa kamay ng Arkibo Militar sa America--walang bayani na nag-ngangalang “Marcos”. Dito rin sa kanila nanggaling ang katotohanang huwad ang lahat ng medalya ipinagmamalaki ng yumaong Pangulo. 

Ang sabi ni Pangulong Marcos, ang kanyang ama ay pinatay ng mga Hapon, ngunit hindi na nakita ang bangkay. Ano ang katotohanan? Mga Ilokanong gerilyero na mismo ang nagbigay ng kaparusahan kay Mariano Marcos dahil siya ay naging kabalikat at kasabwat ng mga kawal Hapones. Sa mata ng kanyang kapwa Ilokano, si Mariano ay nag-taksil sa Inang Bayan!

Ayon pa nga sa pumanaw na peryodistang si Max Soliven, isa ring kilalang Ilocano, si Mariano ay nakabihis ng unipormeng pangsundalong Hapon, kung minsan ay naka-kabayo pang papasok sa bayan-bayan sa lalawigang La Union! At hininikayat ang mga taong bayan na kalimutan na ang mga Americano at sila’y hindi na makakabalik sa Filipinas. At nangangampanyang laban sa kapwa Ilokanong mga gerilyero. Dagdag pa nito, sumapi na lang at tumulong sa mga Hapones. Lumilitaw na si Mariano Marcos pala ay hindi lamang isang maka-Hapon, yaong binagsagan na “pro-Jap,” kundi hinatulan pa na “Japanese collaborator” noong panahon ng digmaan.

Sa matinding galit at pagkamuhi nila kay Mariano Marcos, ang mga gerilyerong Ilokano mismo ang nagpataw ng mapait na katarungan: kamatayan. 

May mga saksi na buhay pa noong mga 1990s sa mga pangyayari. Ito ay sila Col. Geronimo Gaerlan ng 121st Infantry Guerilla Regiment sa ilalim ng isang Captain George Barnett, Americanong nakatakas sa Bataan at nagpundar ng mga gerilya sa hilagang Luzon mula noong 1942. Ayon kay Col. Gaerlan, sa pagbabalik ng mga Americano, matapos ang landing sa Lingayen, ipinahanap ni Barnett si Mariano Marcos sa San Fernando, La Union. Mukhang balitang-balita sa La Union ang pagka-“collaborator” ni Marcos.
Marahil ngang hindi maka-kilos si Mariano Marcos sa Ilocos dahil ang nangungunang lider ng mga gerilya doon ay si Governor Roque Ablan, Sr., ang siyang kinikilalang tunay na bayaning Ilokano noong tag-Hapon.

Doon sa San Fernando, La Union natagpuan si Marcos at agad-agad siyang dinala sa “guerilla headquarters” sa Barrio Sapilang, Bacnotan. May kasama pa daw na isa pang ‘collaborator’ na nagngangalang Aragosa. At itong taong ito ay kasabay na pinatay ng mga gerilyero.

May isang naninirahan sa baryong nabanggit na ayon sa kanyang ‘affidavit,’ nasaksihan daw niya ang pagpaslang bilang ganti sa ‘collaborator’ na si Mariano Marcos. Wika ni Gregorio Rubang, sa loob ng kanilang bakuran, sa likud ng kanyang bahay pinaghahampas muna ng kahoy (dos por dos kaya?) si Mariano Marcos, bago ito binayoneta! Ngunit ang pinaka-pamatay na upak ay dahil sa isang “baseball bat.”

Doon din mismo sa bakuran ni Gregorio Rubang inilibing ang mga bangkay. Sa kalaonan, ang labi at kalansay ng ‘collaborator’ ay hindi na nakita. May mga residenteng nagsasabi na ang mga ito, sa kalaonan, ay maaring nadala ng baha at ulan, matapos pakinabangan ng mga hayop. 

Sa itinagal-tagal, maaring lumitaw na rin mula sa mga arkibo ng mga Hapon, kung ano pa talaga ang naging papel ng mag-amang Marcos noong kapanahonan ng mga Hapon. Maraming nagsasabi noon na maging ang Pangulong Marcos mismo ay naging lihim na alagad ng Hukbong Hapones. Marahil mayroong mga katibayang naka-tago at naka-singit sa loob ng mga testamento at documento nakalap ng mga Hapones matapos ang digmaan.

-------------

ABOUT THE AUTHOR:

Tomas 'Buddy' Gomez III began his professional media career in ABS-CBN's (previously Chronicle Broadcasting Network) DZQL-Radio Reloj in 1957, after which he spent 25 years with the Ayala Group.

In 1986, the then Pres. Cory Aquino appointed him Consul General to Hawaii and later served as her Press Secretary.

During the Ramos administration, he was chairman and president of state-owned IBC-13 Network.

After government service, he became an ‘OFW’ in the U.S., working as front-desk clerk and then assistant general manager of a Hotel. He also worked as a furniture and antique restoration specialist.

He is now retired and lives in San Antonio, Texas.

His e-mail is: [email protected]

Disclaimer: The views in this blog are those of the blogger and do not necessarily reflect the views of ABS-CBN Corp.