OPINION: Alay sa OFW: Pananaw, puna, paalala at payo

Buddy Gomez -- Cyberbuddy

Posted at Feb 16 2019 05:14 AM

Hindi lamang pang-ekonomiya ang tulong na naidudulot ng ating mga overseas Filipino workers (OFWs) sa bansa at sa kanilang mga kapamilya.

Hindi maipagkakaila na dahil sa kanilang paglalakbay, sila ay nakalantad sa mas modernong sibilisasyon. Tumatanggap sila ng nararanasang kaalaman tungkol sa mga makabagong kabutihan, maging sa asal-tao, pamamalakad ng pamahalaan at kabuhayan, agham at kultura. Ang ipahatid, ipabatid at ipamahagi ang mga ito sa kani-kanilang mga angkan at kaibigan sa Pilipinas ay tunay na makahulugan at makabuluhan. Tunay na ma-impluwensya pa. 

Aminin na natin. Talagang ma-impluwensysa ang ating mga OFWs. Kaya nararapat lamang na ito ay gamitin sa wastong hangarin. Maging pang pamilya o maging pang bansa.

Ang lahat ng iyan ay ayuda sa ikauunlad ng bayan. Pakay po natin na mabigyan ng kahulugan at maging kabalikat sa kinabukasan ng bayan. 

Mula’t sapul pa, paniwala ko po na nararapat lang na ilahok at lumahok ang mga OFWs sa usaping pambansa.

-------------------------------------

Isang pangunahin at napapanahong halimbawa: ang eleksyon sa darating na Mayo. 

Bigyan natin ng masusing pansin ang pagpili ng mga senador at mga kinatawan sa Mababang Kapulungan sa darating na halalan. Kung kayo man ay bumoboto sa inyong kinaroroonan (absentee voting) o di kaya’y magpahatid payo at pakisuyo sa mga kamag-anakan, kumbinsihin ang inyong mga sakop. Huwag aksayahin ang balota.

Tungkulin ng bawat mamamayan na kilatising masinsinan ang pagkatao, kakayahan, rekord ng serbisyo at karanasan ng bawat kandidato. Iwasan ang pag-halal dahil lamang sa ‘pogi’ at ‘popularity” o dahil sa mga pangakong malabo sa katuparan.

Laging tandaan: ang bantog o patok sa takilya o telebisyon, at sa larangan ng palaro ay hindi katangian ng isang mapapag-katiwalaang mambabatas. Iwasan at itakwil ang mga kandidatong walang sariling paninindigang at pawang nagpapatuta sa kasalukayang may hawak ng kapangyarihan. Siguro naman inyo nang kilala ang mga tinutukoy.


-----------------------------------------

Malimit nating naririnig ang mga salitang “diaspora” at “expatriate.” Iyan po ang tumpak na tukoy sa atin! Ang mga OFWs at iba pang mga kababayan nating sumaka-ibang bansa na, naghahanapbuhay ng pangmatagalan sa labas ng Filipinas, maging habangbuhay o pangsamantalang taning. .“Ang Pinoy sa diaspora” “The Filipino expatriate.” 

Ang pinagmulaan ng salitang “diaspora” ay ang wikang Hebrew. Salitang tukoy sa kababayang lumikas at nagpaibang bayan, karaniwan dahil sa pag-iwas sa kahirapan at persecution (pag-uusig ng naghaharing kapwa).

Ang bawat tagumpay, kaunlaran, kabutihan, kaligayan kasama na rin ng samang-loob, pighati at pagkabigo ng ating mga kapatid at kadugo na mula sa labas ng ating bansa ay maari nating ilarawan bilang “katas ng ‘diyasporang Pinoy!” Hindi ba’t magandang pakinggan?

-------------------------------------

Sa mga araw na ito, laganap ang balitang peke. Talagang kapanahunan ng “fake news,” lalo na sa pamamagitan ng social media. ‘Yang Internet, Facebook, atbp. Mag-ingat sa pag-kilos o sa pagkarakang paniniwala na batay lamang sa kapos o maling balita! Isang babala na dapat ipahatid sa ating mga kamag-anak. Ang maselang desisyon ay hindi nararapat na ipaubaya sa maling impormasyon!

May kasabihan ang mga Ruso. Ito ay naging paboritong ekspresyon ng yumaong si Pres. Ronald Reagan ng America. “Magtiwala….pero patunayan muna!” 

Trust but verify!

Hindi masamang itanim sa isipan ang kasabihang ito bilang alituntunin at gabay sa ating pang-araw-araw na buhay.

Ang news.abs-cbn.com ay handang tumanggap ng inyong lubos na pag-tiwala. Katotohanan ay aming lingkod at panata!

-------------------------------------

Kamakailan, may na-‘feature’ sa balita na isang babaeng puti, banyaga, na namumulot ng kalat na basura sa Makati at ito ay kanyang itinatabi ng wasto. 
Paghahalimbawa kaya ito?

Huwag baliwalain o idaan sa tawa. Sa ibang bansa, sumasangayon at katulong tayo sa pang-araw araw na kalinisan. 

Wika nga: Ang pagiging malinis malinis ay kasunod ng maka-Diyos! (Cleanliness is next to Godliness!). 

Alam po natin na tila kahit saang pook sa ating mga kabayanan, may basura at duming nagkakalat. 

Manong pagsabihan nga ninyo ang inyong mga mahal na maging maayos naman sa pangangalaga ng kapaligiran, maging sa loob ng bahay o sa labas. Hindi naman mahirap ang tigilan ang pagiging salaula. Praktis lang po! Matutong mag-‘recycle’ din.

-------------------------------------

Kung hindi rin lang naman kailangan magdaan sa Maynila, payo ko lamang sa ating mga kapatid na magsisi-uwi, iwasan ang lumapag sa Manila International Airport. Kung ang tuloy ninyo ay Bisayas o MIndanao, piliin na lang ang biyaheng Cebu/Mactan. Kung Central at Northern Luzon, nariyan ang Clark sa Angeles, Pampanga.

Ang kasiksikan ng tao sa buong Metro Manila ay walang gamot, walang lunas! Tanging pagbabawas na lamang ng populasyon ang magdudulot ng solusyon. At sa gawing ito, wala pa rin ginagawa ang ating pamahalaan.

Alam ba ninyo na ang Lungsod ng Maynila ay pinaka-masikip sa buong mundo? United Nations na mismo ang nagsasabi. “Most densely populated city in the world!” At sa loob ng “Top Ten,” dalawa pa ang sakop ng Metro Manila. Pateros at Caloocan (#3 at #5). At hindi na rin malayo ang Malabon at Pasig. (#20 at #22)

-------------------------------------

Hindi nga ba’t pinanggagalingan ng malaki karangalan ng mga Pinoy sa bawa’t sulok ng daigdig tuwing may nababalitang kababayan na nag-wagi sa paligsahan ng musika (kantahan) o lalong lalo ang ‘beauty contest.’ 

Pati na rin sa larangan ng mga propesyon at pulitika. Ang pagsikat ng Pinoy ay hindi maiiwasan. 

Sa loob ng mga nakaraang dekada, dumami na ang mga Filipino na nagsilikas patungo sa iba’t iban dako ng mundo. Sa paghahanap ng mas mabuting kabuhayan at kinabukasan, hindi ba’t sila ay namamayani din? 

Humigit kumulang sa dalawa at kalahating milyon ang tinatalang bayaning Filipino na nasa labas ng bansa bilang OFW. Nawa’y magkaisang isip at layunin. Sapagka’t “ang katas ng diyasporang Pinoy” ay biyaya sa bansa.

Hanggang sa muli!

(Ang aking email ay: [email protected] )

Disclaimer: The views in this blog are those of the blogger and do not necessarily reflect the views of ABS-CBN Corp.