OPINYON: Hoy! Bata batuta, Kriminal ka ba?

Buddy Gomez -- Cyberbuddy

Posted at Jan 26 2019 06:36 PM | Updated as of Jan 26 2019 06:37 PM

Kamakailan pa lamang, iginigiit ng Congreso na siyam (9) na taong gulang pa lang, maari nang ituring kriminal ang isang musmos. Ngayon naman ay labing dalawang taon na (12). Naidaan sa tawaran ng mga politico. “Consensus’ ng ma Congresista, daw. Hindi na “criminal responsibility” kundi “social responsibility” naman. Same banana, pero ganoon pa rin ang suma.

Mayroon pong isang katotohanan na tila napakahirap maintindihan ng ating mga kinatawan sa Congreso. Sapagka’t ang antas ng huwisyo ng batang musmos ay sakop ng kalikasang sangkatauhan (nature of mankind), agham ng sikolohiya at medisina ang dapat mangibabaw at sundin. Hinding hindi ito isinasangkot bilang kasangkapan ng pampulitikang pagsasabatas!

Bago po natin makalimutan: ang isa sa mga pangako ng kandidatong si Rodrigo Duterte noong 2016 ay ang ibaba sa siyam na taong gulang (9) ang edad ng responsibilidad upang ang isang bata, lalake man o babae, kung may pagkakasala, ay ituring na kriminal.

Alam po ninyo at alam ng madlang pipol kun ano ang batas. Ang legal na edad upang bumoto sa eleksyon ay labing walo/dieciocho (18). Ganoon din po naman ang batas sa pag-lasap ng alak at ‘yosi’ (sigarilyo). Gayon din ang pag-aasawa at pa-tubos ng ‘driver’s license.’

Sa buong kamundohan, ang karapatang gulang (age of majority or adulthood) ay 18. Ang igiit na may karapatang gulang na ang batang labing dalawa lang ang edad ay pawang kahibangan.

Napansin ng karamihan na biglang sumiklab ang pagtatalo sa ating lipunan nang lumabas, na halos palusot pala at ni walang pang-publikong diskusyon, ang isang panukalang batas na tumutugon sa kahilingan (at tila katuwang paglilihi) ng Malacanang! Mantakin ninyo, siyam na taong gulang, kriminal? Ito ay nanggaling na rin sa salita ng ating Speaker, si Aling Gloria Macapagal-Arroyo. Kagustuhan at hiling daw po ito ni Pangulong Duterte. Sila naman sa Congreso ay sumasangayon lamang at sumusunod! Ngayon, bilang pag-tugon sa sigaw at daing ng bayan, sige, labing dalawang taon na lang.

Payag na ba kayo sa panukalang ito?

Hindi rin nagpapahuli sila Senate President Tito Sotto and Senator Dick Gordon. Inaaming lantarang kasabwat sila at madalian nilang gustong ma-selyohan din ng Senado ang ‘pakulo’ sa mababang kapulungan. Sa ikaliligaya ng kanilang Poon sa Ilog Pasig!

Sa tingin ko, ang biglang walang pakundangang kilos ng Kapulungan ng mga Kinatawan (House of Representatives) na agad-agad na nais isakatuparan ang kursunada ng ating Pangulo, ay may taglay na hindi kahali-halinang kahulugan. Medyo nakakahiyang aminin ngunit hindi maipagkakaila. Si Gloria at sampu ng kanyang mga alipores ay laging handang magpaka-tuta! Totoo nga ba ito? O, baka naman may lihim na areglo? Ano kaya? Exchange gifts, kahit katatapos palang ng Pasko.

Bagama’t hindi inaasahan, mayroon din namang kabutihang na isiwalat ang naturang kasalukuyang usapin. Muling nangibabaw sa pansin ng bayan ang ma-aksayang pamamalakad at kalakaran sa ating Congreso. Muling nabigyan ng nararapat na pansin at pagtaguyod ang karapatang pantao, lalong lalo na ang karapatan ng mga inosenteng musmos. At nagbigay ng pagkakataon na makilala natin ang tunay na pag-katao ng ating mga mambabatas.

Kung kaya naman pinangunahan ng Komisyon sa mga Karapatang Pantao (Commission on Human Rights o CHR) ang paglilinaw at pagbabahagi ng wastong impormasyon at pananaw hinggil sa usaping ito. Ang CHR ay napatawag ng isang “Press Conference” noong Lunes ng umaga. Kasama sa mga dalubhasang dumalo at nag-bigay ng sapat na paglilinaw at payo ay ang Psychological Association of the Philippines at si Dr. Liane P. Alampay, PhD, doktorada sa larangan ng Sikolohiya. Ayon sa kanila, noon pang umpisa ng administrasyon ni Duterte (2016) na ang dalubhasang pag-aaral at paninindigan ay na-isumite na sa Congreso. Mukha pa lang may natutulog sa pansitan.

Ang hinala ko ay hindi binasa at pinagaralan ang mga kaalaman at impormasyon. At kung ang mga ito’y napansin man, marahil hindi na-intindihan.

Card

Sa dinami-dami ng mga suliranin na bumabagabag sa lipunan, ang kanilang pinagtutustusan ng abala ay ang pag-pataw ng salang kriminal sa mga batang suwail na wala pang tamang huwisyo. Karaniwan lahat ng ito ay mga anak dalita, mga dukha at maralita. Hindi nai-iba sa mga biktima ng “Drug War” at ng “Tokhang”.

Ang malungkot pa nito, ayon na rin sa estatistikang nagmula sa Philippine National Police (PNP), ang pangkalahatang krimen ng mga ‘menor de edad’ ay pumapatak lamang sa dos porsyento (2%). Ito ay sa buong bansa! Nangangahulugan na noventa y ocho porsyento (98%) ng kaganapang krimen sa buong Pilipinas ay gawain ng may sapat na edad.Hindi musmos. Yaong, lampas na sa dieciocho ang gulang. Eh, bakit pinag-didiskitihan ang dos porsyentong musmos? Mayroon kayang nagdunong-dunongan na mangmang? (Opinionated Ignoramus!) At mayroon din yatang napapa-uto!

At sa karagdagang pagsusuri, lalo pang nakakagimbal isip! Ocho porsyento (8%) ng naturang dos porsyento lamang ang mga seryosong krimen. Halos lahat ay bali- walang pagkakasala, ‘petty crimes,' wika nga. Dios kong mahabagin! Iyan po ay “.0016”!

Ang pangulo ng bansa, ang Speaker ng Camara at sampo ng kanyang mga alipores ang ina-atupag ay butil ng buhangin. Habang ang batong gabahay ang laki, walang banggit, walang pansin at walang puna! Ano ang mga ito? Sindikato ng krimen sa loob at labas ng gobiyerno, mga inutil na ahensya ng pamahalaan.

Hindi lang tayo pag-tatawanan ng buong mundo. Wala pong bansa sa buong mundo na may batas na tulad ng iginigiit ni Duterte at ni Gloria. Sino pa ang magtitiwala sa kakayahan ng ating lahi kung ating mga nahalal na kinatawan ay.... Kayo na po an magtapos at baka ma-libelo pa ako.

Mabibiyaya-an kaya ng katinuan ang ating mga Congresista dahil sa buhos ng pambansang pagtutol sa kanilang pakulo?

Bago po ako magtapos, isang paki-suyo mga kaibigan ko sa news.abs-cbn.com at sa Facebook. Saan man kayo naroroon, ang bawa’t isa sa atin ay mayroong Congressman o woman, kinatawan natin sa lehislatura. Alamin po natin ang paninindigan nila sa usaping ito. Kung hindi tayo nasisiyahan sa kanilang pamumulitika, ipabatid natin sa kanila na malapit na ang eleksyon.

Atin pong tandaan. Kapag ang mga kinatawan sa lehislatura ay nagpapa-uto o na papatuta sa liderato ng bansa, iyan po ay hudyat na nag-hihingalo ang demokrasya.

ABOUT THE AUTHOR:

Tomas 'Buddy' Gomez III began his professional media career in ABS-CBN's (previously Chronicle Broadcasting Network) DZQL-Radio Reloj in 1957, after which he spent 25 years with the Ayala Group.

In 1986, the then Pres. Cory Aquino appointed him Consul General to Hawaii and later served as her Press Secretary.

During the Ramos administration, he was chairman and president of state-owned IBC-13 Network.

After government service, he became an ‘OFW’ in the U.S., working as front-desk clerk and then assistant general manager of a hotel. He also worked as a furniture and antique restoration specialist.

He is now retired and lives in San Antonio, Texas.

His e-mail is: [email protected]

Disclaimer: The views in this blog are those of the blogger and do not necessarily reflect the views of ABS-CBN Corp.