Marikina, after Ulysses. Photo by Gil Nartea
Culture

OPINYON: Hindi nakakatulong ang ‘Tumulong ka na lang’

May pagkakaiba ang tungkuling personal sa tungkuling politikal. Ang totoo, sa Pilipinas: Pareho natin silang kailangan. By GIAN LAO | Isinalin sa Filipino ni ALI SANGALANG | Mga retrato ni  GIL NARTEA
GIAN LAO | Isinalin sa Filipino ni ALI SANGALANG | Photos by GIL NARTEA | Nov 26 2020

Bumabad ka saglit sa internet at siguradong aabutan ka ng pinakamatinding argumento sa balat ng lupa: Ang ideya na paisa-isa lang ang kaya nating gawin. 

Katwiran ng mga tumutuligsa sa RH bill: “Wag na nating itulak 'yan at tumutok na lang sa paglaban sa kahirapan.” 

Ang tugon ng mga motorista tuwing may mungkahing solusyon sa transportation problem na posibleng makaabala sa kanila: “Ang problema kasi, disiplina. Ang daming pasaway na naglalakad sa kalsada.” 

Matapos naman ang mga kakulangan sa pagresponde sa sakuna na kinaharap natin kamakailan, bumagyo ng mga komentong “Tigilan nyo na ang pagpuna sa gobyerno. Tumulong na lang kayo.”

Marikina, after Ulysses. Photo by Gil Nartea

Sa totoo lang, malaking kalokohan ang mga argumentong ito. Ang ipinagpapalagay dito, paisa-isa lang ang aksyong kayang gawin ng mahigit isang milyong kawani ng gobyerno, o may magagawa lang ang gobyerno kapag may isasakripisyong ibang mahalagang bagay. Para bang ang gustong sabihin ay hindi natin maipagtatanggol ang karapatan ng mga miyembro ng LGBTQ+ community nang hindi tinatapakan ang karapatan ng mga relihiyoso. Hindi natin masusugpo ang droga nang hindi isinasangkalan ang karapatang pantao. Hindi matutulungan ng Pangulo ang mga biktima ng bagyo nang hindi siya lumalangoy sa tubig-baha. 

Rizal, after Ulysses. Photo by Gil Nartea

May butas ang mga pahayag na ito. Ang inilalatag ay isang “false dichotomy.” Isang delikado at simplistikong logic o pagtanaw sa mga bagay-bagay bilang “ito lang, o kaya ito.”  Hanggang diyan nga lang ba ang kapasidad sa pagdedesisyon ng pamahalaan? Bakit hindi puwedeng “ito AT ito”?

Ang totoo, lahat naman kayang mag-multitask. Yung mga nanay nga natin, kayang magwalis habang pabulyaw tayong tinatanong kung ano plano natin sa buhay. Yung mga basketbolista nga, kayang mag-dribble habang sinisipat ang lawak ng court para alamin kung sino’ng libreng mapasahan ng bola. Naglalakad nga tayo habang ngumunguya ng chewing gum. Natuklasan na nga ng mga siyentista na ultimo isda (anak ng pating!) kayang gumawa ng mga bagay nang sabay-sabay (ang huminga habang nagsi-swimming?). 

Marikina, after Ulysses. Photo by Gil Nartea

Gayundin, kayang ipagtanggol ng gobyerno ang karapatan ng mga nasa laylayan nang hindi tinatapakan ang karapatan ng ibang mamamayan. May paraan upang sugpuin ang droga habang iniiwasan ang pagdami ng nadadamay at napapatay. Malawak ang sakop na kapangyarihan ng Pangulo ng bansa. Hindi niya kailangang sumuong sa tubig-baha para makatulong sa mga nangangailangan. 

At puwede nating punahin ang mga pagkukulang ng pamahalaan habang tinutulungan din natin sa pag-ahon ang ating mga kababayan. 

Marikina, after Ulysses. Photo by Gil Nartea

Maraming nalilito sa atin kung ano'ng kaibahan ng tungkuling personal sa tungkuling politikal. Subukin nating simplehan: Ang tungkuling personal ay nakatuon sa kung paano tayo mabubuhay, at kung paano tayo magiging mabubuting mamamayan. Kumakayod tayo sa trabaho; nagbabayad ng buwis; naglilinis at nagre-recyle; nagsusuot ng facemask at naghuhugas ng kamay. Nagpapadala tayo ng ayuda sa mga biktima ng sakuna at nag-aalay ng donasyon sa mga relief operation sa abot ng ating makakaya. 

Minsan, sinasabihan tayong gampanan na lang ang tungkuling personal sa tuwing ginagampanan natin ang tungkuling politikal. Kaya tayo nasasabihan ng “Mag-aral na lang kayo.” “Tumulong na lang kayo.” “Hindi naman kayo nagbabayad ng tax.”

Marikina, after Ulysses. Photo by Gil Nartea

Para sa ibang Pinoy, ibang mundo ang tungkuling politikal. Ito ang tungkulin nating tingnan ang komunidad sa mas malawak na lente. Ito ang pagiging kritikal sa ating mga pinuno. Ito ang pagturo sa ating sarili kung ano’ng mga programa at pamamaraan ang maaaring makatulong sa paglaban sa kahirapan, o magdulot ng malawakang kaunlaran sa ating ekonomiya. 

Ito rin ang paghiling ng isang pambansang sistemang pangkalusugan na may tunay na malasakit sa bawat Pilipino—na maari nating dagdagan ng pagbibigay ng donasyon at tulong sa iba’t ibang organisasyon upang tapalan ang mga kakulangan sa kasalukuyang pamamalakad. Dahil nga pwede nating gawin ito pareho, at pwede natin itong gawin nang sabay. Pwede tayong maging mabuting mamamayan habang humihiling ng mas mabuting serbisyo sa ating pamahalaan.

Marikina, after Ulysses. Photo by Gil Nartea

May mga kakaibang kaso rin, siyempre—tulad ng mga Pangulo, Gobernador, Mayor, o mga CEO ng kompanya—kung saan kadalasang naghahalo ang personal at politikal na mga responsibilidad. Isang maliit na kilos lang nila, pwedeng magkaroon ng malaking epekto sa buhay ng libong-libong tao. Ang isang pirma ay maaaring makagawa ng napakaraming trabaho. Ang isang meeting pwedeng panggalingan ng desisyon sa isang buong taong budget ng mga skwela, ospital, o transportasyon. 

Marikina, after Ulysses. Photo by Gil Nartea

Para sa ilan siguro sa kanila, madali nang sabihin ang “Bakit hindi ka na lang tumulong kaysa magreklamo?” Lalo’t malamang, nalimutan na ng ilan sa kanila ang pakiramdam ng pagbabanat ng buto nang walang pagkilala, ng pagpupursigi nang walang hawak na kapangyarihan, o yung talagang maging sadyang malas lang sa buhay. 

Kaya siguro ang dalas nating makarinig mula sa ilang opisyal ng gobyerno ng “Ano ba’ng ambag mo?” Tanong na talaga namang nakakalokong pakinggan kapag naisip mong nasa 4.1 trilyong piso na pambansang pondo ang kanilang hawak, kasama pa ang higit isang milyong mga kawani sa burukrasya. 

Marikina, after Ulysses. Photo by Gil Nartea

Sila rin ang mga taong ang lakas ng loob sabihan tayo na maging “resilient” o magpakatatag, samantalang matagal na tayong tinuturuang magpakatatag sa buhay dito sa Pilipinas, maka-survive lang. Umabot na nga sa punto kung saan normal na nating sinasagot ang tanong na “Kumusta?” ng “Eto, buhay pa.” Dahil sa totoo lang, ang pinakamatinding pagpapamalas ng tatag ng mga Pilipino nitong mga nagdaang taon ay ito mismong pananatili nating buhay sa kabila ng kabulukan ng mga abusadong pulitiko’t ilang pinakamayayaman.

Marikina, after Ulysses. Photo by Gil Nartea

Samakatuwid, talagang toxic ang linyang “Tumulong ka na lang.” Iniipit tayo nito sa isang sulok kung saan para bang wala na tayong mapagpipilian: “Magrereklamo ka na lang ba o tutulong gumawa ng solusyon?” Bakit ba hindi natin ito gawin pareho? Kapag binabatikos natin ang gobyerno, hindi ibig sabihing ayaw na nating tumulong. Hindi tayo nambabatikos dahil mga pasaway lang tayong mamamayan, na gusto lang nating buwagin at patumbahin ang pamahalaan. Kung tutuusin, kabaliktaran pa nga: Ginagawa natin ito dahil tayo’y mabubuting mamamayan na gusto lang magtagumpay ang gobyerno at ang ating bansa.

Dapat lang na mambatikos tayo dahil bilang mga mamamayan, natural na umasa tayo ng isang pinunong humaharap sa bayan para maghayag ng tamang impormasyon o magbigay ng babala sa isang paparating na bagyo—hindi lang text alert, o memo galing opisina, hindi lang isang Presidenteng magsasabing handa siyang lumangoy sa tubig-baha. Sabihin nating humarap nga siya sa tao upang seryosong magbigay impormasyon at babala—kakagatin kaya? Malamang, lalo pa’t nasa 91% ng ating mga kababayan ayon sa survey ay nagtitiwala pa rin sa Pangulo.

Rizal after Ulysses. Photo by Gil Nartea
Rizal after Ulysses. Photo by Gil Nartea

Dapat lang na mambatikos tayo dahil ang mga nasa rescue operations—silang magigiting at respetado nating mga kababayan—ay maaaring nailagay sana sa mas mabuting posisyon para makasagip ng mas maraming tao, o sa sitwasyong mailalayo sila sa nakaambang peligro. 

Dapat lang na mambatikos tayo dahil ang pagbabago sa kaisipan ng ating mga pinuno ay magdudulot ng malawakang epekto na mas malaki pa sa kayang gawin ng isang tao.

Rizal, after Ulysses. Photo by Gil Nartea

Kung may isang aral mang maaaring mapulot mula sa kasalukuyang sitwasyon, ito siguro: tigilan na natin ang pagsabi ng “Tumulong ka na lang.” Tumulong ka. Period. At kasama rito ang paghiling ng mahusay na serbisyo at pagsingil ng pananagutan mula sa ating mga pinuno. 

Pwede naman nating gawin pareho. Maglinis at mag-recycle tayo habang ikinakampanya ang clean energy. Magsuot tayo ng facemask, maghugas ng kamay, at mag-physical distancing, habang umaasa sa mas mainam at mas malawakang pagtugon sa pandemya. Aagapay tayo sa mga apektado ng pagbaha at hihingi ng higit na alalay, suporta, at paglilingkod mula sa gobyerno. Sa panahong tulad nito—isang taon kung saan binayo at binagyo tayo ng kaliwa’t kanang pagsubok—ang ating gawa, kailangang samahan ng salita.