Ang boss kong si 7-5: A father’s letter to his young kids on his years working with PNoy 2
PNoy in Malacañang, 2014. Photo by MM Yu
Culture

Ang boss kong si 7-5: A father’s letter to his young kids on his years working with PNoy

“Hindi man siya naging Ama ng isang pamilya, naging mabuti’t ulirang Ama siya ng bansa"  
CHARLES BONOAN TUVILLA  | Jul 03 2021

Kina Javier at Ada:

May kwento ako sa inyo. Tungkol ito sa dati kong boss. Siya si Noynoy Aquino. PNoy ang tawag sa kanya nang siya’y naging Pangulo. Sa amin, siya si 7-5. Mahigit tatlong taon din akong nagsulat ng mga talumpati niya.

Background story muna. Isang malaking tsamba ang pagkakapasok ko sa administrasyon niya. Unang bahagi ng 2010, Tier 3 Tech Support ako para sa isang BPO: nagkukumpuni ng mga laptop, nagre-reinstall ng anti-virus softwares, at shock absorber ng mga tumatawag mula North America na di mahanap kung saan isasalpak ang mga bagong bili nilang DVD. 

Kapag wala akong trabaho, at kung absent ako sa kanto ng Pembo para magbasketball at makipag-inuman, tambay ako sa UP para makipagkatayan ng mga tula. Maliit ang creative writing community ng Pilipinas: parang niroroleta lang ang mga pamilyar na mukha’t pangalan para sa national workshops at literary awards. Ilang buwan matapos dumalo sa isang huntahan ng mga manunulat, may natanggap akong imbitasyon mula kay Mikael Co, isang makata, para magsulat sa Malakanyang. 

Sabi niya, kailangan lang na marunong mag-isip at kayang payamanin ang mensahe ng tuwid na daan ni Noynoy Aquino. Ang hirit ko noon: kaya ko naman sigurong itawid ang tuwid na daan; kung maligo siguro sa dagat ng basura, mahihirapan. Hindi kasi ako bumoto sa presidential elections na ito. Hindi ako naging bahagi ng kampanya. Wala rin akong malalim na kaalaman tungkol sa burukrasya. Higit sa lahat, mahirap kumuha ng PTO sa BPO. Ang sabi ni Kael, sumipot lang daw ako sa interview. Sige, game.

Ang boss kong si 7-5: A father’s letter to his young kids on his years working with PNoy 3
The book PNoy gave the author on a visit from Texas. It says, “Charles, Salamat sa lahat ng naitulong mo sa Daang Matuwid.” Photo courtesy of the author

Nagtirik ng kandila ang Auntie kong tinutuluyan ko sa Pembo nang malaman niyang may interview ako sa Palasyo. Nagluto rin siya ng tinolang maraming lahok na malunggay. Pampaswerte daw. Nagpadala ang Uncle ko mula Ilocos ng mga polo at slacks para may pormal akong isuot pagpunta sa Malakanyang. Naging madali ang proseso. Kumbaga, formality na lang. Ang sweldo, halos katumbas rin lang ng sweldo ko sa BPO. Sabi ko sa sarili ko, at least, magsusulat ako. Wala pa akong kadenang headset.

Unang araw ko, apat na speaking engagements agad ang ikinasa. Halos dalawang araw kong pinaglamayan ang mga talumpati. Para namang may laban si PacMan kung mag-antabay sa telebisyon ang mga kamag-anak kong proud na proud na babasahin ng Pangulo ang isinulat ko. Awa ng diyos, sa apat na isinulat ko, ni isa, wala siyang binasa. Pagbubudbod pa ng asin sa sariwang sugat on national TV ang hirit niyang: “hindi ko na po babasahin ang inihandang talumpati dahil parang kulang po sa puso ang mensahe.” Hindi pa nabubura ng supervisor ko sa Call Center ang resignation letter ko, naghahanap na ulit ako ng trabaho sa Jobstreet.

Pero nakabawi rin naman ako bago tuluyang maging muling bahagi ng estadistika ng unemployed na Pilipino. Magkasunod na engagements ang dumating: Ang alumni homecoming para sa College of Law ng UP, at ng College of Law ng San Beda. Sakto rin na hindi ko na kailangang bunuing mag-isa ang mga draft. Dumating na sina Hermund at Ali, at hinugot ni Kael mula sa Correspondence Office ang ingliserong si Gian (yes, hindi na namin kailangang mag-Google translate!). 

Sa panahong ito, ni hindi pa namin nakikita nang personal si 7-5. Ang proseso: tinitipa namin ang speech, dadaan sa mga boss namin sa PCDSPO, ipapasa sa PMS, diretso sa private office ng Pangulo. Pagkatapos ng event, sapat na sa aming malaman na binasa niya ang talumpati. Pero pagkatapos ng dalawang speaking engagements na ito, nagtanong daw siya kung sino ang nagsulat. Good job daw. Syet, good job. Yun pa lang, sapat nang dahilan para makatulog nang mahimbing at magkaroon ng gasolinang bumangon kinabukasan at magplantsa ng lumang polo para sumabak ulit sa kung anong talumpati ang kailangang isulat para sa mga susunod na araw. 

Ang boss kong si 7-5: A father’s letter to his young kids on his years working with PNoy 4
Yosi break at Bahay Pangarap, two days before SONA 2013. Photo courtesy of the author.

Di nagtagal, nagsimula kaming ipatawag ni 7-5 sa private office. Bago sumabak sa meeting, pagpagan muna ng damit, hawian ng buhok, patapangan ng pabango. Sa wakas, makikita na namin nang personal ang Pangulo. May lagusan mula sa NEB papuntang opisina niya. Kakatakok ka sa isang pinto, may magbubukas na PSG. Iraradyo niya sa kabilang dulo na may tatawid. Pagbaba sa hagdan, may nakaabang ulit na PSG. Basta ang naalala ko sa unang meeting namin, yung hitsura ng wood tiles. Makintab siya. Minsan, sumisipat rin ako sa portrait ng mga magulang niya sa pader sa likod niya. Nahihiya kasi akong titigan siya. Basta ang nagsasalita lang noon, mga principals ko. Nang ipinakilala ako bilang speechwriter niya, at nang malaman niyang graduate ako ng Mariano Marcos State University (MMSU), humirit siya sa akin: ah, ikaw pala yun, Anak ti Batac.

Unti-unting nag-iba ang proseso ng speechwriting mula dito. Kung hindi man dumating ang direktang inputs mula sa private office ni 7-5 o sa PMS, may mga biglaang patawag para maitipa namin mismo ang gusto niyang maging talumpati. Noong una, ilang na ilang pa kami. Di nagtagal, yung comfort level namin, umabot sa puntong nagnenenok na kami ng tsokolate mula sa dambuhalang chocolate bowl niya sa opisina kapag di siya nakatingin. 

Malaking adjustment din na kailangan na naming sumipot sa mismong speaking engagements sakaling may mga last minute na edits ulit siya sa speech na inapprove lang niya mga 30 minutes ago. Unang event na pinuntahan ko, hinarang ako ni Major Dizon, ang head ng PSG. Akala ko talaga, lalamukutin na niya ako at kakaladkarin palabas ng venue. Buti na lang hawak ko ang kopya ng talumpati. Kailangan pa niyang tawagan si Secretary Carandang para kumpirmahing hindi national security threat ang kombinasyon ng suot kong gusot na checkered polo at brown na baggy slacks.

Sa gitna ng mga talumpati para sa iba't ibang engagements, laging malaking ulap na nakalukob sa SWG (Speechwriters Group) ang papalapit nang papalapit na wrestlemania ng mga talumpati: ang State of the Nation Address. Lintek na SONA yan. Kapag speechwriter ka, ayaw mong may Christmas party. Pagkatapos kasi nito, laspagan na para mangalap ng mga datos ng SONA. Hindi pa natatanggal ang tinga ng lechon mula sa noche buena, may mga myembro na ng gabinete na mangungumusta sa draft ng SONA.  

Kung ano’ng takot ng SWG sa pagdating ng Hulyo, siya namang pagiging eksayted lagi ni 7-5 para sa SONA. Higit kasi sa mismong pagbibigay niya ng talumpati, mas ganado siyang ihayag na yung mga ipinangako niya noong huling SONA, nagawa niya, kundi man nalampasan pa ang targets. Kapag may pre-SONA meeting ang gabinete, di pwedeng basta salita lang at pambobola. Kapag gusto mong maisama sa SONA ang nagawa ng ahensya, ipakita mo muna ang numero, at kaya mong sagutin nang malinaw ang cross-examination ni 7-5. 

Naaalala kasi niya hanggang sa pinakadulong decimal point ang mga ipinangako mong targets the previous year.  Klasrum na ipinatayo, bagong ospital sa kanayunan, bilang ng mga bahay na nabigyan ng ilaw sa mga liblib na lugar, ilang kilometro ng bagong dugtong na mga tulay: lahat nakaimbak sa utak niya. Kaya nga kapag ginagatasan nang ginagatasan ng iba ang “magpapasagasa ako sa tren” video niya, hindi nila maintindihan na hindi lang ito basta soundbite. May kumpiyansa siyang magagawa nga ito, hindi lamang dahil sa numerong ipinakita sa kanya, kundi mismo sa ahensyang nangako na magagawa nga ang nakaatas na proyekto nila.

Kapag may sapat nang datos, magsisimula na ang puyatan. Isang mahabang araw na lamang ang isang linggo. Isang mahabang buntonghininga na lamang ang ilang buwan na pagsusulat ang SONA. Uuwi ka nang madaling-araw para maligo, magpalit ng damit, at kumustahin ang iyong pamilya, tapos balik ulit sa opisina. Kapag umay na umay na kami sa kombinasyon ng kape, yosi, at salita, pampagising namin ang midnight taguan (na natatapos lang kapag may nagkakasakitan na sa pagtutulakan). 

May mga gabing biglang tatawag ang private office para sabihing sisilip si 7-5 para i-check ang draft. Katayan sessions ito: ang ilang paragraphs na kanina lang ay masayang-masaya kayo, ngayon ay pinapabura na ni 7-5. May mga pagkakataong pumapalag pa kami para maisalba ang mga ipinapatanggal niya. Magpapagising siya ng cabinet members para i-double check ang mga numero at ipa-vet kung accurate ang isinulat naming linya. Madalas, nakakalusot kami (fist-pump!). Pero kapag humirit na siya ng “Guys, magdedebate pa ba tayo?!,” e di wala na. Tapos na ang boksing. Move on. Highlight, delete. Next.  

Ang boss kong si 7-5: A father’s letter to his young kids on his years working with PNoy 5
PNoy’s speechwriters: Standing from left: Hermund, Ali, Charles, Gian, and Tina. Seated: JC and Kael.  Photo courtesy of the author.

Minsan naman, kapag napansin niyang lantang gulay na ang mga kaharap niya, hihirit siya: “Saan niyo gustong kumain pagkatapos ng SONA? Libre ko. Charles, nasubukan mo na yung steak ng Gullivers? Yung papaliguan mo ng sarsa yung karne?” Effective naman yung ganitong mga lambing ni 7-5, kahit na ang gusto talaga naming sagot ay “Isang bandehadong tulog po sana, Sir.”

Ang isinasalang na final speech ng SONA sa teleprompter ay resulta ng lampas benteng SONA drafts. Ilang araw bago sumabak sa kamara, binabasa nang buo ni 7-5 ang talumpati sa harap ng ilang staff sa private office. Dito tinitimpla kung kailan siya pwedeng tumigil at uminom, kung pwedeng paikliin ang linya, o kung saan pwedeng pabilisin ang pagbabasa. Sadya ang pagkakapasok ng mga video at slides sa gitna ng SONA. Espasyo kasi ito para rin makapagpahinga siya sa gitna ng mahigit isang oras niyang talumpati. 

Sa araw ng SONA, nakapwesto ang SWG sa likod ng entablado para tulungan ang tele-ladies (Hi Maam!) para sa pag-usad ng bawat linya na babasahin ni 7-5 sa teleprompter. Final stretch na ito. Kapag naisalang na ang huling linya at dumadagundong na ang palakpakan sa session hall ng Kongreso, saka lang kami nakakahinga nang maluwag. Habang abala ang marami sa kaliwa’t kanang selfie at photo-ops sa loob, tradisyon naman ng SWG ang pagkukumpulan sa labas ng Kamara para magyosi, tanaw sa malayo, tapik sa likod ng mga kasama. Isang kolektibong buntonghininga. Tapos na ang SONA. Next year ulit. Tara, Gullivers na. 

Bukod sa SONA, mahalaga rin kay 7-5 ang mga talumpating ipinapahanda niya kapag bibisita siya sa ibang bansa. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin maisip kung paanong itinuturing ng iba na field trip o junket ang mga international conferences o ang mga state visits. Bago pa man makalipad, basang-sisiw na kami sa airport dahil pagkatapos ng departure speech, kailangan naming habulin ang delegasyon habang buhat ang dalawang bag na may laman na briefers, speeches at printer para hindi kami maiwan ng eroplano. Hindi ka pa nakakaupo, nakaantabay ka na sa edits ni 7-5. 

Sa ere, iisa-isahin niya ang briefers ng PMS at drafts ng SWG. Habang humihilik na ang iba sa mahabang byahe, nag-eedit ka ng speech. Paglapag sa kung saang bansa, wala kang panahong pumetiks dahil kapag may mga nagustuhan siyang mga detalye sa mga meetings, dapat ay nakahanda kang isalpak ang mga good news na ito sa mga drafts. Bawat gabing nasa ibang bansa kayo, bago siya matulog, nagpapatawag siya para kumpunihin ang speech ayon sa naging takbo ng mga dinaluhan niyang mga pagpupulong. Kapag mismong Pangulo ay nagpupuyat para matiyak na matino ang kanyang trabaho, nakakadagdag ng lakas ito para magtrabaho ka rin nang masigasig at matino para kinabukasan, bago pa man siya gumising, nakahanda na ang mga ipinasulat niya sa iyo. Dedmahin muna ang puyat. Sapat nang sight-seeing ang bughaw na pool sa tapat ng bintana mo. Hindi ito field trip. Serbisyo ito.

Speaking of serbisyo, may isang foreign trip na laging tumatatak sa isip ko. Dito ko kasi nakita kung gaano kaseryoso sa sinumpaan niyang trabaho si 7-5. ASEAN Summit, di ko na maalala kung saang bansa. Bahagi ng tatalakayin ng maraming pinuno ay ang territorial dispute sa West Philippine Sea. Kapag ganitong pagpupulong, ang statements ng bawat pinuno ay naipa-vet na, naipabasa na, at napagkasunduan na ng Foreign Affairs representatives ng iba’t ibang dadalo. Kumbaga, scripted na. Ito ang sasabihin ng pangulong ito, at para wala masyadong gulo, ito naman ang sasabihin ng kabilang pangulo. Napaka-safe. E hindi sang-ayon si 7-5 sa ganitong sistema. Ayaw niyang basahin ang mga inihandang statements. Start from scratch. 

Gulantang ang DFA at ang mga patulog na sanang delegasyon. Ang punto ni 7-5: May posisyon tayong gusto nating tindigan, at hindi natin maipaparating nang malinaw ang posisyong ito kung tikom-bibig tayo’t magpapatangay na lang sa alon na ginagawa ng dambuhalang karatig-bayan. Hindi siya naghanap ng gulo. Walang sindakan na naganap. Higit sa lahat, hindi tayo umuwing bahag ang buntot. Malinaw ang mensahe niya, at inihayag niya ito sa mundo: Ang Pilipinas ay para sa Pilipino.

Pagkatapos ng foreign trip, hayan na ang kinatatakutang arrival speech. Lahat ng nakuha sa byahe, kailangang isiksik sa talumpati na, technically ay nasusulat lamang sa flight pabalik sa Pilipinas. Kapag naisulat mo na ang draft at ipinasa sa kanya, madalas ay mababasa na lamang niya ito kapag malapit nang lumapag ang eroplano. Kapag may ipinapadagdag pa siya, kulang na lang ay pumasok ka sa cockpit para sabihan ang piloto na ire-route muna ang flight. 

Pero kapag nagsimula na niyang pasadahan ang unang pahina, at ang pangalawa, at pangatlong pahina, hanggang sa last page na tatango-tango siya, tapos minor edits na lang, para ka na ring nasa cloud nine. Paglapag, imbes na si 7-5 ang unang lalabas sa eroplano ayon sa tradisyon, papasingitin ng PSG ang SWG para tumakbo palabas, magpatintero sa likod ng mga sundalong nakataas ang mga espada para sa arrival honors, at dumiretso sa teleprompter hawak ang final draft na nasa USB. 

Naku, pasensya na, mga anak, kung medyo napahaba ang kwento ni Tatay. Sabi ko nga kanina, mahigit tatlong taon lang naman akong nakatrabaho siya. Ngunit di ko man nakumpleto ang anim na taong termino niya, andami pa rin kasing alaala na sa tingin ko ay mahalagang marinig ninyo. 

Halimbawa na lang nang minsang may isang event along EDSA. Nakahanda na ako sa venue at naghihintay sa pagdating ng convoy ni 7-5 nang biglang tumawag si Atty Jun. Takbo daw ako agad papuntang Times kasi hinahanap ako ni Boss. Nakupo. Heto na ang katakut-takot na last-minute chop-chop session. 

Pagdating sa bahay niya, pinadiretso ako sa isang kwarto. Pagpasok, mapapansin ang tokador ng music CD sa pader, at busog sa libro ang sahig at mesa. Halos walang maikutan. Mancave kung mancave. Nasa tapat ng computer si 7-5, may kinakalikot. Mas moderno pa ang mga computer na pinaglalaruan ng DOTA ng mga bata sa kanto namin kaysa sa desktop niya. 

“Nag-tech support ka, Charles, diba?” May bagong CD siyang gustong pakinggan pero ayaw gumana. Nang maayos ko ang ipinapaayos niya (may napigtas na speaker cable sa likod ng computer), nagpasalamat siya at pinasadahan ang talumpati. Nang matapos ang event, di mawala sa isip ko: narito ang pinakamataas na pinuno ng bansa, at sa kanyang pribadong espasyo, sinusubukang maging computer technician para man lang, tulad ng karaniwang tao, makapagsingit ng kahit ilang minuto para mapagbigyan ang sariling makinig ng bagong CD, o marahil minsan ay makasilip sa librong matagal na naisantabi, bago muling lumabas sa kanyang silid at ibigay nang buo ang kanyang oras at atensyon sa serbisyo-publiko. 

Ang boss kong si 7-5: A father’s letter to his young kids on his years working with PNoy 6
Ali, Gian and Charles. Backstage, speech for the Ateneo Law School 75th Anniversary. June 6, 2011. Photo courtesy of the author

Disyembre 2013 nang kinailangan ko nang lumipad papuntang Estados Unidos para makasama kayo ni Nanay Pam. Ilang buwan bago nito, nakapagpaalam na ako sa kanya. Huling meeting na dinaluhan ko sa private office, habang nagyoyosi kami sa sulok (ayaw niyang nagyoyosi sa harap ng non-smokers at mga babae kaya siya mismo ang lumalayo, so lahat ng may bisyo, andun din lang sa malayong corner ng opisina niya), nagbibigay siya ng mga tips kung saan ang masasarap na kainan sa Texas, ang mga lugar na pwedeng puntahan, ang mga karanasan sa lungsod nang maoperahan ang Ama niya sa Dallas. Syempre, laging may kabig sa dulo si 7-5. “Everything is bigger in Texas, Charles. Ingatan ang katawan.” Napa-stomach-in na lang ako sa hirit niya. 

Hindi na kami ulit nakapagkita ni 7-5 mula noon. Nang umuwi ako sa Pilipinas noong 2019, sumilip ako sa Times, nagbabakasakaling makapagbigay-galang man lang. Masama daw ang pakiramdam niya, kaya hindi na makababa, pero naipaabot pa niya ang isang librong may personal na mensahe. “Kay Charles: Salamat sa lahat ng naitulong mo sa daang matuwid!” Pero may P.S: “Namayat ka na ba?” Naka-isa pa talaga si Seeeerrrr.

Nitong nakaraang linggo, pumanaw si 7-5. Hanggang sa dulo, selfless pa rin. Habang ang ibang may kapangyarihan at impluwensya ay kaliwa’t kanan ang shortcut para makapanlamang, heto siyang tumatanggi sa bagong kidney dahil pakiramdam niya ay ninanakawan niya ng bagong buhay ang ibang nangangailangan rin ng transplant. 

Balang-araw, bibisita tayo sa puntod niya. Magdadala tayo ng dilaw na bulaklak. Mag-iiwan tayo ng isang kahang Marlboro Menthol, Coke, at ref magnet na may nakasulat na “Everything is Bigger in Texas.” Magtitirik tayo ng kandila, at papalibutan natin ito ng mga bite-size chocolates para mapalitan ang mga tsokolateng ibinulsa ko sa mga meeting namin. 

Paglaki ninyo, maaaring may mga mabasa at marinig kayo tungkol sa kanya na iba sa mga sinasabi ko: may bisyo, bugnutin, “Noynoying.” Si 7-5 siguro mismo ang unang magsasabing hindi siya perpekto, bilang tao man, o bilang Pangulo. Sa katunayan, maaaring sabihin na ang konsepto ng imperpeksyon—sa sarili niya at sa bansa—ang nagtulak sa kanyang bumangon kada araw, hindi para maging perpekto sa isang iglap ang lahat, kundi para baguhin at pagandahin, kahit  unti-unti, kahit gaano kasalimuot, ang estado ng isang bansang dati’y nasanay na sa mentalidad na wang-wang. Hindi man siya naging Ama ng isang pamilya, naging mabuti’t ulirang Ama siya ng bansa. 

Habambuhay siyang magiging bahagi ng mga karanasang ikukwento ko sa inyo kasi, tulad ng kagustuhan niyang iwanan ang bansa nang mas mabuti ang kalagayan bago siya maupo, alam kong matapos ang tatlong taon kong pagsusulat ng talumpati niya (at one-time tech support) naging mas mabuti akong tao, naging mas mabuti akong ama, at naging mas mabuti akong Pilipino dahil sa kanya. 

O siya, hanggang dito na lang muna. Haba na nito. Kwentuhan ko pa kayo ng mas marami nekstaym. Gunayt. Labyu.  

 

Nagmamahal, 

Tatay Charles

 

[Si Charles Bonoan Tuvilla ay isinilang sa Murphy,Cubao, lumaki sa Bangui, Ilocos Norte, at nakisilong ng ilang taon sa mga kamag-anak niya sa Pembo, Makati. Kasalukuyan siyang naninirahan sa Dallas, Texas kasama ang kaniyang maybahay na si Pam, at ang dalawa nilang mga anak, sina Javier at Ada.]