Home > News

Vietnamese tiklo matapos umanong manakit ng tindera sa Maynila

MAYNILA - Nauwi sa pananakit ang paniningil ng utang ng isang Vietnamese national sa isang tindera sa Sampaloc, Maynila nitong Lunes ng gabi.

Ayon sa tindera na si Haydee Bagoncia, nagpapautang sa palengke ang dayuhan na hindi na nakapaningil mula nang ibalik ang Metro Manila sa ilalim ng modified enhanced community quarantine.

Dumating umano sa palengke ang suspek, na nakainom, para maningil ng utang. Pinabalik na lang ni Bagoncia ang Vietnamese dahil bayad na siya sa utang sa kanyang pagkakatanda. 

Pinayuhan din niya ang kausap na dalhin ang listahan kinabukasan para makasiguro. 

Hindi umano ito nagustuhan ng dayuhan na hinatak at sinuntok sa balikat at likod si Bagoncia. Nang magtangkang tumakbo ang biktima, hinabol pa umano siya ng itak ng Vietnamese.

Sa tulong ng ibang tao sa palengke, naawat ang suspek at agad dinala sa presinto.

Nasa kustodiya na ng Manila Police District ang suspek.