Alessandra de Rossi, may 'tribute' kay Angel Locsin
Home > Entertainment

Alessandra de Rossi, may 'tribute' kay Angel Locsin

MANILA -- Muling ipinaabot ni Alessandra de Rossi ang paghanga niya kay Angel Locsin, na isa sa mga pinakaaktibong aktres na nagbibigay suporta sa ABS-CBN.

Sa Twitter nitong nitong Biyernes, isang pagbibigay-pugay sa mga nagawang tulong ni Angel ang ibinahagi ni Alessandra.

"Sabi nila, tatakbo ka daw na senador. Nyar, 'di kailangan. Kaya mong lumipad. Nag-iisa kang ganyan. Minsan nadadala ng emosyon. Hello? Obvious ba? Napakalaking puso ang nasayo. Natural 'yun. Tao ka. Sira ulo ka. Mahal kita. Teka? May tribute?" ani Alessandra na ipinost ang isang photo collage kung saan kita ang mga ginawang pagtulong ni Angel mula noong bagyong Ondoy hanggang magkaroon ng COVID-19 sa Pilipinas.

Sagot naman ni Angel: "Hahaha salamat, Alex. Mahal kita!"

Hirit pa ni Alessandra: "Hay salamat! Tumanggap ka din ng papuri sa wakas! Alam ko ayaw mo, pero sorry! May tribute! I cannot help it! TOTOO EH! Minsan lang! Hayaan mo akong ipagmalaki ka. Ako na 'to guys!"

Nauna na ring nilinaw nina Angel at Alessandra na walang isyu sa pagitan nilang dalawa kahit pa magkaiba ang paraan ng pagbibigay ng suporta nila sa ABS-CBN.

Ito ay matapos na ipaliwanag ni Alessandra kung bakit hindi siya sumasali sa mga rally.

Paglilinaw din ni Angel ang panawagan niya sa kapwa-artista na magsalita bilang suporta sa ABS-CBN ay hindi nangangahulugan na kailangan nilang lumabas at makiisa sa mga rally.