Marcelito Pomoy, tuloy ang pagpapagawa ng bahay para sa nangangailangan
Home > Entertainment

Marcelito Pomoy, tuloy ang pagpapagawa ng bahay para sa nangangailangan

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA -- "Kailangan kong tumulong sa tao."

Ito ang sinabi ni Marcelito Pomoy sa naging pagbisita niya sa "Magandang Buhay" nitong Huwebes, nang ikuwento niya kung bakit siya nagpagawa ng bahay para sa isang lola na namumuhay na mag-isa.

Hindi naman napigilan ni Marcelito ang mapaiyak nang balikan ang dahilan ng kanyang pagtulong sa kapwa. Aniya, ang naranasang hirap sa buhay ang nagtutulak sa kanya para gumawa ng kabutihan.

"Kasi na-realize ko, noong bata ako wala rin akong saktong tirahan, kumbaga isa rin akong palaboy, kung saan-saan ako nakatira. Kaya kapag [naalala] ko ang nakaraan, hindi ko maipaliwanag, kailangan kong tumulong sa tao. Para maiparamdam ko man lang kung ano ang narating ko ngayon ay maibalik ko sa kanila," ani Marcelito.

Sa Facebook unang nakita at naantig si Marcelito sa sitwasyon ni lola Aurora Verona kaya pinagawan niya ito ng maliit na kubo na gawa sa pawid at kawayan.

Matatandaang ginawa ni Marcelito ang pagtulong matapos niyang lumaban sa "champions" season ng "America's Got Talent." 

Ayon pa kay Marcelito, sa ngayon ay may pangatlong bahay na siyang pinapagawa para sa mga labis na nangangailangan.

"Yung bahay ni nanay kasi 'yan ang una. Pero ngayon may ginawa kami halos pangatlo na, may pang-apat pa na ginawa namin," ani Marcelito.