Sotto's 'Turno en Contra' speech against RH bill

ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2012 05:17 PM | Updated as of Sep 06 2012 02:00 AM

Editor's note: Senator Tito Sotto delivered parts 3 and 4 of his "turno en contra" privilege speech against the reproductive health (RH) bill on Wednesday. Here is the transcript, as prepared for delivery.

 
Sen. Vicente C. Sotto III 
Turno en Contra 
RH Bill 
Sept. 5, 2012 
PART III
 
Mr. President, mahal kong mga kasama:
 
Sa nakaraan kong mga talumpati, tinalakay ko ang mga mahahalagang usaping nagkukubli sa literal na pagkakasulat ng RH Bill---mga isyung nangangailangan ng maingat na pagbusisi, kung nais talaga nating magkaroon ng mapanuring desisyon sa usaping ito. Partikular kong tinutukoy ang aking mga expos-- sa mga iba't ibang makinasyon ng panlilinlang na ginamit ng mga lokal at banyagang organisasyon, na ang tanging layunin ay gawing katanggap-tanggap sa populasyong Pilipino ang makabagong paraan ng pagpaplano ng pamilya, mula artificial contraceptives hanggang abortive medicine.
 
Noong nakaraang lingo, napatunayan ko ang mga sumusunod na punto: Na ang RH-Bill ay isang batas na idinidikta ng mga banyaga.
 
Na pinopondohan at ginagamit ang iba't ibang organisasyong lokal para i-pressure ang mga mambabatas na ipasa ang nasabing bill.
 
Na nililinlang ang ating bansa ng mga organisasyong ito sa pamamagitan ng mga mali at mapagpanggap na impormasyon.
 
Ngayong araw na ito, kung mamarapatin ninyo, nais kong magpatuloy sa ikatlong bahagi ng aking turno en contra.
 
Pinaniniwala tayong ang batas na ito ay tungkol sa reproductive health concerns ng ating kababaihan, isang paraan para pababain ang bilang ng mga namamatay mula sa napakahirap na prosesong pinagdaraanan ng katawan ng babae sa pagbubuntis at panganganak. Sa madaling sabi, ayon sa mga sponsor ng bill na ito, nilalayon ng batas na iligtas ang buhay ng mga ina at ng kanilang hindi pa naisisilang na sanggol. Ang interesado akong malaman ay kung papaano mahahadlangan o mababawasan ng artificial contraceptives na ito, na walang dudang walang medicinal value at hindi rin nakagagamot, ang mga insidente ng pagkamatay ng ina sa panganganak? Kung totoo man na ito ay isang reproductive health bill, paano makapagliligtas ng buhay ang mga gamot na isinusulong ng batas na ito?
 
Ang totoo, mali ang denominasyon ng pamagat ng batas na ito dahil unang-una, isa itong population control bill. Nilalayon nitong paliitin ang ating populasyon sa pamamagitan ng mga contraceptives at iba pang birth control methods. Siyempre, ayaw nilang mahalata natin ito, kaya nila ginagamit ang terminong "essential medicines" para tumukoy sa iba't ibang birth control supplies at device. Pero noong huli kong pagsangguni sa diksiyonaryo, ang depinisyon ng "medicine" ay "substance or preparation to treat a disease," at ang "disease" naman ay nangangahulugan ng "abnormal body condition that entails functioning and can usually be recognized by signs and symptoms." Pero maituturing bang "medicines" itong contraceptives, intrauterine devices, condoms, injectables, at ang iba pang tinatawag na legal at ligtas na produkto at kagamitan para sa pagpaplano ng pamilya? Makagagamot ba ang mga ito ng karamdaman o makapapawi ng sakit, o kaya ay may kakayahang makapagpagaling? Siyempre, ang sagot ay tumataginting na HINDI.
 
Pero bakit natin kailangang talakayin ang mga hindi naman nakagagamot at nakagagaling na contraceptives, intrauterine devices, injectables, condoms at ang iba pang produkto at kagamitan para sa pagpaplano ng pamilya, kung wala naman itong kinalaman sa reproductive health? Ang totoo kasi, ang isinasalang natin ngayon ay isang population control bill. Katulad ng nauna nang tinukoy ng ating Senate President, magaling ang pagkaka-package sa bill na ito. Populasyon ang nasa sentro ng nakahaing panukalang batas, dahil ang mga terminong ginamit sa sponsorship speech gaya ng "fertility rate," pati na ang istatistika sa populasyon, kamatayan, at kapanganakan ay pawang gana o functions ng populasyon. Mapapansin ring mahusay at maingat ang pagkakapili ng mga salita sa panukalang batas, na gumagamit ng mga neutral na salita na tumitimo sa isip ng mambabasa, pero wala namang tiyak na depinisyon. Bagamat inilalatag ito bilang reproductive health bill, isang makitid na aspeto lamang ng reproductive health problem ang pinatutungkulan nito, at ni hindi ang kalusugan sa kabuuan. Hindi lamang ito pambansang polisiya sa reproductive health, kung hindi isang polisiya sa populasyon, dahil hindi tayo makabubuo ng ang isang situwasyon kung saan tatapyasin ang laki ng mga pamilya ng hindi pinaliliit ang populasyon ng bansa, kaya ang kalalabasan ay ang paggamit ng birth control bilang instrumento para paliitin ang populasyon. Ito ang tunay na layunin ng panukalang batas na ito.
 
Mapapansin na humahadlang sa paglabas ng egg cell o pumapatay sa sperm cell ang karamihan sa mga contraceptives na binanggit sa nakahaing panukalang batas. Walang ibang silbi o pakinabang ang mga produkto at kagamitang ito sa reproductive health ng mga kababaihan at kalalakihan, maliban sa hadlangan ang pagkabuo ng buhay.
 
Ginamit ng sponsor ng panukalang batas ang pariralang "enable individuals and couples to have the number of children they desire with due consideration to the health" sa kanyang sponsorship speech. Ang bill na ito ay hindi tungkol sa pagpapahalaga sa reproductive health ng ating kababaihan, kung hindi tungkol sa pagkontrol sa demograpiya at populasyon sa pamamagitan ng tuloy-tuloy at sadyang pagpapaliit sa laki ng pamilyang Pilipino.
 
Kaya naman, pasintabi sa sponsors ng nasabing bill, kailangan kong sabihin na ang terminong "reproductive health" ay obra maestra sa panlilinlang. Isa itong mautak at masisteng pagkukubli ng pangunahing layunin ng batas: ang birth control bilang paraan para paliitin ang populasyon ng ating bansa.
 
Kung ang bill na ito ay isang population control bill, ito ang tanong ngayon:
 
Bakit, over-populated na ba ang Pilipinas? Kailangan na ba talaga natin ng ganitong batas upang mabawasan at kontrolin ang paglago ng ating populasyon? Kung maituturing mang suliranin natin ito, ito ba ang nararapat at pinakamahusay na solusyon para dito?
 
Sinasabi ng mga nagsusulong ng RH bill na over-populated na raw ang Pilipinas at kinakailangan na ng gobyerno na magsagawa ng mga drastikong pamamaraan para makontrol ang populasyon ng bansa dahil kung hindi, mananatili tayong mahirap na bansang kapos sa kaunlaran.
 
Ginoong Pangulo, hindi po ako sumasang-ayon sa mga ideyang ito na walang basehan at matibay na saligan. Hindi po overpopulated ang bansa natin. Mapatutunayan ito ng mga awtoridad at eksperto sa larangan ng demograpiya. Isa na sa kanila si Dr. Rosalinda Valenzona. Sa kanyang librong "A Paradigm for Demography," ipinahayag niyang hindi labis ang populasyon ng Pilipinas, kundi hindi pantay-pantay ang distribusyon ng populasyon sa ating bansa. Napansin ni Dr. Valenzona na batay sa datos sa populasyon ng bansa noong 2007, may mga probinsyang hindi ganoon karami ang naninirahan kumpara sa ibang lalawigan.
 
Dagdag pa rito, patuloy sa pagbaba ang fertility rate sa bansa mula pa noong 2000, kung kailan naitala sa 3.48, hanggang sa 3.19 noong 2011. Napakalaki ng ibinaba nito mula sa 7 noong 1960. Pati na din ang ating population growth rate ay bumaba na mula 2.07% noong 1948 hanggang sa 1.90% sa 2010. Dito, masasalamin ang pagpili at pagpapasya ng kababaihan sa pagdadalangtao sa nakalipas na mga taon, nang walang pakikialam o panghihimasok ng estado, na siyang mangyayari sa RH bill. Noong 2006 ang prevalence rate ng contraceptives sa ating bansa ay 51% na. Samantalang maaaring totoo ang overpopulation sa Metro Manila, hindi naman ganito ang sitwasyon sa marami pang lugar sa bansa. Ayon kay Dr. Bernie Villegas, isang respetadong ekonomista, "the squatter's areas with large families in the Metro Manila area are only a consequence of at least three decades of erroneous policy of utterly neglecting countryside and rural development." Wala po itong kinalaman sa pagtaas o pagbaba ng fertility rate sa bansa. Sa kanyang artikulo, sinabi ni Dr. Villegas na overpopulated ang National Capital Region sapagkat sa loob ng maraming dekada, ginamit natin ang karamihan sa ating yaman sa pagtatangkang makalikha ng mga industriyang "inward-looking" at naghangad ng "import-substitution," di nagtagal ay bumagsak din naman nang masabak sa kompetisyong pandaigdigan sa pagtatapos ng nakaraang dantaon. Ayon sa kanya, kung inilaan lamang sana natin ang mga yamang iyon sa pagtatayo ng mga farm-to-market roads, sa mga sistema ng irigasyon para sa lahat ng uri ng pananim at hindi lamang sa palay, sa mga post-harvest facilities at iba pang inprastrakturang rural, sa ngayon sana, mas mataas pa ang per capita income natin sa Thailand, Malaysia at Indonesia sapagkat nakauna na po tayo noon pa lamang dekada '50 bilang pinakamaunlad na ekonomiya sa rehiyon.
 
Sana po, unawain muna nating mabuti ang tunay na kalagayan ng bansa bago tayo gumawa ng mga hakbang na sa huli'y tayo rin naman ang mapapahamak. May mga gamot na nakapagbibigay ng panandaliang ginhawa, pero permanente ang nagagawang pinsala na makikita lamang sa kalaunan.
 
Ginoong Pangulo, mga kasamahan sa Senado, marapat lamang na matuto tayo mula sa ibang mauunlad na bansang nakararanas ngayon ng negatibong epekto ng maling polisiya sa pagkontrol sa populasyon. Batid ng halos lahat na ang mga bansang mauunlad ang ekonomiya tulad ng Germany at iba pang bansa sa Europa, ang Estados Unidos, Japan at Singapore, ay kumakaharap sa panganib na dala ng bumababang populasyon dulot ng agresibo nilang kampanya sa pagkontrol ng populasyon at pagsuporta sa contraceptives bilang paraan para kontrolin ang birth rates. Pinagdurusahan nila ngayon ang pagkakaroon ng "aging population," at hindi na nila masusustenahan ang kinakailangang lakas-paggawa para mapanatili ang sigla ng kanilang ekonomiya at maprotektahan ang kanilang interes sa seguridad.
 
Nasa bingit ng malawakang pagbagsak ng demograpiya ang Japan. Ang populasyon nitong 127 milyon ay huminto na sa paglago at kung magpapatuloy ang birthrate sa ganitong level---di magtatagal, liliit ito sanhi ng napakabagal napaggalaw. Ayon sa pagtantiya ng UN, sa taong 2050, bababa ng 35 milyon ang tao ang Japan kumpara sa populasyon nito sa ngayon. Ang 92 milyong Hapones na mananatili ay ang mga nasa gitnang edad na 54, samantalang bubuuin ng mga may edad na 75-80 na bumubuo ng pinakamalawak na pulutong. Ang ratio ng mga manggagawang may edad na 20-65 hanggang sa magreretiro na ay babagsak sa isa-laban-sa isa na lamang. Sa panahong iyon, maliban na lang kung magkaroon ng biglang pagtaas ng fertility, halos sigurado na ang demograpikong pagbagsak ng Japan, lalo pa't sa projections, ipinakikita na kakaunti na lamang ang mga kababaihang nasa edad ng panganganak, kaya di maiiwasan ang pagbilis ng pagbagsak ng populasyon.
 
Hindi makakaiwas ang iba pang bansa sa Asya sa banta ng tsunami sa populasyon na maaaring tumama sa Japan. Ang apat na tigre--Taiwan, Hongkong, South Korea, at Singapore ay nangangamba na sa ganitong panganib.
 
Sa loob ng ilang taon, may average na 1.7 na anak ang mga babaeng Tsino, isang napakababang birthrate. Inaasahang sa taong 2020, ang mga nasa gitnang-edad ng China ay mas matanda pa kumpara sa mga nasa Estados Unidos. Sa pagitan ng ngayon at 2025, ang bilang ng mga taong higit 60 anyos ay nakatakdang magdoble ng dami, mula sa 140 milyon pataas patungong 300 milyon. Inaasahang dahil rito, mawawalan ang China ng isang quarter ng populasyon nito sa bawat henerasyon ng populasyon nito pagsapit ng kalagitnaan ng siglong ito.
 
Ang Estados Unidos ay kinakikiitaan na ng mga paghahahanda para maiwasan ang geriatrikong bitag na ito na lumalamon sa populasyon ng mga bansang mauunlad. Ang birthrates na bumaba sa 2.1 dulot ng legalisasyon ng aborsiyon noong 1973 ay unti-unti nang bumabalik sa normal nitong nakaraang mga taon. May kinalaman dito ang maluluwag na tax breaks na sinamantala mga mag-asawang Amerikano na may maliliit pang anak noong kalagitnaan ng dekada '90. Bawat batang ipinanganak noong 2007 ay may katumbas na karagdagang 4650 dolyares na bawas sa kita ng kanilang magulang at karagdagang 1000 dolyares na kredito sa kanilang tax liability. Ang positibong resulta nito ay ang halos pagkakaligtas sa income tax ng pamilyang Amerikano na may dalawa o higit pang mga supling.
 
Ang Estados Unidos at ibang mauunlad na bansa ay naglatag na ng pamamaraan para pangunahan ang pagbaba ng fertility sa mga bansang kabilang sa Ikatlong Daigdig. Ang mga mahihinang bansang umaasa sa Estados Unidos at Europa para sa tulong pinansiyal, seguridad pang-militar at lagusan sa mga merkado, ay diniktahan para magpatupad ng mga anti-natal measures gaya ng paggamit ng contraceptives hanggang sa puwersahang mga programa ng sterilization. Tinatawag ng UN Population Division ang tatlong pangunahing population projection nito na "high variant," "medium variant," at ang "low variant." Bawat isa ay kalkulado sa paggamit ng iba't ibang paghahaka ukol sa future fertility. Ang medium variant ay di-makatotohanang pagpapalagay na ang lahat ng bansa ay lalapit sa "fertility floor" na may 1.85 sa susunod na kalahating daantaon. Hindi nito ipinaliwanag kung paano tinukoy ang fertility floor na ito. Hindi rin nito ipinaliwanag kung paano gagawin ng mga bansang gaya ng Italy na makabalik sa dati nilang fertility floor matapos manatili sa fertility basement nitong huling dalawang dekada.
 
Nakabatay ang RH bill sa mga sablay na datos ukol sa population growth rates at fertility levels. Binabalewala nito ang negatibong epekto sa ekonomiya at lipunan ng nagkakaedad na populasyong dinaranas ng maraming mauunlad na bansa. Kung gagamitin natin ang kakatiting na lamang na resources natin sa birth control, magsusulong tayo ng di-kanais-nais na epekto ng depopulasyon. Mr. President, ang mahirap, mali na ngang sabihing kailangang magbawas ng populasyon, ang gusto pang mangyari ng mga nagtutulak ng bill na ito ay ang isisi sa paglago ng populasyon ang kahirapan ng bansa. Siguro, dahil mas madali nga naman nilang makukumbinsi ang mga Pilipino na pumayag na ipasa ang RH bill pag sinabi nilang ang sagot sa kahirapan ay ang pagbabawas ng populasyon.
 
Ngunit nagkakaisa ang mga ekonomista sa kanilang paniniwalang sa usapin ng ekonomiya, ang problema sa kahirapan ay nakatali sa di-pantay na distribusyon ng yaman at kaunlaran, at may mabigat na pagkiling pabor sa pagtutuon ng yaman at kaunlaran sa mga urbanisadong lugar tulad ng Metro Manila at ibang mga syudad.
 
Nagsasagawa ang National Statistics Office ng periodic survey ng Family Household at Income expenditures. Ito ang nagbibigay ng batayang istatistiko sa pagtantiya ng paglaganap ng kahirapan sa Pilipinas. Sa nakalipas na sampung taon, ang poverty incidence ay tumaas at bumaba samantalang ang populasyon ay patuloy na lumalaki bagamat bumabagal ang pag-usad. Ito ay indikasyon na walang kinalaman ang paglaganap ng kahirapan sa paglago ng populasyon. Mas maikakabit ito sa pamamahala ng ekonomiya ng ating bansa, sa pakikipagtagisan natin sa pandaigdigang merkado, at iba pang salik.
 
Isa sa mga salik na kailangan nating kilalanin sa paglaki ng ating populasyon ang paghaba ng buhay ng tao. Gaya nga ng sinabi ng iskolar na si Steven Mosher sa kanyang aklat na "Population Control: Real Costs, Illusory Benefits:" "Our numbers didn't double because we suddenly started breeding like rabbits. They doubled because we stopped dying like flies." Bumaba ang antas ng fertility, mula sa karaniwang anim (6) na anak kada ina noong 1960 patungo sa 2.6 na anak kada ina na lamang nitong 2002. Humaba ang life expectancy ng tao. Mula sa 46 na taong mula 1950-1955, umakyat ito sa 65 noong 2000-2005. Pinaka-dramatiko ang pagtaas ng life expectancy sa mga bansang hindi gaanong maunlad: humaba ang buhay ng mga tao rito mula 41 hanggang 63.5 years.
 
Ginoong Pangulo, isinusulong ko na ang kahirapan at pagkagutom ay hindi nanggaling at hindi rin pinalalala ng overpopulation, kundi ng mga maling polisiya sa ekonomiya, di-mahusay na pamamahala, at sistematikong korapsyon. Napakaraming mga pag-aaral sa ekonomiya ang nagpakita na walang ugnayan ang populasyon, kahirapan, at GDP growth. Ipinapakita ng istatistika ng Food and Agriculture Organization (FAO) na nalampasan pa nga supply ng pagkain sa Pilipinas ang population growth rate sa pagitan ng mga taon ng 1960-2002.
 
Kontra-mahirap ang bill na ito dahil hinahangad nitong bawasan ang bilang ng mga anak ng mahihirap na pamilya para lutasin ang problema sa kahirapan. Sa paggawa nito, nagkakaroon ng diskriminasyon laban sa mahihirap at sa mga marhinalisadong nais nitong tulungan. Tila sinasabi ng panukalang batas na ito na maaaring mag-anak ng kasing dami ng gusto nila ang mayayaman, pero ang mahihirap, hindi maaari. Sa halip, kailangan nilang limitahan ang bilang ng kanilang anak sa kaya lamang nilang suportahan. Samakatuwid, ang nakapailalim na polisiya sa Senate Bill No. 2865 ay ang paliitin ang populasyon ng ating bansa, upang bawasan ang bilang ng taong makikibahagi sa economic pie, sa halip na palakihin ang economic pie na paghahati-hatian sana ng lahat. Ang nararapat sanang polisiya ay ang pagbubukas sana ng ating bansa sa malalaking lokal at dayuhang investments na makalilikha ng mga trabaho, sa halip na kontrolin ang panganganak para paliitin ang populasyon. Ang pagpapaliit ng populasyon para makalikha ng imaheng kahawig ng kaunlaran ay isang mapanlinlang na paraan ng pagharap sa kahirapan, at isa ring pulitikal na panlilinlang sa mga tao.
 
Sa halip, ang nararapat nating gawin ay bigyan ang mga mag-asawa ng trabaho, pagkakakitaan, impormasyon, at edukasyon para malasap nila ang pakinabang ng kaunlaran, sa halip na paglaruan ang sigla ng ating sambayanan.
 
Mr. President, mga kaibigan, kinakailangang may gabay o giya sa pagdidisenyo ng mga polisya sa populasyon na may pagpapahalaga sa pagpapalit ng mga namamatay na Filipino para hindi mawasak ang sigla ng buhay ng ating bansa.
 
Ang isyung kinakaharap natin ay ang totalidad ng lipunang may sarili at natatanging mga interes, gaya ng pagpapahalaga sa integridad at seguridad ng bansa, ang pagpapanatili ng kabuhayan ng sambayanan, at ang kalusugan ng kondisyon ng pananalapi, upang makagalaw ito bilang iginagalang at umiiral na estado, bukod pa sa ibang konsiderasyon.
 
Kung nais talaga nating harapin ang mga isyu ng kahirapan at hindi pantay na distribusyon ng ating populasyon, panahon na kung gayon para tutukan natin ang pagtatama ng ating pagkiling laban sa pagpapaunlad sa agrikultura, mga labor-intensive na industriya, at sa mga small at medium-scale enterprises, mga pagkiling na pinatatag ng ilang dekada ng maling polisiyang pang-ekonomiya.
 
Mr. President, ang mga mahihirap nating kababayan sa mga nayon at lalawigan ay nangangailangan ng maraming anak dahil ang kamay ng mga anak na ito, ang yamang tao, ang kanilang natatanging kayamanan. Magiging kalabisan ng kawalang-pakialam sa kanilang pamumuhay kung sasabihan natin ang isang magsasakang may ilang ektaryang sakahan na dapat hanggang dalawa lamang ang maaaring ianak niya. Napabayaan na siya ng estado, kaya't nagtitiis sa lubak-lubak na daan, sa kawalan ng irigasyon, sa kawalan ng mga pasilidad para sa kaniyang mga ani. Kailangan niya ng mga kamay na tutulong sa kanya sa paghahanap-buhay. Sa pamamagitan ng mga de-kalidad na imprastraktura at mahusay na edukasyon, mawawala ang pangangailangang mag-anak ng marami, at magkakaroon ng mga natural na puwersang lilikha ng mabilis na paghupa ng pertilidad. Hindi na mangangailangan ng pamamahalang pampopulasyon ng ating bansa. Tulad ng sinabi ng yumaong Pangulo ng Estados Unidos na si Ronald Reagan, ang kaunlaran---lalo na sa mga lugar na rural- ang pinakamabisang contraceptive. Sa pag-apuhap sa kaunlaran natin nararapat ituon ang ating panahon at lakas, kung tunay nga tayong nagmamalasakit sa kabutihan ng ating bansa.
 
 
Sen. Vicente C. Sotto III 
Turno en Contra 
RH Bill 
Sept. 5, 2012 
(Part IV)
 
 
Matapos ko pong mapatunayan na:
 
1. Hindi over-populated ang bansa, kaya walang mahigpit na pangangailangan para paliitin ang ating populasyon; 
2. Makikitang ang nakahaing panukalang batas ay isang population control bill at hindi isang reproductive health bill; at 
3. Walang direktang kaugnayan ang populasyon sa antas ng kahirapan.
 
Ngayon, hayaan po ninyo akong magpatuloy sa ikaapat at panghuling bahagi ng aking turno en contra.
 
Nais ko pong patunayan na walang pangangailangan para sa panukalang batas na ito, at isa lamang itong pag-uulit ng nilalaman na ng ibang batas. Sa kanilang pangwakas na argumento, umapela ang mga iginagalang na sponsors ng Senate Bill No. 2865 sa kamarang ito na ipas-- na ang panukalang batas na ito dahil ilang dekada na itong nakabinbin sa Kongreso.
 
Ang dahilan kung bakit hindi ipinasa ng mga nakaraang kongreso ang panukalang batas na ito ay dahil nga wala namang pangangailangan para rito.
 
Nais ko pong isa-isahin ang mga nakapaloob sa RH bill para maipakita sa inyo na walang mahigpit na pangangailangan para ipasa natin ito.
 
Ilalatag ko po ang mga probisyon sa RH bill na katanggap-tanggap sa marami. Ito rin po ang mga probisyong hindi ko tinututulan o hinahadlangan. Ito po ang mga sumusunod:
 
1. Ang pagkuha ng skilled health professionals para sa maternal health care, pati na rin ng skilled birth attendants; 
2. Ang probisyon sa emergency obstetric at new born care; 
3. Ang pagsusuri ng maternal death; 
4. Ang pagkakaroon ng Philhealth benefits para sa mga seryoso at mapanganib na kondisyong pangreproduksiyon; 
5. Ang pagkakaroon ng Mobile Health Care Service; 
6. Ang pagsasanay at pagpapatibay ng kakayahan ng barangay health workers (BHWs); at 
7. Ang mga responsibilidad ng employers.
 
Inuulit ko po, wala po akong nakikitang dahilan para kontrahin ang mga nabanggit na probisyon. Hindi na kailangang magbalitaktakan pa kung nararapat ba o hindi ang mga nasabing punto para sa ating kababaihan at para sa mga sanggol na kanilang isisilang.
 
Ngunit ang problema ko po rito, ang lahat ng aking nabanggit ay kasalukuyang nakapaloob na sa mga batas, administrative orders, presidential decrees, executive orders, at iba't-ibang programang ipinapatupad na ng ating pamahalaan, partikular na ng Department of Health.
 
Hayaan po ninyong banggitin ko ang mga kasalukuyang batas, administrative orders, presidential decrees at mga programa ng pamahalaan na tumututok at tumutugon na sa pangangailangan ng bansa kaugnay ng reproductive health. Ito ang mga sumusunod:
 
1. R.A. 9710 or An Act Providing for Magna Carta for Women 
2. Republic Act No. 9262 or Anti-Violence against Women and Children 
3. Republic Act No. 8504 or Philippine AIDS Prevention and Control Act of 1998 
4. AO 2008-0029 Implementing Health Reforms for Rapid Reduction of Maternal and Neonatal Mortality 
5. Children's Health Program of the DOH 
6. Family Planning Program of the DOH 
7. Prevention and Management Control of Abortion and its Complications (PMAC) 
8. PD No. 965 or A decree requiring applicant for marriage license to receive instructions on family planning and responsible parenthood 
9. R.A. 7883 or the Barangay Health Workers Benefits and Incentives Acts of 1995 
10. R.A. 7160 or The Local Government Code of the Philippines 
11. AO No. 2010-0036--The Aquino Health Agenda: Achieving Universal Health Care for all Filipinos 
12. Women's Health and Safe Motherhood Project ng DOH 
13. Republic Act No. 8504 or Philippine AIDS Prevention and Control Act of 1998 
14. Republic Act No. 7875 o ang National Health Insurance Act of 1995 
15. Republic Act No. 9502 o ang Cheaper Medicine Act 
16. Executive Order No. 453 o Directing the Enrolment of 2.5 Million Indigent families pursuant to E.O 276
17. AO No. 2010-0010 o ang Revised Policy on Micro Nutrient Supplementation to Support Achievement of 2015 MDG Targets to Reduce Maternal Deaths and Address Micronutrient needs of other population groups. 
18. Botika ng Barangay Program of the DOH 
19. PD No. 79 Revising the Population Act of Nineteen Hundred and Seventy One 
20. PhilHealth Circulars and Policy Guidelines 
21. CCT program of the DSWD 
22. PD No. 79 Revising the Population Act of Nineteen Hundred and Seventy One 
23. Administrative order No. 2012-0009 -National Strategy Towards Reducing Unmet Need for Modern Family Planning as a means to Achieving MDGs on Maternal Health
 
Mr. President, sa dami ng binanggit kong mga batas at programa ng pamahalaan, makikita nating hindi ang kawalan ng batas ang problema sa reproductive health ng bansa. Marami po tayong mga batas na mas malawak, mas matatag, at mas detelyado kumpara sa RH bill.
 
Samakatuwid, ang problema po rito ay hindi ang kawalan ng batas, kung hindi ang wasto, epektibo, at mabisang pagpapatupad ng mga batas na mayroon na tayo. Tungkulin po ito hindi na ng kongreso, kung hindi ng ehekutibong sangay ng ating pamahalaan.
 
Lahat po ng magagandang layunin at adhikain ng mga may-akda ng RH bill ay maaring makamit at maisakatuparan sa pamamagitan ng epektibo at mabisang pagpapatupad ng mga batas na mayroon na tayo sa kasalukuyan.
 
Ginoong Pangulo, mga mahal kong kasama, kung seseryosohin at tututukan lamang ng DOH ang implementasyon ng Magna Carta for Women at ng iba pang batas na mayroon na tayo, hindi na sana natin suliranin ang maternal health, at wala na sanang pangangailangan ang sponsors ng RH bill na intindihin ang sinasabing kahabag-habag na kalagayan ng kababaihang Filipino.
 
Gayon din naman, patunay ang mga kasalukuyang batas at programang patungkol o may kinalaman sa reproductive health na tumutupad na sa kasalukuyan ang ating bansa sa ating mga obligasyon sa ilalim ng international treaties at conventions na ating nilagdaan.
 
Dumako naman tayo sa mga probisyon sa RH bill na sinasabi ng mga may akda na wala pa sa mga kasalukuyang batas o programa ng ating pamahalaan.
 
Patungkol sa pagpaplano ng pamilya ang Section 7 ng RH Bill. Ito ang depinisyon ng family planning na inilatag sa Section 4 (e): "it refers to a program which enables couples and individuals to decide freely and responsibly the number and spacing of their children and to have the information and means to do so, and to have access to a full range of safe, affordable, effective, and modern methods of preventing or timing pregnancy."
 
Ito pong probisyong ito marahil ang sinasabi ng mga nagsusulong ng bill na ito na siyang magbibigay sa bawat isa ng 'FREEDOM OF CHOICE". Kalayaang pumili at magpasya ng bilang ng iaanak, kalayaang pumili at magpasya tungkol sa pagitan ng panganganak, at kalayaang pumili ng family planning methods na naaayon sa sariling paniniwala at kakayahan.
 
Nais ko pong itanong: kailan po ba ipinagkait ang mga kalayaang ito? Sino po ba sa bansang ito ang nakaranas nang pagkaitan ng kalayaang pumili ng bilang ng kanyang anak, kung kailan siya manganganak, at kung ano ang gusto niyang family planning method na gamitin?
 
Nais ko pong liwanagin na meron po tayong freedom of choice o kalayaang pumili ng mga bagay na ito. Wala pong konstitusyon o anumang batas o programa ng pamahalaan na nagbabawal sa kahit sinoman na pumili ng bilang ng kanyang anak, ng kung ilang taon ang pagitan ng kanyang panganganak, o kaya'y ng kung anong family planning method ang gusto niyang gamitin.
 
Ang mga kalayaan pong ito ay matagal nang nasa ating mga kamay.
 
Wala pong nagbabawal sa paggamit ng condoms, pills, injectables, IUDs, at iba pang family planning supplies sa bansang ito. Ang lahat po ng aking mga nabanggit ay maaari nating mabili saanmang lugar rito sa Pilipinas.
 
Marahil, iniisip ng ilan na ang kalayaang ito ay nasa kamay lamang ng mga taong may pera para makapili at makabili ng nais nilang family planning method. Na ang kalayaang mamili ay kaakibat ng kakayahang magbayad. Paano nga naman ang mga mahihirap, na wala ni pambili ng pagkain? Maari bang masabing may kalayaan din sila?
 
Naitanong ko na rin po ang mga ito sa aking sarili. Pero ang mga bagay na ito ay matagal nang naisaalang-alang at natugunan ng ating pamahalaan.
 
Nais ko pong bigyang-linaw na taon-taon, naglalaan ang pamahalaan ng pondo para matugunan ang mga pangangailangan sa family planning supplies ng ating mga mahihirap na kababayan. Mapapatunayan ito ng taunang budget na ibinibigay ng kongreso sa Department of Health para ipambili ng iba't ibang klase ng family planning supplies. Sa taong ito, mayroong mahigit na 500 milyong piso na nakalaan para sa pagbili ng contraceptives. Ito po ay para sa mga kababayan nating nais gumamit ng family planning supplies ngunit walang kakayang bumili nito.
 
Isang katotohanan po itong hindi maaaring ipagkaila ng mga tagapagsulong ng RH bill. Ang mga mahihirap po, tulad ng mga mayayaman, ay mayroon ding kalayaan at kakayahang pumili kung ilan ang nais nilang maging anak, kung ilang taon ang pagitan ng kanilang panganganak, at higit sa lahat, kung ano ang gusto nilang gamiting family planning method, kung mayroon man.
 
Narito ang kabuuang listahan ng mga pondong kasalukuyang inilalaan ng pamahalaan sa Reproductive Health. Lahat po ng ito ay matatagpuan sa 2012 General Appropriations Act:
 
1. Health Human Resource Development- Para sa pasuweldo, pagsasanay, at maghasa sa ating health workers.
 
P 1,905,105,000.00
 
2. Capability Building (Training on NBS, BeMONC, CeMONC, ENC, Micronutrient) -
 
P14,431,200.00
 
3. Support Maternal, Newborn at Child Health at Nutrition (MNCHN) Grants sa CHDs at LGUs -
 
P167,000,000.00
 
4. Health Facilities Enhancement Program- gagamitin para maiangat at mapaghusay ang health facilities ng DOH at ng LGUs, tungo sa realisasyon ng Millennium Development Goal na naglalayong pag-igihin ang maternal health sa bansa.
 
P5,078,000,000.00
 
5. Women's Health at Safe Motherhood Project II - pangunahing layunin ng proyektong ito ang pagtatayo ng maternity o birthing clinics
 
P122,857,000.00
 
6. Family Health at Responsible Parenting Leveraging Services para sa Priority Health Program- para sa pagbili ng family planning supplies,
 
MNCHN Commodities- P 300,000,000.00
 
7. Commission on Population
 
1. Grants, subsidies at contributions bilang suporta sa population programs -P148,389,000.00 
2. Koordinasyon ng Population Policy at mga programa P220,252,000.00
 
8. Family Health at Responsible Parenting- kabilang dito ang mga seminar tungkol sa birth spacing at responsible parenthood. Prayoridad ang pinakamahirap na mga pamilya. Ito ang 5.2 milyong pamilya na nasa ilalim ng national household targeting system para sa poverty reduction lists.
 
Reproduksyon ng Manual of Operation on Adolescent Health -P500,000.00 
Family Health Guide - 35,000,000.00 
Community Health Team (CHT) Organization, Training and Deployment Manual- 31,250,000.00 
Community Health Team Guidebook (Helping Families Access Health Care)
 
9. Health Promotion -P153,230,000.00
 
Kung susumahin po ang lahat ng ito, umaabot po ito ng tumataginting na Php 7,876,314,212.00. Ibig sabihin po nito, kahit walang RH bill, gumagastos na ang pamahalaan ng humigit- kumulang na walong bilyong piso kada taon upang matugunan ang mga suliranin na nais solusyunan ng RH bill. Ito po ay dahil nga may mga batas na tayo na nag-aatas sa pamahalaang maglaan ng pondo para sa mga pangangailangan sa reproductive health ng bansa.
 
Mr. President, mga kasama, kung may ganito na tayo karami, ganito kalawak, at ganito katatatag na mga batas at programa, at kung sa kasalukuyan ay mayroon na tayong bilyon-bilyong pisong ginagastos para tugunan ang suliranin sa reproductive health ng bansa, bakit kailangan pa nating magsa-batas ng RH bill?
 
Ano pa ba ang gustong mangyari ng RH bill na ito para lamang maaksyunan ang sinasabi pa nilang "11 mothers dying everyday"?
 
Una, gusto nilang ituring na mahalagang gamot ang contraceptives. Sabi sa Section 9 ng nasabing bill, essential medicines raw ang Family Planning supplies. Gagawin ng bill na itong katumbas ng mga gamot na nagbibigay-lunas sa mga pangunahing sakit ang hormonal contraceptives, intrauterine devices, injectables at iba pang mga ligtas at legal na family planning products, kasama na ang condom.
 
Itong mga contraceptives na ito, tulad ng condom, na hindi naman nakapagpapagaling ng kahit anumang sakit, ay gustong ituring ng RH bill na isa sa mga pangunahing gamot ng pamahalaan para mabigyan ang mga ito ng mas malaking pondo, gaya ng pondong inilalaan sa pneumonia, bronchitis, diarrhea, influenza, hypertension, at iba pang karamdamang kabilang sa top 10 causes ng pagkamatay sa ating bansa.
 
Mr. President, lubhang mababa ang tatlong prosyento (3%) ng GDP na kasalukuyang inilalalaan natin para sa kalusugan sa ating bansa. Kung isasama pa natin ang mga condoms, IUDs, at iba pang uri ng contraceptives sa klasipikasyon ng pangunahing gamot, tiyak na makikihati pa ito sa kakarampot na ngang pondong nakalaan para sa mga pangunahing sakit sa bansa tulad ng heart diseases, cancer, tuberculosis at respiratory ailments. Kapag nangyari ito, lalabas na mas binibigyan pa natin ng importansya ang pagpigil sa buhay kaysa sa pag- ligtas nito.
 
Pangalawa, isinusulong ng RH Bill ang insersyon ng Section 3 (i) sa panukalang batas. Sabi sa nasabing probisyon, bagamat hindi nito inaamyendahan ang batas na nagpaparusa sa aborsyon, titiyakin ng pamahalaan na magagamot ang lahat ng mga babaeng nangangailangan ng pangangalaga dahil sa post-abortion complications, at mabibigyan rin ng pagpapayong makatao, hindi mapanghusga, at may malasakit sa babae.
 
Mr. President, hindi natin kailangang isabatas ang ganitong probisyon. Bakit kailangan pang gawing batas ito?
 
Kung susuriin ng higit na malapitan ang probisyong ito, maaaring makahikayat pa ito sa marami na magsagawa ng aborsyon sa kanilang sarili. Dahil nangako naman ang gobyernong pagkatapos nilang magsagawa ng aborsyon, gagamutin sila sa paraang makatao, walang pag-huhusga, at may malasakit na pamamaraan. Sana po ay maging mas maingat tayo sa ganitong probisyon dahil puwede po itong ituring na pagpayag na gawin ng kaliwang kamay ang hindi kayang gawin ng ating kanang kamay.
 
Hindi po malayong mangyaring maabuso ang probisyong ito. Maaaring may mga walang konsensya o hindi matitinong doktor at kumadrona sa mga ospital ang madaling makapagsasagawa ng aborsyon, at magpapalusot na lamang na ginawa nila ito upang agapan ang kumplikasyon ng aborsyon. Napakadaling mailulusot ng mga ganitong klaseng tao sa ospital ang abortion procedure bilang isang operasyon para ingatan o hadlangan ang pagkakaroon ng impeksyon dala ng mga komplikasyon mula sa pagpapalaglag. Hindi na nila kailangang magtago; maaari na nilang gawin ito sa kabunyagan ng liwanag. Kayang-kaya na nilang magsagawa ng aborsyon ng lantaran, basta maging kasabwat nila ang pasyente na kunwari ay inaagapan lang ang komplikasyon, pero ang totoo ay nagpapalaglag. May magsusumbong bang pasyente? Sentido kumon lang na wala dahil ipinagbabawal ang aborsyon sa batas natin. Hindi mo tuloy maiwasang isipin na gusto lang ng mga taong itong makalusot sa pagsunod sa ating batas.
 
Hindi sa madumi ang isip ko, pero bakit kaya pinasukan ng probisyon sa aborsyon ang bill na ito? Hindi kaya may kinalaman po rito ang nabanggit ko sa Part II ng aking turno en contra na may mga international organizations na nagsusulong ng aborsyon sa ating bansa? Maari pong ang probisyong ito ay may kaugnayan sa isinulat ni Douglas Sylva, Phd. noong March 4, 2004 sa ipinahayag ni Sec. General Kofi Annan ng United Nations sa isa sa kanyang mga talumpati na "in countries where abortion is illegal, we must find ways how to skirt these "restrictive abortion laws"?
 
Pangatlo, isa pang tugon ng RH bill sa "11 mothers dying everyday"' ay ang Section 9 kung saan itinatakda ang pagkakaroon ng regular na purchase ng family planning supplies sa lahat ng pambansa at lokal na ospital, pati na sa panlalawigan, panlungsod, at municipal health offices.
 
Ang epekto po nito, magiging obligado ang mga lokal na pamahalaan na maglaan ng pondo para sa pagbili ng mga sinasabi nilang mahahalagang gamot na contraceptives at iba pang family planning supplies.
 
Ang problema po, maaaring labag po ito sa ating Konstitusyon.
 
Nakadambana sa ating Konstitusyon ang pagkakaroon ng lokal na na autonomiya ng local government units. Nangangahulugan itong anuman ang mangyari, kailangang igalang ng Kongreso ang autonomiya ng pamahalaang lokal. Isinabatas ang Local Government Code para tiyaking hindi rin naman aabuso ang mga pinuno ng LGU.
 
Kinikilala ng ating Konstitusyon na ang iba't ibang lokalidad sa ating bansa ay may iba't-ibang pangangailangan, at ang mga namumuno sa bawat lugar ang higit na nakakaalam kung ano ang higit na kailangan ng kanilang nasasakupan, at kung ano ang mas makabubuti para sa kanilang lokalidad.
 
Sinasabi ng mga tagapagsulong ng RH bill na para sila sa Freedom of Choice o sa kalayaang makapamili, pero hindi ko maintidihan na sila pa ang magkakait sa mga pinuno ng lokal na pamahalaan ng kalayaang pumili ng programang angkop para sa kanilang mga mamamayan. Bakit kailangang igapos ng RH bill na ito ang mga kamay ng mga lokal na opisyal?
 
Sa mga sinasabi nilang mga siyudad, munisipalidad at probinsya na tumututol sa pagpapatupad ng mga programa sa reproductive health, dito papasok ang responsibilidad ng Department of Health. Ang DOH ang kinakailangang kumilos sa mga pagkakataong hindi sumusuporta ang LGU head sa mga programa para sa family health. Ang P7.8 billion na pondo para sa family and reproductive health program ay para sa lahat. Dapat itong ipatupad ng Department of Health para sa lahat. Mr. President, hindi na kailangang ipasa ang RH bill. Lahat ng mga agam-agam ng mga nagsusulong ng RH bill ay matagal nang pinatahimik at tinugunan ng mga batas at programang mayroon na tayo sa kasalukuyan. Hindi nagkukulang ang pamahalaan sa paglalaan ng pondo sa mga programang makakatulong sa ating kababaihan at sa kanilang mga sanggol.
 
Hindi natin kailangan ang RH bill para lamang maglaan ng 3.5billion piso gaya ng nabanggit sa interpelasyon na isinagawa ni Sen. Lapid kay Sen. Pia Cayetano para sa mga condoms, IUDs, pills, injectables at iba pang family planning supplies. Hindi ito ang tamang solusyon sa mga nanay na namamatay sa pagdadalantao. Hindi ito ang tamang solusyon sa pagsasalba sa mga sanggol na namamatay sa malnutrisyon. Hindi ito ang solusyon sa kahirapan ng ating bansa. Hindi ito ang magbibigay ng kasagutan sa suliranin sa populasyon, kung mayroon man.
 
Bago natin ilaan ang 3.5billion sa mga contraceptives, maisip sana natin ang mga walang-malay na sanggol sa sinapupunan na pagkakaitan natin ng pagkakataong mabuhay. Bigyan po natin sila ng pagkakataong masilayan ang mundong ating ginagalawan. Hindi po sakop ng ating kapangyarihan na hadlangan ang buhay sa mundong ito.
 
Bago natin ituring na pangunahin at mahalagang gamot ang mga condoms, IUDs, pills at iba pang mga family planning supplies, isaalang-alang muna natin at huwag ipagsawalang-bahala ang mga kasamaang maaaring idulot ng mga ito, hindi lamang sa kalusugan ng ating kababaihan at mga bata, ngunit higit pa rito, sa kaugalian ng bawat Pilipino. Huwag sana nating iisang-tabi ang mga nakababahalang epekto ng mga ito sa kalusugan ng mga kababaihan, lalong-lalo na ang nakamamatay na breast cancer. Mismong ang World Health Organization na po ang nagpapatunay niyan at madaming pang mga eksperto sa medisina at agham mula sa iba't ibang parte ng mundo. Mr. President, hindi naman po natin ipinagsasawalang-bahala ang buhay ng mga inang namamatay sa panganganak. Ngunit hindi ang contraceptives ang magliligtas sa kanilang buhay. Hindi ang pagpigil sa pag-usbong ng walang malay na buhay sa sinapupunan ang solusyon para mabawasan ang bilang ng mga inang namatatay sa panganganak. Malabis ang pagbibigay-halaga ng RH Bill sa contraception, habang isinasantabi naman nito ang iba pang mahahalagang bagay, gaya ng pagpapagamot at pag-aalaga sa mga maysakit at namamatay.
 
Ginoong Pangulo, mga kasama, maraming salamat sa inyong pagpapaunlak na pakinggan ang aking mga kontra argumento.
 
Ito ang iiwan kong mga salita: Iilan ang magiging dakila sa pagbali ng kasaysayan, subalit bawat isa sa atin ay maaaring kumilos, gaano man kaliit, para ibahin ang takbo ng mga pangyayari. Kapag pinagsama-sama ang ating munting pagkilos, makalilikha tayo ng totalidad na magmamarka sa kabuuan ng kasaysayan ng henerasyong ito. Ang mga hindi-mabilang na iba't ibang galaw ng katapangan at paninindigan ang humuhubog sa kasaysayan ng sangkatauhan. Tuwing naninindigan tayo para sa isang paniniwala, tuwing kumikilos tayo para mapabuti ang buhay ng iba, tuwing nilalabanan natin ang kawalan ng katarungan, nakalilikha tayo ng maliliit na galaw. Kapag nagkasama-sama ang mumunting galaw na mga ito, bubuo ito ng isang malakas na puwersang kayang magpabagsak maging ng pinakamatatag na dingding ng opresyon. Maraming salamat po.