ABS-CBN News

Ang kahalagahan ng pagsunod sa mga alituntunin ng overseas employment—Pat Sto. Tomas

Posted at | Updated as of 11/23/08 8:58 AM

Marami tayong natatanggap na mga reklamo tungkol sa di-umanong kapabayaan ng mga empleyado ng ating mga embahada at POLO Offices sa ilang bansa lalo na sa Middle East upang asikasuhin o bigyan ng kaukulang tulong ang mga may problemang OFWs lalo na ang mga stranded workers. Nakakabagbag damdamin ang ilan sa mga sulat na ating natatanggap at lalong nakakasama ng loob dahil sa tayo naman ay wala ng gaanong magawa sa kanilang mga problema at kung ating iisiping mabuti kahit na ang ating mga embassy o POLO staff ay wala ding gaanong magagawa.

Ang aking tinutukoy ay ang ating mga OFWs na umalis ng bansa sa hindi tamang pamamaraan katulad ng marami sa ating kababayan na nahikayat na umalis sa pamamagitan ng tourist visa sa pangakong ang working visa ay kaagad na maibibigay pagdating doon sa bansang pupuntahan at sila ay kinuha na ng kanilang employer.

Alam naman natin na ang tamang pamamaraan ay ang pag-alis sa pamamagitan ng working visa at ang ating mga papeles ay dumaan at narepaso ng maayos ng POEA. Sa ilalim ng pamamaraang ito ay: una, tayo ay makakasiguro na mayroong trabahong naghihintay sa atin sa bansang ating pupuntahan; ikalawa, makakasiguro tayo na ang ating trabaho ay sa ilalim ng mga kondisyones na natingnan ng ating pamahalaan at nakitang tama at maayos; at ikatlo, kung sakaling ito’y nilabag ng employer at tayo ay naagrabyado, mayroon tayong mapupuntahang opisina ng pamahalaan upang magreklamo at makakaasa na ang mga nararapat na kabayaran o benepisyo na hindi ibinigay sa atin ay ating pa ring makakamtan mula sa recruitment agency na siyang nagpadala sa atin sa ibang bansa.

Subalit sa kabila ng kaalamang ito marami pa rin sa atin ang umaalis na ang hawak ay tourist visa at hindi working visa at ang mga papeles ay hindi dumaraan sa POEA. Kung tayo ay umaalis sa pamamagitan ng tourist visa, bilang tourist sa isang bansa tayo ay dapat namamasyal lamang doon. Ipinagbabawal ang pagtatrabaho doon ng isang tourist. Of couse dahil sa kasabwat ang employer, ito ay naililihim at ang ating pagtatrabaho at ito ay nagiging totoo. Subalit ito ay may kabayaran mula sa atin at ito ay ang pag-i-exploit o pagsasamantala na ginagawa ng employer.


Resolve cases
Maaring hindi tama ang pasuweldong ibinibigay sa atin o di kaya tayo ay pinagtatrabaho ng mahabang oras at worst sa kaso ng mga babaeng OFWs, ay maaring maging subject sa sexual exploitation. Ito ay ginagawa ng employer dahil sa pananakot na pag di natin pinagbigyan ang kanyang nais maaring tayo ay i-report sa immigration, huhulihin at ikukulong sapagkat tayo ay hindi legitimate na OFW kundi isang tourista na lumabag sa alituntunin ng bansang ating pinuntahan.

Kaya sana ay ating sundin ang mga tamang alituntunin sa paghanap ng trabaho sa ibang bansa. Marahil ito ay hindi problema sa marami nating mga tagasubaybay subalit ninais ko na ring talakayin ang paksang ito para tayo naman ay makapagbigay payo sa ating mga kamag-anak o mga kaibigan na nagnanais na maging OFW na sundin ang mga tamang alituntunin at ng sila ay hindi magka-problema pagdating sa ibang bansa. Totoong mayroon tayong mga embahada, konsulada at POLO Offices sa mga bansang ating pinagtatrabahuhan subalit ang kanilang magagawang tulong sa sitwasyong tayo ay lumabag sa mga alituntunin ng bansang ating pinuntahan ay napakalimitado.

Sila ay dapat ding sumunod sa tamang sistema sa pag-resolve ng mga kaso in the same manner na ang isang dayuhan na lumabag sa ating mga batas ay dapat ding dumaan sa ating legal system and procedures at ang kanilang embahada ay wala ding gaanong magawa kundi sundin ang mga sinasaad sa ating batas. Kaya ating ipayo sa ating mga kaibigan at mga kamag-anak na nagnanais maging OFW na sumunod sa alituntunin ng POEA at iwasan ang mga magagandang panghihikayat ng mga pekeng mga ahente o mga illegal recruiters.


Illegal recruiters

Nabanggit na rin lang natin ang mga illegal recruiters, mayroong isang grupo ang nag-email at nagsabi na dapat daw ay ating gamitin itong ating kolum upang pagsabihan ang mga illegal recruiters na hintuan na ang kanilang kasakiman at doon naman sa mga tao sa pamahalaan na dalhin na sa gas chamber itong mga illegal recruiters imbes na kumasabwat sa kanila.

Ganoon lang daw ka-simple ang solusyon sa problemang ito kaysa sa ating ginagawa na pagbibigay paala-ala sa mga mamamayan katulad ng ating mga nasabi sa itaas. Hindi daw sapat ang ating pagpapayo sa mga mamamayan na lumayo at umiwas sa mga buwayang illegal recruiters dahil sa sila ay “kapit sa patalim” na.

Sana ganoon nga lang kasimple ang solusyon sa problemang ito. Subalit gaano man ang ating gawing pakikiusap at siguro kasama na ang pag-alipusta doon sa mga illegal recruiters at sa kanilang mga kasabwat sa pamahalaan, ang mga ito ay hindi hihinto. Sabi nga ng grupong nag-email sa atin, ang mga illegal recruiters ay mga sakim at buwaya. Alam naman natin na ang kasakiman ng mga sakim ay walang hangganan at ito ay magpapatuloy hanggang sila ay may nabibiktima at naloloko.

May kasabihan tayo na “walang manloloko kung walang paloloko”. Kaya ako ay naniniwala pa rin na ang ating pagpapayo sa ating mga mamamayan na sumunod sa alituntunin ng recruitment for overseas employment ay maroon pa ring kahalagahan.

Totoong marami sa atin ang nasa sitwasyong “kapit sa patalim.” Subalit, hindi ito sapat na dahilan upang isantabi na lamang natin ang mga tamang bagay at kumapit o sumang-ayon na lamang sa mga panloloko ng mga illegal recruiters. Pag ito ay ating ginawa, tayo ay hindi lamang kumakapit sa patalim kundi kumakapit na patungo pa sa kumunoy ng madilim na bukas.


Kinabukasan
Kaya ating ingatan ang ating kinabukasan. Totoong ang overseas employment ay nakakapagbigay sa atin at sa ating pamilya ng magandang bukas, ngunit kung ito ay nasa tamang proseso o legal sa pagsunod sa mga alituntuning pinapairal ng pamahalaan.

Ating iwasan ang mga illegal recruiters at ating tulungan ang ating pamahalaan na lutasin ang mga problemang ito. Kung sakaling may lalapit sa atin at mag-aalok ng overseas employment at sa ating pakiwari’y ito ay kaduda-duda, kaagad-agad nating alamin sa POEA kung ito bang nag-rerecruit sa atin ay lisensyadong recruitment agency at may lihitimong job order.

Kung hindi, ating itawag agad o mag-e-mail tayo kay Vice President Noli de Castro, ang tagapamuno ng bagong anti-illegal task force na itinatag ng ating Presidente. Maaari ninyo siyang kontakin sa telepono bilang 833-2148 o mag Fax sa 831-2656 o di kaya ay mag-e-mail sa [email protected]

Ating planohin ang ating magandang kinabukasan. Among others, ito ay mangyayari kung ating bibigyang halaga ang pagsunod sa mga tamang alituntunin na pinapairal ng ating pamahalaan. At sa ating mga OFWs at mga nagnanais na maging OFW, ito ay ang pagsunod sa mga alituntunin ng mga ahensya ng pamahalaan katulad ng POEA, OWWA, DFA at iba pa.

Maraming Salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay.

Ang e-mail address ni Pat Sto. Tomas ay [email protected]