Sundin ang mga alituntunin - Pat A. Sto. Tomas


ALAM BA NINYO | PAT A. STO. TOMAS | 11/07/2009 6:39 PM

Nabasa ko sa dyaryo noong nakarang ilang linggo ang kaso ng isa nating kababayan na nakabilanggo sa Saudi Arabia matapos na ito ay ibigay sa mga pulis ng kanyang employer at kasuhan ng “adultery.” Ayon sa employer, itong ating kababayang OFW na nagtatrabaho sa kanyang clinic bilang janitress ay kanyang nahuli na nakikipagtalik sa boyfriend dito at kasamahan sa trabaho na isang Bangladeshi. Kaya ng kanyang malaman na itong ating kababayan ay anim na linggo ng buntis ito ay kanyang isinuko sa pulis dahil sa paglabag ng mahalagang alituntunin ng kulturang Islam na nagbabawal sa pakikipagtalik at mabuntis na walang asawa. Itong sinasabi ng employer ay sinuportahan naman ng ilang mga kasamahan ng ating kababayan sa trabaho na siyang nagpatibay sa kanyang di-umano ay pagkakasala.

Subalit ayon naman sa ating kababayan ito ay walang katotohanan. Siya daw ay ni-rape ng Bangladeshi. Siya daw ay pinainom ng isang cup ng tsaa mga alas otso ng gabi noong August 9 ng kanyang kasamahang Bangladeshi at pagkatapos nito siya ay nakatulog at ng siya ay magising sa hallway ng clinic na pinagatatrabahuhan, doon niya nalaman na may nangyari palang di maganda sa kanya. Siya daw ay pinagsamantalahan kaya siya ay tumawag agad sa kanyang kapatid sa Qatar at ikinuwento ang nangyari at humingi ng payo kung ano ang dapat gawin.

Malubha itong kaso ng ating kababayan sapagkat sa ilalim ng mahigpit na batas ng Islam, kapag nabuntis ang isang babae na walang asawa ito ay isang pagkakasala na may kaparusahan na pagpapalo o pagbabato na maaring humantong sa isang malubhang kalagayan ng pangangatawan maliban sa pagdurusa sa bilangguan.

Ano pa man ang tunay na katotohanan sa kasong ito ng ating kababayan, ito ay nagpapatunay lamang sa kahalagahan ng ating pagsunod sa mga alituntunin at batas ng bansang ating pinagtatrabahuhan. Lalo na sa Middle East at sa Saudi Arabia in particular kung saan napakahigpit ng mga alituntunin na buong higpit ding ipinapatupad. Kaya napakahalaga na kung tayo ay nandoon atin munang isang tabi ang ating kulturang at paniniwalang Pilipino at sundin ng maayos ang kanilang mga batas at mga alituntunin. Sa kasong ito ng ating kababayan posibleng siya ay naipit sa magkasalungat na kultura at paniniwala nating mga Pilipino at kultura at paniniwalang Islam. Sa ating kultura walang problema ang pagbo-boyfriend at ang pamamasyal sa mga publikong lugar na magkahawak kamay. Doon, ang ganitong kaugalian ay labag sa batas maliban kung kayo ay mag-asawa. At ang sino mang hindi Arabo na nakikita ng ganitong gawain ay kaagad sinisita at hinuhuli ng Religious Policeman. Kaya sa maraming pagkakataon sa ating mga nakaraang mga kolum ay lagi nating binabanggit ang kahalagahan ng pagsunod sa mga alituntunin at batas ng bansang ating pinagtatrabahuhan. Kasama na rito ang kahalagahan ng pagbigay halaga sa Pre-Departure Orientation Seminars (PDOS) upang tayo naman ay hindi magiging ignorante tungkol sa kultura ng bansang ating pupuntahan. Unfortunately, sa marami sa ating mga paalis na mga OFWs ang PDOS ay parang isang pahirap lamang na alituntunin ng pinaiiral ng POEA at ng dahil dito ay hindi nabibigyan ng kaukulang importansya. Sana itong kaso ng ating kababayan na ngayon ay nakabilanggo at maaring maparusahan sa salang “adultery” ay maging isang pang-gising sa ating mga paalis na mga OFWs na bigyan ng tunay na halaga ang PDOS. At pag-nandoon na sa Middle East o saan mang bansa na tayo ay magtatrabaho ay ating sundin ng husto ang kanilang mga batas at alituntunin gaano man ito kahigpit. Ito ay para na rin sa ating kaligtasan at sa ating mga pamilya na ating naiwan dito sa Pilipinas. After all, tayo umalis bilang OFW upang ating mabigyan ng magandang kinabukasan ang ating mga anak dulot ng may kaunting kalakihang pasahod na ating tatangapin. Subalit kung sa dahilan lamang ng hindi pagsunod sa mga alituntunin ng bansang ating pupuntahan tayo ay mabibilanggo doon, paano na yong ating layunin ng pagiging OFW? Paano na yong ating mga pangarap para sa kinabukasan ng ating mga anak?

Sa ating mga taga-subaybay baka naman makatulong kung ang ating mga nabanggit na mga paala-ala ay atin ding masabi sa ating mga kamag-anak o mga kaibigan na nagnanais na maging OFWs o nasa ibang bansa na at nagtatrabaho. Walang masama ang pagpapaala-ala para sa kabutihan natin. Our concerns for one another will go a long way in helping improve our situation as a nation.

Maraming salamat sa inyong patuloy na pagsubaybay.

as of 11/07/2009 6:39 PM

Video


More Videos