Alaala ni Ondoy - Reyma Buan-Deveza


ni Reyma Buan-Deveza | 10/01/2009 5:46 PM

Hindi ko alam kung paano sisimulan
Alalahanin ang maulang Sabadong sa bansa ay gumulantang
Sa simula akala ko ordinaryong ulan lang
Pagsapit ng alas nuebe iba na ang aking pakiramdam

Sigaw ng ‘paglikas’ paalaala ng aking kamag-anakan
Sa isip ko ‘huwag muna, hindi pa kailangan’
Pero nang ang tubig baha sa kusina ay unang natanaw
Sabi ko ‘iba na ito pag-alis kailangan na ngang pag-isipan.’

Pag-abot sa tuhod ng baha sa bahay
Desisyon ko ay ilabas ang dalawang supling ko sa bahay
Biglang pagtaas ng tubig 'di ko inaasahan
Ang problema ko na lang-- paano maisasalba gamit na pinaghirapan

Wala na sa isip ko ang dumi ng tubig na kumapit sa katawan
Inisip ko lang na sana may gamit na matira man lang.
Pinilit kong iangat kagamitan sa bahay
Mula sa unan, kumot hanggang electric fan.

Hindi ko akalain na ang kaba at takot ay nagpapalakas
Akalain mong washing machine na may laman akin 'ding nabuhat
Hindi ko alam kung ano ang nasa isip ko
Basta alam ko natataranta na rin ako.

Paglabas ko sa bahay gabalakang na ang tubig sa daanan
Paghingi ng lubid agad kong naisipan
Sa isip ko pagtaas ng tubig ako ay mahihirapan
Kung wala man lang tali akong mahahawakan

Mabait na kapitbahay lubid ibinigay
Bumalik ako sa bahay at nagtali ng kakapitan
Dahan-dahan naglabas ng gamit sa bahay
Gamit lang ang palangganang nakasabit sa gilid ng bahay

Una kong nailabas gatas at bote ng mga bata
Pagkaing natira at pampainit sa sikmura.
Sinunod kong kinuha mga damit pambata
Nasama na din damit ko at ng aking bana.

Kung noong una may kasama pa ako sa pagbalik sa bahay
Paglipas ng ilang oras ako na lang ang kumakampay
Kailangan pang maiangat gamit na importante
Mga papeles at notebook na sa mababa ko lang naitabi.

Hindi ko malilimutan ang kaba kong abut-abot
Nang akalain kong ahas ang kahoy na nahulog
Hindi ko alam kung paanong iiwas,
Lakas ng sigaw ko para lang makaligtas

Nang sumigaw ang pinsan kong ‘kahoy lang’ at hindi ahas
Saka pa lang ako nagbalik sa aking ulirat
Pagkalma ko ay nabubog na ang hinlalaki ko
Gasgas na ang binti at maga na ang daliri ko

Pagkatapos ng kaba dahil sa akalang ahas
Balik ako sa bahay para ipagpatuloy ang pagligtas
Dilim sa bahay nagpadagdag sa kaba
Mga insektong lumalabas para pang nambabanas.

Pagbalik ko sa bahay para isalba ang mas malalaking kagamitan
Akalain mo ba namang nasara pa ang pintuan
Susing nahulog sa tubig 'di na matanaw
Wala nang ibang paraan kung hindi wasakin ang pintuan

Halos madurog puso ko noong sirain ang pintuan
Sabi ko pa ‘mahal ‘yan kaya mahirap matanggal.’
Nang mabuksan ang pinto hanggang dibdib na ang tubig sa bahay
Halos lahat naglutangan na parang isdang nangamatay

Balsang ginawa ng pinsan ko
Sumagip sa TV na tatlong buwan kong binayaran
Kasama sa paglabas DVD player at plantsa
Naisalba din stand fan kong noon pa’y may sira na

Maraming naganap noong Sabadong maulan
Halos siyam na oras akong nasa tubigan
Kasama na sa nagawa ay pagtulong sa kapitbahay
Pagligtas sa ibang gamit at mga halaman

Nagdaang karanasan nagturo ng aral
'Di lang sa sarili kung 'di sa pangkalahatan
Una kong naisip kalikasan ang kalaban
Kahit anong gawin ng tao wala talagang laban

Sa nangyari ay nanariwa sa isip ko
Na ‘magandang nagawa mo ay babalik din sa iyo’
Bukas palad akong tinanggap ng kapitbahay
Nakikain, natulog kasama ang lima pang pamilyang apektado

Doon ko nadama pagmamahal ng kapwa
Doon ko naisip hindi nga ako masama
Sabi ko buti na lang naturuan akong tumulong sa kapwa
Ngayong nangailangan ako tulong agad ay nakuha

Pigil ang luha ko noong gabing kami ay nagdasal
Ayaw kong makita ng taong mahina na ang aking kalooban
Paglatag ng likod ko sa hiram na higaan ipinikit ang mga mata
Pero dilat naman ang isipan

Magdamag akong halos walang tulog
Dilat na ako di pa tumitilaok ang manok
Bagong araw, Linggo ng umaga
Sabik akong sa bahay ay magbalik na

Lubog pa din ang harapan ng bahay
Pero sa loob putik na lang ang matatanaw
Bagsakan na ang gamit at sa dumi ay nagtatampisaw
Wala akong makita kung hindi basa at maruming bagay

Una kong pinasok ang kasilyas ng bahay
Inuna ko itong linisin bago ang ano pa man
Sa isip ko ito ang unang kailangan
Sakaling tawag ng kalikasan biglang magparamdam

Pagpulot ng mga basang bagay sinunod kong ginawa
Pagtayo ng mga nagbagsakang gamit pumangalawang kusa
Wala na sa isip ko kung madulas man ako
Basta ‘ingat lang’ ang bulong sa sarili ko

Nang mapulot ko na halos lahat ng kalat sa bahay
Pag-alis ng tubig at putik ang sunod kong pinagplanuhan
Dahil sa walis tingting ay nawala na sa baha
Naisip kong manghiram muna at nang makapagsimula

Hawak ang walis tingting na nahiram
Dahan-dahan akong bumalik sa bahay
Pero 'di pa nakakalayo sa pinaghiraman
Paa ko’y nadulas, bagsak ang aking katawan

Sa oras na 'yon 'di ko na napigil pa
Luha’y dumaloy na sa aking mga mata
Naisip kong 'bagsak na, bumagsak pa
Pagod na, nabugbog pa'

Luha sa aking mata patuloy ang pagdaloy
Pilit ko mang pigilan ayaw umayon
Parang may sariling buhay na nasasaktan
Mula sa karanasan umagos ng tuluyan.

Siguro sa iba simple lang ang aking karanasan
Pero sa isip ko iba kapag iyong naranasan
Iba ang dating 'pag ikaw ang natakot at nanganib
Iba ang dating kapag ikaw ang nakalublob sa tubig

Pero sabi ko nga talagang masuwerte ako
Dahil ligtas lahat ng mga mahal ko
Mula sa magulang, kapatid at mga anak
Lahat sila ay malakas at hanggang ngayo’y kasama ko

Alam kong sa ibang nawalan ng mga mahal sa buhay
Simpleng ‘kaya mo yan’ hindi talaga babagay
Pagkawala ng buhay iba nang usapan
'Di tulad sa gamit na nabibili at napapalitan

Sa nangyaring unos sa ating bayan
Sana’y mabuksan na din ang isipan ng karamihan
Inang Kalikasan na ang naniningil ng pagkakautang
Sa mga taong lumapastangan sa maganda nating kalikasan

as of 10/02/2009 3:43 AM

Video


More Videos