Maganda ang Pinas at da best pa rin ang Pinoy - Pat Sto. Tomas

ABS-CBN News

Posted at May 17 2008 09:58 AM | Updated as of May 17 2008 05:58 PM

ALAM BA NINYO By PAT STO. TOMAS

Noong nakaraang linggo ang paksa natin ay ang di kanais-nais na pag-uugali ng ilan sa ating mga empleyado ng pamahalaan. Isa lamang ito sa mga maraming issue na pinapa-abot sa atin ng ating mga OFWs sa pamamagitan ng maraming e-mail na ating natanggap simula ng ating umpisahan ang kolum na ito.

 

Noong nakaraang linggo ang paksa natin ay ang di kanais-nais na pag-uugali ng ilan sa ating mga empleyado ng pamahalaan. Isa lamang ito sa mga maraming issue na pinapa-abot sa atin ng ating mga OFWs sa pamamagitan ng maraming e-mail na ating natanggap simula ng ating umpisahan ang kolum na ito.

Ang karamihan dito ay tungkol sa mga problemang naranasan o di kaya ay maaring kaharapin ng ating mga OFWs bunsod ng hindi maayos na pag asikasong naibibigay sa kanila o sa kanilang pamilya ng ilang empleyado ng pamahalaan o di kaya ay sa hindi gaanong maliwanag na mga alituntunin at preseso o programang ipinapatupad ng mga opisina ng gobyerno.

May napansin lang akong isang bagay sa maraming e-mail ng ating mga OFWs at ito ay ang kadalasang kaisipan na namamayani, katulad na rin ng kaisipan ng marami sa atin, na napakasama ng ating pamahalaan o ng ating bansa dahil lamang sa minsang hindi magandang karanasang nadanasan ng lumapit sa isang opisina ng gobyerno o dahil sa hindi gaanong maliwanag na mga alintuntunin, proseso, programa ng pamahalaan o sa hindi magandang nakita na kapaligiran o mga napansing negatibong obserbasyon sa pag-uugali ng ilan nating mga kababayan.

Ipagmalaki natin

Para sa akin ang pag-iisip ng ganito ay hindi dapat mamayani lalo na sa mga OFWs dahil sa ito ay makakaapekto hindi lamang sa ating pagbigay importansya sa sarili kundi pati na rin sa ating pagtatrabaho. Ang pagkukulang ng isa ay hindi pagkukulang ng nakakarami.

Kung mayroon mang ilan sa atin na masama ang pag-uugali, ito ay hindi nangangahulugan na masama na ang Pilipinas. Lagi nating isiping napakaganda ng Pilipinas at ito ay isang bansang ating maipagmamalaki. At ang pagiging Pilipino, ano man ang trabahong ating ginagampanan saan mang bansa ay ating maipagmamalaki sapagkat ang Pilipino ay dakila, mapagkakatiwalaan at laging nangunguna sa talino, kaalaman at kakayahan.

Ako ay napadako na rin sa maraming bansa at nakasalo ko na rin ang maraming opisyales ng mga bansang ito lalo na sa sector ng labor migration at masabi ko na mataas ang tingin nila sa Pilipino at sa ating mga OFWs. Sa katunayan, sa sector ng labor migration tayo ang kinikilalang halimbawa sa buong mundo at nararapat lamang na ito ay ating ipagmalaki lalong-lalo na ng isang OFW.

Una tayo

Totoong mayroong ilang mga tiwaling empleyado sa pamahalaan at walang malasakit sa taong bayan. Subalit ito ay isang katotohanang hindi lamang sa atin kundi sa buong mundo. Kahit na sa mga progresibong bansa ang katiwalian sa gobyerno at ang pang-aabuso ng ilang nasa pamahalaan ay isang bagay na hindi maipagkakaila.

Sa kasalukuyan sa ating bansa ang mga ito ay kakaunti na lamang at darating ang panahon na mawawala na rin ang mga ito dahil sa patuloy na kampanya ng pamahalaan lalo na ang Civil Service Commission na pag-igihin ang serbisyo publiko.

Naaalala ko tuloy ng ako pa ang Chairman ng Civil Service Commission noong 1988-1995, maliban sa mga disciplinary measures na ating pina-iiral sa mga tiwaling empleyado ng pamahalaan, nagpatupad rin tayo ng mga educational, atitudinal at information campaigns para sa civil service. Isa rito ay ang simpleng mensaheng "MAMAMAYAN MUNA, HINDI MAMAYA NA!"

Alam kong sa kasalukuyan ay ipinagpatuloy ng CSC at ng iba pang mga opisina ng gobyerno ang kampanya para mapabuti ang ating serbisyo publiko kasama na ang pagliwanag at pagpapa-simple ng mga alituntunin, proseso at programa ng pamahalaan.

Para sa kaalaman ng ating OFWs, ang Pilipinas pa rin ang nangunguna sa larangan ng public administration dito sa Asia and Pacific region. Hindi ibig sabihin wala katiwalian o problema sa ating sistema sapagkat ang bagay na ito ay kaakibat lagi ng ano mang uri ng pamamahala at ano mang klaseng bansa.

Huwag magpadalos-dalos

Mayroon pa rin tayong mga problema katulad ng mga nararanasan ng ilan sa ating mga OFWs subalit ang masasabi ko lamang ay bale wala ang mga ito kung ihahambing natin sa mga problemang pang pamahalaan na kinahaharap ng maraming bansa.

Kaya sa ating mga OFW, huwag naman tayong magpadalos-dalos sa paghuhusga sa ating pamahalaan at sa pag-iisip na napakasama ang ating gobyerno at ng bansang Pilipinas. Tama lamang na ating ipa-alam ang mga masasamang gawain ng ilang tiwaling empleyado ng ating pamahalaan o ang mga alituntunin, sistema, proseso o programa ng pamahalaan na hindi malinaw at nakakapag-bigay ng alinlangan sa ating isipan. Subalit huwag tayong manghusga na dahil lamang sa isang hindi magandang karanasang sinapit natin ang ating pamahalaan o ang ating bansa ay masama na.

Bilang isang Pilipino na malaki-laki na rin ang karanasan sa paglalakbay at pakikilahok sa mga komperensyang pang international, masasabi ko na ang Pilipinas pa rin ang pinakamagandang bansa at ang Pilipino pa rin ang the best. At ang ating mga OFWs ang siyang mga dakilang ehemplo kung gaano kagaling at kahusay ang mga Pilipino sa mundo.

Ang e-mail address ni Pat Sto. Tomas ay [email protected]