Negosyanteng nakainom, nang-araro ng UV Express, motorsiklo sa QC

ABS-CBN News

Posted at Nov 22 2017 12:27 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Isang negosyanteng nagmamaneho ng SUV ang inaresto ng mga pulis matapos araruhin ang isang UV Express at isang motorsiklo sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, Martes ng gabi.

 

Nag-viral na sa Facebook ang video ni Crisdale Pasion, isa sa mga pasahero ng UV Express, na nakunan ang insidente.

Kitang-kita kung paano sinadyang araruhin ng SUV ang pampublikong sasakyan matapos nitong magbaba ng mga pasahero sa gitna ng kalsada.

Kuwento ni Pasion, pinababa sila dahil nabangga sila ng puting SUV.

"Nu'ng una, akala ko talaga normal na sagian lang. Tapos nu'ng sinadya n'ya na kaming bungguin, ayun, doon na ako natakot," dagdag ni Pasion.

Kuwento ni Benjamin Dela Cruz, driver ng UV Express, "Bigla na lang po kami binangga n'ya sa gilid. Nu'ng hinabol ko siya para huminto siya, huminto ako sa may unahan n'ya. Ang ginawa n'ya, hindi siya huminto, binunggo n'ya kami nang ilang beses."

Masuwerte namang walang nasaktan sa mga pasahero ng UV Express.

Samantala, hinabol ng mga tanod at iba pang nasa paligid ang SUV, na nakorner sa isang bahagi ng Barangay Holy Spirit.

Hinarang ni Richard Venturina, isang public order and security officer, ang isang motorsiklo sa harap ng SUV habang pinapababa ng ibang opisyal ang driver mula sa sasakyan.

Pero nang hingian ng mga pulis ng lisensya ang driver na si Niño San Gabriel, muli nitong pinaarangkada ang SUV at kinaladkad ang nakaharang na motor sa kahabaan ng highway.

Ginitgit din ni San Gabriel ang kotse ng isang rumespondeng volunteer.

Dito na pinaputukan ng mga pulis ang SUV habang hinahabol si San Gabriel sa Commonwealth Avenue.

Nang makarating sa Don Antonio, tinamaan ng bala ng mga pulis ang gulong ng SUV, ngunit tumangging magbaba ng bintana o bumaba ng sasakyan si San Gabriel kaya't tuluyan nang binasag ng mga pulis ang salamin ng bintana sa gilid ng driver.

"Pag ano ng salamin, biglang labas siya ng baril, 'yung kalibre .40, 'Anong problema?' 'Yun ang sabi n'ya," banggit ni Venturina.

"Nakainom po kasi kaya hindi masyadong makausap nang maayos. Hindi raw n'ya alam ang nangyari dahil nakainom," ani PO1 Dexter Tomi, isa sa mga rumespondeng pulis.

Nakuha mula sa sasakyan ni San Gabriel ang isang basyo ng kalibre .40 at isa pang baril na hindi lisensiyado.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag sa media si San Gabriel.

Haharap siya sa patong-patong na mga kaso ng illegal possession of firearms, direct assault, disobedience to person in authority, at reckless imprudence resulting in damage to property.

Sa kabila ng nangyari, handang makipag-areglo ang mga nagreklamo laban sa driver ng SUV.

- ulat ni Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.