Pacquiao wants to help RP get Olympic gold

Posted at Nov 22 2010 10:26 PM | Updated as of Nov 23 2010 11:43 AM

Sapat ang talento ng atletang Pinoy— ito ang paniniwala ni Manny Pacquiao, pero kailangan lang bigyan ng mas maraming suporta para magtagumpay sa international sports scene tulad niya.

Para sa mga national athlete, irerekomenda niya ang kanyang fitness trainer na si Alex Ariza para mas matutukan ang kundisyon at nutrisyon ng mga atleta.

Gusto rin niyang tumulong para makuha ng Pilipinas ang unang gold medal ng bansa sa 2012 Olympics.

"Ang plano ko is tutulong ako ngayon for the Olympics 2012. Sisikapin ko na si Ariza ay ipagamit sa kanila (para sa conditioning). I can give them advice para kung ano'ng gawin nila and inspiration," sabi ni Manny.

Payo rin ni Manny sa mga atleta, bukod sa pagiging  masipag, ang sikreto sa tagumpay ang tiwala sa Diyos.

"Kailangan magtiwala sa Panginoon, at magtiwala sa mga sarili ninyo. Work hard," dagdag niya.

At sa mga tumataya sa lotto at umaasa na manalo sa kalahating bilyong piso, ito ang payo ni Manny, huwag mawalan ng pag-asa.

"'Pag nanalo sila ng lotto, 'pag napalunan nila iyong P500 million mahigit, kung ano mang pakikisama at pakikitungo mo sa tao, huwag baguhin sa perang natanggap mo... Tumulong rin sa ibang tao," sabi ni Manny.

Sobra-sobra ang pasasalamat  si Pacman sa lahat ng kanyang natamong tagumpay. Kahit sa Amerika, siya na ngayon ang hinahangaan bilang pinakamagaling at sikat na boxer.

Pero importante sa kanya na huwag magpaapekto.

"Kayang-kaya nang bawiin ng Panginoon right away, in one second lang. Kayang-kayang bawiin. So... the more na magtagumpay , the more blessing na darating sa 'yo is the more dapat magpakumbaba ang isang tao," sambit niya.

Sa General Santos magpa-Pasko ang pamilya Pacquiao …may plano rin silang magpunta sa Australia at Europa para sa Bagong Taon.

Tuloy-tuloy pa rin ang  pagpaplano para sa ospital sa Saranggani, na matagal niyang gustong iregalo sa kanyang mga kababayan. Dyan Castillejo, Patrol ng Pilipino