Pacquiao says WBO decision reflects people's views

Posted at Jun 21 2012 11:09 PM | Updated as of Jun 22 2012 01:15 PM

Inilabas na ng World Boxing Organization (WBO) ang resulta ng kanilang imbestigasyon kaugnay ng kontrobersyal na laban nina Manny Pacquiao at Timothy Bradley.

Ang kanilang hatol: panalo si Pacman.

Ikinatuwa ito Manny at ng kanyang misis.

“Salamat sa naging desisyon ng mga panel. Iyon naman ang nasa puso ng mga boxing fans lalong lalo na ang mga kababayan natin. Salamat sa suporta,” sabi ni Pacquiao.

“Kaya nga ang mga anak ko hindi talaga nag-react kasi alam nila sa puso nila na nanalo talaga si Manny,” sabi ni Jinkee, asawa ni Pacquiao.

Hindi man mababago ng resulta ng imbestigasyon ng WBO ang naunang resulta sa pagkatalo ni Pacman, para sa mga kababayan ni Pacman, siya pa rin ang numero uno at nananatiling kampeon.

Nagbubunyi man, tanggap na ng Team Pacquiao na hindi nito mababago ang naunang desisyon ng mga hurado sa laban.

“I’m thankful the WBO didn’t just sit there. They did something but they have no power or authority to do much more than reveal what their results were,” sabi ni Michael Koncz, adviser ni Pacquiao.

“Who knows what they can come up with,” sabi naman ni Bob Arum ng Top Rank.

Pero si Mommy Dionesia, agad bumuwelta at nagpasaring kay Bradley.

“Sana makonsensya ang mga scorer lalo na ang kampon ni Bradley. Wheelchair win, wheelchair win sabi nga ng mga tao,” sabi ni Dionesia.

May kanta rin si Pacmom para kay Bradley.

“Sorry, sorry Bradley. Sorry, sorry Bradley,” ani Dionesia.

Kanina tumulak ng Ilocos si Pacquiao kasama si Jinkee para dumalo sa pagdiriwang ng kaarawan ng kaibigang si Chavit Singson. Jay Dayupay, Patrol ng Pilipino