Lulong sa droga noon, triathlete ngayon

ABS-CBN News

Posted at May 03 2017 04:51 AM | Updated as of Jun 27 2017 10:13 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Sports ang naging sagot sa pagbabagong-buhay ng rakistang dating lulong sa droga.

Pinatunayan ni Reujen Lista na hindi natatapos ang buhay sa pagkakalihis ng landas.

Sex, drugs, at 'rock and roll' ang kanyang naging pamumuhay noong kabataan niya.

Kuwento ni Lista, "At dahil entertainers kami, daming tao, daming emotions, it went too far. Na-expose na sa iba't ibang klaseng drugs."

Matagal itong nakasanayan ni Lista hanggang sa napilitan siyang magbago para sa pamilya.

Hindi nabigo si Lista sa kanyang pagkukusa na ipasok ang sarili sa rehabilitation center.

Nagtuloy-tuloy ang pagkontrol niya sa kanyang bisyo pero hindi niya inaasahan na lalo pang mag-iiba ang kanyang buhay.

"Naalala ko sa rehab, dalawang linggo akong tulog nang tulog. Kain nang kain hanggang sa iyon ang naging problema. Nagshift doon yung addiction ko. Nangyari sa 'kin noon, tumaba ako nang 220+ pounds. Then nagka-heart attack ako. Muntik akong mamatay. Then pumunta ako sa doctor. Sabi nya, iinom ka ng gamot araw-araw for the rest of your life o diet and exercise ka," aniya.

Kinailangan ni Lista na mag-iba ng lifestyle kaya nagsimula siya sa konting exercise hanggang sa pinursigi na niya ang pagtakbo, cycling, at swimming.

Una siyang sumali sa triathlon noong Ironman 2011.

Bukod sa pag-eensayo, abala si Lista sa pagko-coach nang libre sa mga kabataan na nais maging mahusay na triathlete.

Ibinabahagi niya umano sa mga bata ang kanyang mga natutunan para mailayo sila sa kasamaan.

"Gusto kong ibahagi to sa mga bata ngayon kasi doon natin sila mailalayo sa kasamaan. Kasi sila 'yung magiging future triathletes natin, future Olympians," aniya.

Six full Ironman na ang nagawa ni Lista o higit-kumulang 226 kms.

Anim na race pa, maaabot na niya ang 'legacy' status na magiging daan niya para makapag-compete sa Kona, Hawaii kung saan nagsimula ang Ironman.

--Ulat ni Migs Bustos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.