Pacman readies for Bradley bout with 'spiritual training'

Posted at Apr 19 2012 11:36 PM | Updated as of Apr 20 2012 12:30 PM

Pagkatapos ng training kahapon, diretso agad sa kanyang Baguio suite si Manny Pacquiao para kumain. Kasunod nito ang Bible study.

Kaninang umaga, sa mga bundok tumakbo si Pacman. Mahirap ang ruta. Mahigit 20 minutos nag-jogging si Pacman. Huminto siya saglit, nag-stretching saka tinapos ang takbo.

“Sa hills ‘yung jogging namin kanina, inakyat namin. Nanibago ako,” sabi ni Pacquiao.

Sumabak din si Pacman sa shadow boxing at matinding abdominal exercise. Pagkatapos ng morning workout, nagkuwentuhan muli tungkol sa mga natutunang Bible verses.

Disiplinado si Pacquiao sa physical at spiritual training. Ito anya ang tamang kombinasyon para paghandaan ang susunod na hamon sa loob man o labas ng ring.

Sa hapon, puno ng enerhiya si Manny habang nag-mitts kay Coach Freddie Roach. Hinahabol niya si Freddie sa ring at sinimulan nilang pag-aralan ang mga tamang galaw. Ibang klaseng fighter kasi si Timothy Bradley.

“We’re going to condition and [do] hard work right now. We’re more or less working on right now the technique for the fight,” ani Roach.

“Kung anong ginagawa namin sa training, ‘yun ‘yung accurate sa style ni Bradley,” sabi ni Pacquiao.

Kumpiyansa ang team Pacquiao na magagawa nila ang tamang preparasyon para mabigyan ng unang talo si Bradley. Dyan Castillejo, Patrol ng Pilipino, Baguio City