‘PNoy didn’t ignore me’ -- Pacquiao

Posted at Apr 16 2012 10:10 PM | Updated as of Apr 17 2012 06:10 AM

Bago umakyat ng Baguio, nag-training muna si Manny Pacquiao sa Maynila sa kanyang MP Tower sa Sampaloc. Nag-ensayo si Pacman kasama sina Coach Buboy Fernandez at Nonoy Neri.

Nasa Baguio na si Freddie Roach at hinahanda na rin ang training camp ni Pacman doon. Ganado si Manny sa training; hindi raw puwede magkumpiyansa sa undefeated na kalabang si Timothy Bradley.

Power pa rin at bilis ang focus ni Pacquiao. Dagdag-inspirasyon sa kanya ngayon ang pinalakas na pananampalataya sa Panginoon.

“Ang laki ng naitulong sa akin dahil siyempre, I have eternal life na. O, 'di ba? Sinusunod ko ang kautusan ng Panginoon,” sabi ni Pacquiao.

Pinabulaanan naman ni Pacquiao ang napabalitang pag-isnab umano ni President Noynoy Aquino sa kanya sa Davao.

“Sa harapan, nakita naman niya ako, nag-hello naman ako. God knows na wala akong pagdaramdam kung 'di niya ako kamayan. Akin lang sana ma-resolve ang problema sa power sa Mindanao,” ani Pacquiao.

Pinagpaliban muna ni Manny ang usapin tungkol sa plano umano niya na sumali sa party ni Vice President Binay.

Ayon kay Pacquiao, “Let’s talk [about] that later. Kaibigan rin naman natin si Vice President Binay, so we also support him. Kung hindi ka tanggap doon sa kabila, bakit mo ipagsisiksikan ang sarili mo?”

Tatlong linggo si Manny sa Baguio at isang buwan sa Los Angeles para sa June 9 fight kay Timothy Bradley. Dyan Castillejo, Patrol ng Pilipino