EXCL: Pacman starts training in GenSan

Posted at Apr 03 2012 10:48 PM | Updated as of Apr 04 2012 09:44 AM

Nag-umpisa nang mag-ensayo si Sarangani Congressman at boxing champ Manny Pacquiao bilang paghahanda sa laban niya sa Hunyo. At dahil Semana Santa, hindi nakalimutan ni Pacman na magbahagi ng salita ng Diyos. Mula GenSan, exclusive, nagpa-Patrol si Jay Dayupay. TV Patrol, Abril 3, 2012, Martes

 

Ganadong mag-ensayo ngayong araw si Congressman Manny Pacquiao dito sa GenSan Oval Plaza.

Maaga siyang nagwarm-up, nag-jogging, at gumawa ng ilang footwork exhibition.

Pitong beses ding nilibot ni Pacman ang Oval Plaza. Ang mga kasabayan sa jogging, naiwan na.

“Si Bradley pasok nang pasok, so dapat mabilis ang paa mo, in and out,” ani Pacquiao.

Makalipas lang ang ilang sandali, pinagkaguluhan na si Pacman ng ilang fans.

“Hindi namin ini-expect na makasabay namin ng anak ko,” sabi ni Mark Serentas, tagahanga ng Pacman.

Sumabak din si Pacman sa firing. Nagpakitang gilas ang kampeon sa target hitting. Mabilis at asintado si Pacman. Malaki raw ang tulong nito sa kanyang training.

“Maganda ang iyong discipline, tapos focus sa target,” sabi ni Pacquiao.

At dahil Semana Santa, hindi nakalimot si Pacman na magbahagi ng bersikulo sa Bibliya.

“Christ was sacrificed once to take away the sins of many,” sabi ni Pacquiao.

Tuloy ang training ni Pacquiao bukas na magtatagal ng dalawang linggo dito sa GenSan. Jay Dayupay, Patrol ng Pilipino, General Santos City