Paglabag ba sa Konstitusyon ang iringan sa Korte Suprema?

ABS-CBN News

Posted at Dec 12 2017 12:14 AM | Updated as of Dec 12 2017 12:53 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Nagpahayag ng kanilang mga puna laban kay Chief Justice Justice Maria Lourdes Sereno ang apat na mahistrado ng Korte Suprema na humarap sa pagdinig ng komite ng Kamara nitong Lunes.

Gustong malaman ni House Deputy Speaker Ferdinand Hernandez mula sa mga mahistrado ng Korte Suprema kung paano ang kilos ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa mga insidenteng ibinabato sa kaniya ngayon sa gumugulong na pagdinig ng Kamara sa impeachment complaint.

"Don't you feel that this is an insult to your intelligence, or insult to the institution?" tanong ni Hernandez sa mga mahistrado.

"The actions done by the chief justice, from the time that she assumed her position, showed no respect or courtesy to the court en banc," tugon ni Supreme Court Justice Teresita Leonardo de Castro.

"She knows that the en banc is very concerned about its reputation," tugon naman ni Supreme Court Justice Francis Jardeleza.

Ayon kay dating Justice Arturo Brion, may pagkakataong may itinago si Sereno sa kanila.

"You were part of the RCAO [Regional Court Administration Office] and the JDO [Judiciary Decentralized Office]?" tanong ni Hernandez kay Brion.

"Yes. What she committed was a misrepresentation. I would call this "batas ng samahan." Eh sasabihin ko sa kaniya, wala namang ganiyanan. You are getting what you want through these devious means. That is not right, " tugon ni Brion.

Puna ni Brion, ang buong korte pa ang nagtatama sa ilang aksiyon ni Sereno.

"Minsan, doon sa loob ng en banc, kami po ay nagkakapikunan. Kung halimbawa ay lumalagpas, aba'y sabihan natin 'yan. 'Madame chief justice, lagpas ka na. Hindi na iyan dapat iyong ginagawa'," ani Brion.

"Limang taon na po, paulit-ulit na 'kong nagsasabi sa kaniya 'huwag mong gawain 'yan, di mo 'yan puwedeng gawain,' hindi pa rin siya tumitigil sa paglabag niya doon sa mga dapat sana ay ipinaaalam niya sa en banc," sabi ni de Castro.

Giit naman ng kampo ni Sereno, walang kinalaman sa impeachment ang isyu nilang mga mahistrado sa loob ng Korte Suprema.

"'Yon po ay puro internal. Ang question ultimately, may culpable violation ba ng Constitution? Wala po talagang culpable violation ng Constitution na nangyayari. Ito po'y just mga may disagreement. Maybe inside the court, pero kanila na po 'yon," ani Atty. Jojo Lacanilao, isa sa mga abogado ni Sereno.

Ikinuwento naman ni Justice Noel Tijam na inako ni Sereno at hindi nga dumaan sa raffle ang request ng gobyerno na ilabas ng Mindanao ang paglilitis sa Maute group.

Sa halip daw na talakayin sa en banc session, sa lunch break ito pinag-usapan.

Hindi rin agad ipinaalam sa kanila na umapela pala ang Department of Justice sa unang hatol na sa Cagayan de Oro ang paglilitis.

"On June 5, it was not raffled to the chief, then the chief justice circulated her own recommendation to the court," sabi ni de Castro.

Duda ni Tijam, may kaugnayan ang aksiyon ni Sereno sa boto niya kontra martial law sa buong Mindanao.

Kaya para sa kaniya, dapat magpaliwanag si Sereno.

"I encourage the chief justice to attend so that she can explain why she dilly-dallied and decided not to bring it to the attention of the en banc," ani Tijam.

Kiwento pa ni Tijam, matagal ring naburo ang hiling na "survivorship benefits" ng mga nabalo ng mga mahistrado at huwes. 

"April summer session namin sa Baguio, binabanggit na po ni Justice Mar[iano] del Castillo... And then suddenly, Mrs. Colayco died. There was a recommendation to the en banc and only then that approval was made by the en banc," sabi ni Tijam.

Ikinuwento naman nina Jardeleza at Brion ang panghaharang ni Sereno sa nominasyon ni Jardeleza bilang mahistrado sa Judicial and Bar Council dahil sa kuwestiyon sa integridad nang hindi man lang siya binibigyan ng pagkakataong sumagot.

Hindi rin daw agad binibigay sa mga mahistrado ang mga dokumentong kailangan para mahatulan agad ang kaso.

"Chief Justice Sereno acted as the complainant, the prosecutor, and judge against SolGen Jardeleza," sabi ni de Castro.

Itinanggi naman ng kampo ni Sereno na nagmaniobra siya kontra kay Jardeleza. 

"Justice Jardeleza was excluded because he did not obtain the unanimous vote required," saad ng bahagi ng pahayag ng Sereno defense team.

Binigyan din daw ng pagkakataon si Jardeleza na sagutin ang mga bintang sa kaniya.

"Solicitor General Justice Jardeleza was in fact given an opportunity to explain his side, which opportunity he refused to take on account of his position that he is entitled to a statement in writing of the charges against him," saad pa rin ng bahagi ng pahayag ng kampo ni Sereno.

Sabi ng kampo ni Sereno, trabaho lang at walang personalan.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.