NPA, target ng martial law extension sa Mindanao

ABS-CBN News

Posted at Dec 11 2017 11:36 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Unang idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas militar sa Mindanao kasunod ng pag-atake ng teroristang Maute group sa Marawi City noong Mayo 23

Bago mapaso ang 60 araw na bisa ng martial law, humirit ang ehekutibo na palawigin ito hanggang katapusan ng taon dahil hindi pa noon nasusupil ang Maute group sa lungsod.

Sinabi rin noon ng ehekutibo na babawiin ang martial law nang maaga kapag di na ito kailangan.

Pero sa hiling ngayong muling palawigin ang batas militar, maliwanag na target naman ang komunistang New People's Army na itinuturing na terorista ni Duterte.

Ayon kay Duterte, sinamantala ng mga rebelde ang giyera sa Marawi.

“For as long as there are acts of rebellion being committed in the island province of Mindanao, yes he [Duterte] will use the full force of martial law against the NPA as well,” ani tagapagsalita ng Malacañang na si Atty. Harry Roque.

Sang-ayon si House Minority Leader Danilo Suarez na muling pagbigyan ang hiling ng Pangulo.

"Ika nga, this is a martial law na may puso," ani Suarez.

Kilalang dikit si Suarez sa mayorya.

Sa panayam naman ng ANC "Early Edition", sinabi ni House minority Cong. Edcel Lagman na muli siyang dudulog sa Korte Suprema sakaling mapalawig ang batas militar pati na ang suspensiyon ng privilege of the writ of habeas corpus.

"Definitely it is not constitutional because there is no actual rebellion," ani Lagman.

Tugon naman ng tagapagsalita ng Malacañang na si Atty. Harry Roque, kumpiyansa ang gobyernong kaya nitong muling panindigan ang posisyon sa batas militar sa harap ng Korte Suprema.

"He is welcome to question this third one and I'm confident that the government can justify martial law anew in the Supreme Court," ani Roque.

Para sa legal analyst na si Atty. Tony La Viña, hindi puwedeng basta-basta na lang palawigin ang martial law.

Aniya, dapat magpalabas muli ng proklamasyon ang pangulo kung totoong mayroon pa ring rebelyon sa Mindanao.

"Tapos na 'yong giyera sa Marawi, hindi ko nakikita how the same grounds that justified the declaration of martial law [can still justify its extension]," ani La Viña.

"There's no such thing as preventive martial law," sabi naman ni former Solicitor General Florin Hilbay.

Planong busisiin ng Kongreso ang hiling ni Duterte sa isang joint session ngayong linggo.

-- May ulat ni Christian Esguerra, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.