Drug den 'operator' timbog sa QC

ABS-CBN News

Posted at Dec 07 2017 11:30 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Sa pagbabalik ng pulisya sa kampanya laban sa ilegal na droga, buena manong naaresto ang isang lalaking hinihinalang aktibo sa gun running at nagpapatakbo ng drug den sa Barangay Culiat, Quezon City, Huwebes. 

Nadakip sa bisa ng warrant of arrest si Derrek Nevado Franil sa kaniyang bahay sa Villa Lourdes Subdivision, kung saan nasamsam ng pulisya ang 30 paketa ng shabu, 2 baril, ilang bala at drug paraphernalia. 

"May mga pumupunta rito at doon na rin sila magda-drugs. May naka-ready na silang mga foil, tooter at burner. Mayroon din siyang mga runner," sabi sa DZMM ni Chief Supt. Guillermo Eleazar, hepe ng Quezon City police. 

Siniguro naman ni Eleazar na magiging mas maingat ang kanilang mga tauhan sa muling pagsabak sa war on drugs dahil mismong mga commander na ang mamamahala sa bawat operasyon. 

Sumailalim na rin sa stress debriefing at neuro psychiatric test ang mga pulis at sinigurong nasa wastong pag-iisip at kondisyon ang mga ito, dagdag ni Eleazar. 

DZMM, 7 Disyembre 2017 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.