Lugar para sa fireworks display, paggamit ng 'pailaw' vs paputok, isinulong

ABS-CBN News

Posted at Dec 04 2017 09:28 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Umabot sa 630 ang biktima ng firework-related injuries mula Disyembre 21, 2016 hanggang Enero 5, 2017, base sa datos ng Department of Health (DOH).

Mas mababa ito ng 32% kumpara sa parehong panahon noong nakalipas na taon.

Ngayon, para matiyak ang zero casualty sa pagsalubong ng 2018, inilunsad ng DOH, Philippine National Police (PNP), at Bureau of Fire Protection ang "Oplan Iwas Paputok."

"Lahat po ay dapat magtulong-tulong dahil gusto natin masaya, maligaya, at ligtas ang bawat isang Pilipino sa pagsalubong ng bagong taon," ani Health Undersecretary Gerardo Bayugo.

Bukod sa batas na nagbabawal sa paggamit ng malalakas na paputok, kaakibat din ng kampanya ang Executive Order 28 na nagtatakda ng mga lugar kung saan lang puwedeng magpaputok at manood ng fireworks display.

Pinagbabawal na paputok:

  • Super Lolo
  • Whistlebomb
  • Goodbye Earth
  • Atomic Big Triangulo
  • Piccolo
  • Judas' Belt
  • Watusi

SOURCE: PNP

Ayon sa PNP, puwede pa rin naman ang mga pailaw o tinatawag na pyrotechnic devices tulad ng luces, roman candle, at fountain, pero dapat aprubado ito ng pulisya.

"With regard to the penalties, Republic Act 7183 provides 6 months to 1 year imprisonment, a fine of P20,000 not exceeding P30,000," ani Supt. Roland Vilela, acting chief ng Explosives Management Division ng PNP Firearms and Explosives Office.

Kahit wala pang panuntunan ang lokal na pamahalaan ng Quezon City kung saan gaganapin ang fireworks display, sisimulan na ng Barangay Tatalon ang pagpapaalaala sa mga puwede at bawal gamiting paputok.

Hati naman ang reaksiyon ng mga residente dito. 

May ilang pabor para maiwasang may masugatan sa paputok. Mayroon ding tutol dahil nakaugalian na ang pagpapaputok sa pagsalubong ng bagong taon.

Payo naman ng DOH, gumamit na lang ng torotot, musika, kaldero at iba pang gamit sa bahay na pampaingay.

Bukod sa menos gastos, ligtas din itong paraan ng pagsalubong sa bagong taon.

-- Ulat ni Kevin Manalo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.