Pagtatapos ng Bar exams sa UST, napuno ng pagsasaya

ABS-CBN News

Posted at Nov 26 2017 10:33 PM | Updated as of Nov 26 2017 11:46 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Mistulang fiesta ang eksena sa University of Santo Tomas (UST) nitong Linggo kasabay ng pagtatapos ng Bar exams.

Kaniya-kaniyang pakulo ang mga tagasuporta ng higit 6,000 kumuha ng pagsusulit na nagmula sa iba't ibang bahagi ng bansa.

Pinahintulutan ang mga tagasuporta na okupahin ang northbound lane ng España Boulevard sa harap ng UST.

Bitbit nila ang mga karatulang nakalapat ang pangalan ng kani-kanilang mga paaralan.

"Bonus na lang po kung mayroon pong mag-top pero ang amin pong panalangin, sana'y lahat sila makapasa," ani tagasuportang si Kimberly Baltazar.

Nagtanghal ng sayaw ang ilang taga-Isabela State University.

Cultural show naman sinalubong ng mga taga-University of Cordilleras sa kanilang mga bar examinees.

"I cannot express myself, I cannot say it's easy or difficult," ani Estella Benejildo, kumuha ng Bar exam.

Ayon sa Korte Suprema, remedial law at legal ethics ang mga asignaturang kinuha ng mga examinees ngayong araw.

Batay sa datos ng Korte Suprema, bumaba sa 6,750 ang examinees ngayong Linggo mula sa paunang 7,227 sa pag-uumpisa ng Bar exams noong Nobyembre 5.

Mas mataas pa rin umano ito kumpara sa bilang ng mga kumuha ng pagsusulit noong nakaraang taon, ayon sa Korte Suprema.

-- Ulat nina Michael Delizo at Jerome Lantin

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.