Shabu, pantaya sa ilegal na sugalan sa QC

ABS-CBN News

Posted at Nov 21 2017 12:08 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Arestado ang anim na lalaki dahil sa ilegal na sugal na ginagamitan pa ng shabu bilang pantaya sa Payatas Road, Quezon City, nitong Linggo, Nobyembre 19.

Operasyon lang sana ng Quezon City Police District (QCPD) kontra mga nagkaka-cara y cruz ang isasagawa sa mga lalaking nakita sa surveillance video na nagsusugal.

Pero nagulat ang mga pulis nang makakita ng mga sachet ng shabu nang buksan ang bag at maging ang cellphone ng ilan sa mga inaresto.

May narekober ding shabu paraphernalia. 

Nitong Nobyembre 18 naman, sa Rosal street sa Payatas pa rin, nahuli rin ng mga pulis ang pagka-cara y cruz ng ilang lalaki.

Nagkalat din ang mga pera at sachet ng shabu.

Tumanggi ang ilan sa kanila sa paggamit ng shabu. 

"Wala po, wala pong nahuli sa'ming drugs," ani Mark Callo, isa sa mga naaresto.

Pero may mga umamin din.

"Minsan ho, 'yong ipinagbabawal na gamot," pag-amin naman ng suspek na si Melvin Cruz sa harap ng camera ng News team.

"Na-confirm din naman natin na doon nga sa cara y cruz-an, doon sila nag-aabutan, doon sila nagbebenta, at the same time ipinantataya nila, katuwaan nila," ani Chief Inspector Sandi Caparosso, ng QCPD Station 6.

Sa Barangay Holy Spirit Naman, nagsasagawa ng checkpoint ang mga pulis nang masita ang dalawang sakay ng motor.

Pero dahil hindi huminto, hinabol ng mga pulis hanggang sa nakitang may itinapon ang mga ito. 

Nang kapkapan, may nakuhang mga sachet ng shabu at paraphernalia.
 
Arestado ang dalawang suspek na kinilalang sina Nelbert Vasquez at Bryan Manplata.

Iti-turn-over naman ng QCPD sa Philippine Drug Enforcement Agency ang mga nahuling suspek. 

-- Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.