Mobile app ukol sa HIV, inilunsad

ABS-CBN News

Posted at Nov 08 2017 03:02 AM | Updated as of Nov 08 2017 01:48 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Lumikha ang isang grupo ng mga Pilipinong scientist ng mobile gaming app na nagbibigay ng mahahalagang kaalaman ukol sa human immunodeficiency virus (HIV).

Ito'y tugon sa diskriminasyong nararanasan ng mga taong may HIV.

Batay kasi sa pag-aaral ni Dr. Emmanuel Baja, isa sa mga nanguna sa proyekto, maraming Pilipino ang hindi pa kumportable sa usapin ng HIV.

Dulot ng diskriminasyon, marami ang nag-aalinlangang magpasuri kung may HIV o di kaya'y lumantad na mayroon silang ganoong sakit.

Kaya naisipan ni Baja at ng mga kasamahang scientist na gumawa ng mobile gaming app na kapuwa nakakaaliw at nakapagbibigay ng impormasyon ukol sa HIV.

Pinamagatang "Battle in the Blood," lalabanan ng manlalaro ang sakit na HIV.

Para matalo ang kalaban na virus, kailangang mabuo muna ng manlalaro ang puzzle na saklaw ang mga elementong panlaban sa HIV, gaya ng "healthcare" o tamang pangangalaga sa kalusugan at pag-inom ng antiretroviral medicine.

Mayroong 90 levels ang mobile game.

Bawat level ay nagtataglay ng bagong kaalaman tungkol sa HIV tulad ng listahan ng mga testing at treatment center sa iba-ibang probinsya ng bansa.

May animation din na nagpapakita ng sari-saring kuwento ng mga taong may HIV.

Bukod sa gobyerno, tumulong din sa pagpondo ng mobile game ang gobyerno ng United Kingdom.

Opisyal na ilulunsad ang laro sa buong mundo sa World AIDS Day sa Disyembre 1 sa Davao City.

Ngunit ngayo'y maaari na itong ma-download nang libre sa Google Play at Apple Store.

-- Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.