Indonesian misis ng isang lider ng Maute group, arestado sa Iligan

ABS-CBN News

Posted at Nov 05 2017 09:17 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Nasa kustodiya na ngayon ng Iligan City Police Office si Minhati Madrais, ang Indonesian na asawa ni Omarkhayam Maute, isa sa mga lider ng teroristang Maute group.

Natunton si Minhati ng Joint Task Force Ranao sa isang bahay sa Tubod, Iligan City.

Kasama niya ang anim na anak, mula panganay na 12 anyos hanggang bunso na 9 na buwang gulang pa lamang.

Hawak ni Minhati ang isang expired o pasong Indonesian passport.

Na-recover din ng militar sa bahay ni Minhati ang apat na blasting cap, dalawang detonation cord, at isang time fuse, pawang mga gamit sa pagbuo ng pampasabog.

Ayon kay Philippine National Police chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa, mapupunta muna ang mga bata sa Department of Social Welfare and Development habang iniimbestigahan si Minhati.

"I-sa-subject natin siya sa tactical interrogation. It was established also na itong mga asawa nila, sila 'yong in charge sa finances and logistics ng Maute-ISIS," ani Dela Rosa.

Sinasabing nakilala ni Omar si Minhati noong nag-aaral pa sila sa Egypt.

Nagpakasal sila matapos ang kanilang graduation.

Hindi umano payag noong una ang pamilya Maute kay Minhati, kaya't nanirahan muna silang mag-asawa sa Indonesia bago bumalik sa Pilipinas.

Nahaharap ngayon sa iba't ibang kaso si Minhati.

"'Yon ang magiging ebidensiya against sa kaniya, for illegal possession of explosive components," ani Dela Rosa.

Samantala, tuloy-tuloy naman ang operasyon ng militar sa "main battle area" ng Marawi para matunton ang natitira pang Maute fighters na nagtatago sa mga guho.

Noong isang araw, naaktuhan pa ng documentary team ng ABS-CBN ang biglang pagtakas ng isang nagtatagong Maute fighter.

Tuloy-tuloy rin ang pagpapasabog ng militar ng mga iniwang bomba ng Maute fighters sa main battle area.

-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.