PNP retirees, inireklamo ang kawalan ng umento

ABS-CBN News

Posted at Oct 31 2017 01:32 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Hindi malilimutan ni retired Chief Superintendent Allyn Evasco, Jr. ang araw na nakipaglaban sila sa mga miyembro ng New People's Army (NPA) sa Samar noong 1979.

Akala niya, mamamatay na siya noon dahil sa dami ng mga kalaban.

"Na-ambush ang grupo namin, mabuti na lang na-rescue... Risk of life. Suwerte lang ako that I retired properly."

Ang ikinasasama ng loob ni Evasco, na miyembro rin ng Board of Directors ng Philippine National Police (PNP) Retirees Association, Inc., hindi kasama ang mga retiree sa hanay ng pulisya na mabibigyan ng salary increase sa susunod na taon.

"Kinalimutan na kaming retirees, samantalang during the best years of our career, we risked our lives," ani Evasco.

Umalma rito si PNP chief Director General Ronald "Bato" dela Rosa.

"Pinag-aaralan what is the best option na lahat tayo makikinabang sa intention ng gobyerno... kino-consider din natin 'yong opinion lagi ng DBM [Department of Budget and Management]," ani dela Rosa.

Giit naman ng grupo nina Evasco, malinaw na nakasaad sa Republic Act 8551 ang "automatic indexation".

"Nakalagay dito [sa atas ng salary increase], 'automatic indexation is suspended.' So ibig sabihin, hindi kami magkaroon ng increase which is violation to the law," ani Evasco.

Tugon naman ni dela Rosa, "hintayin niyo maging presidente si 'Bato'. Gawin kong quadruple 'yong suweldo niyo."

Sa kaniyang social media account, sinabi naman ni Senador Panfilo "Ping" Lacson na ang pinakamahirap na parte ay ang pondong gagastusin.

Saad ng pahayag ni Lacson: "Good soundbyte. The hardest part is doing the math. It may be good to inform the retirees though that we've requested the AFP and PNP to submit to the Senate actual numbers to validate DBM's claim that at least Php5T seed money is needed to fund the program."

Pinasusumite na rin nila ang PNP at ang Armed Forces of the Philippines ng mga dokumento para ma-validate ang hinihinging P5-trilyong pondo ng DBM para sa salary increase.

Pero hangga't wala pang pinal na plano, maghihintay nalang daw muna ngayon ang mga pulis na retiree at aasang maibibigay rin ang kung anong nararapat sa kanila.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.