'Sana dalawin niyo 'ko': Lolang ulila, na-stroke at inabandona, nanawagan

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2017 02:29 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Sanay tayo sa Pilipinas na kasama ng pamilya ang mga nakatatanda. 

Pero hindi lahat ng lolo't lola, pinalad na maranasan ito dahil ang ilan sa kanila ay inaabandona.

Ang masakit pa rito, napupunta sila sa shelters ng pamahalaan na siksikan at luma na ang mga pasilidad. 

Ganito ang nangyari kay Carol Hullar.

Dating ilaw ng tahanan sa isang mapagmahal na pamilya si Hullar.

Sinariwa pa niya ang mga panahong masaya siya sa piling ng mister at isang anak.

"'Yong pagmamahal ko sa kanila, pinaglilingkuran ko sila, pagkain, lahat, masaya ako kapag nakikita ko silang masaya," pagbabalik-tanaw ni Hullar.

Ngunit ang masayang pamilyang gustong kapiling ni Hullar hanggang pagtanda, bigla palang mawawala sa isang iglap.

Halos magkasunod kasing nasawi noon ang kaniyang mag-ama.

"Sabay silang nawala sa'kin, sabay silang umalis, iniwanan nila 'ko."

Lumuwas sa Maynila si Hullar at namasukan bilang kasambahay. 

Pero dala na rin ng katandaan, hindi na ganoon kalakas si Hullar.

"No'ng na-stroke ako, hinatid ako sa East Avenue [Medical Center] at pinabayaan na 'ko doon," kuwento niya sa mapait na karanasan.

Nagpalaboy-laboy lamang siya sa langsangan hanggang ma-rescue ng social worker.

Tahanan na ngayon ni Hullar ang isang shelter kasama ang iba pang abandonadong nakatatanda.

Ito ang "GRACES" o ang Golden Reception and Action Center for the Elderly and other Special Cases.

May panawagan si Hullar sa iba pang kaanak na maaaring hindi alam kung ano nang sinapit niya sa buhay.

"Kung kilala niyo pa 'ko, sana dalawin niyo 'ko dito. Kahit di niyo na ko kunin," naiiyak na hiling ni Hullar.

Ang pangungulila ng mga lolo't lola, nadagdagan pa ng paghihirap sa araw-araw nilang pamumuhay sa loob ng GRACES.

Paano kasi, luma at siksikan na ang pasilidad na ito ng Department of Social Welfare and Development.

Ang mga kisame at bubong, bagsak at butas-butas na at kulang pa sila sa kama at mga sapin nito.

"Bulok na e... tanggal-tanggal na 'yong kisame… Nagtitiis na lang [ako], siyempre wala naman akong mapupuntahan," ani Edna Santos, isa pang residente ng GRACES.

Kaya nanawagan na rin ang kanilang pamunuan para sa kagyat nilang pangangailangan.

"Sa mga sponsor natin, private individuals na nais tumulong, na mag-adopt po sana ng isang cottage or ng isang facility para mas maganda po 'yong tinutuluyan ng ating mga lolo't lola sa GRACES," ani Farrah Cabrera, OIC ng GRACES.

Malaki ang kakaharaping hamon para mapagaan ang sitwasyon ng mga nakatatanda.

Pero kapag nagsama-sama sa iisang adhikain ang bawat isa, ang kanilang hiling ay tiyak na matutugunan.

-- Ulat ni Ted Failon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.