NPA nagsagawa ng training sa Batangas: militar

ABS-CBN News

Posted at Sep 26 2017 11:45 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

MANILA - Nagdaos ng malakihang training ang New People's Army sa Batangas City, dahilan para makabakbakan nila ang militar at pulisya nitong nakaraang linggo, sabi ng isang opisyal Martes.

Napatay ang 1 hinihinalang NPA fighter nitong Linggo nang puntahan ng mga awtoridad ang training camp ng mga rebelde malapit sa Mount Banoi, Batangas.

"Nakatanggap po ng maraming report ang ating kasundaluhan na sinasabing sa area na iyan nagkakaroon ng malakihang training ang mga NPA," ani Major General Rhoderick Parayno, commander ng 2nd Infantry Division ng Philippine Army, sa panayam ng DZMM.

Nasa 32 NPA recruits aniya ang nag-training sa naturang kampo at kalahati sa kanila ang mga kabataan.

Pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang isang senior NPA leader na pinaniniwalaang namuno sa naturang training, ani Parayno.

Biniberipika rin aniya ng militar ang mga ulat na 16 rebelde ang nasugatan sa engkuwentro.

Hinikayat ni Parayno ang mga ito na sumuko sa mga awtoridad. Aniya, "Ang itinuturo sa kanilang mga miyembro, sila ay papatayin kung sila ay magsu-surrender. Hindi naman po ganoon ang inyong Armed Forces."

Binanggit din niyang nagsimula nang magbalikan sa kanilang tahanan ang nas 140 pamilyang lumikas sa takot na madamay sa kuguluhan noong Linggo.

DZMM, 26 Setyembre 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.