Ginalingan: Mga estudyanteng nagpa-wow sa robotics, lalahok sa World Robot Olympiad

ABS-CBN News

Posted at Sep 19 2017 09:58 PM | Updated as of Sep 20 2017 01:07 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Ipinamalas ng elementary at high school students mula sa iba't ibang paaralan sa buong Pilipinas ang galing sa larangan ng robotics.

Sa ika-16 na Philippine Robotics Olympiad, nagtuos ang mahigit 
600 pampubliko at pampribadong eskuwelahan at ibinida ang kanilang iba't ibang imbensiyon.

Ayon kay Mylene Abiva, national organizer ng robotics olympiad, layunin ng kompetisyon na mahikayat ang mga estudyante na maging susunod na siyentipiko, imbentor, at inhinyero para sa bansa.

Layunin ng grupo na paunlarin ang science, technology at mathematics sa mga kabataan.

Samantala, may creative category din na inilaan para sa mga estudyante ng junior at senior high school.

Hindi rin nagpahuli ang mga batang nasa edad na anim hanggang siyam na taong gulang upang ipamalas ang kanilang galing sa robotics.

Idinaos sa loob ng apat na araw ang robotics olympiad at laking tuwa ng ilang mga estudyante at guro na nagbunga ang kanilang paghahanda sa kompetisyon.

Malaking karangalan naman para sa mga nanalong estudyante na ipakita ang galing ng Pilipinas sa larangan ng robotics.

Magiging bahagi sila ng Philippine Robotics Team na lalahok sa World Robot Olympiad na idaraos sa San José, Costa Rica sa Nobyembre. 

-- Ulat ni Migs Bustos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.