SAPUL SA CCTV: Pulis, pinagsasaksak ng aarestuhing lalaki

ABS-CBN News

Posted at Sep 17 2017 06:34 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Nakuhanan sa CCTV ang pananaksak ng isang lalaki sa pulis na aaresto dapat sa kaniya.

Sa kuha ng CCTV nitong Linggo ng umaga, Setyembre 17, makikita si Cesar Ariola na naglalakad sa eskinita sa Barangay 146, Bagong Barrio, Caloocan.

Nakasunod kay Ariola ang nakasibilyang pulis na si PO1 Ronald Anicete.

Tinawag ng pulis si Ariola. Tinutukan din ng baril ni Anicete si Ariola.

Pero agad binunot ni Ariola ang dalang patalim at pinagsasaksak ang pulis.

Gumanti na ang pulis at nagpaputok ng baril.

Dead on the spot si Ariola. 

Isinugod naman sa ospital si Anicete na nagtamo ng mga saksak sa katawan.

Ayon sa barangay, ini-report ng ilang residente si Ariola sa mga pulis dahil sa takot. Gumagala umano kasi siyang may dalang baril.

Pinasusuko umano ng pulis si Ariola nang bigla siyang manaksak.

Dating karpintero si Ariola na kilala umanong gumagamit ng droga at nasa watchlist ng barangay.

Stable na ang kalagayan ngayon ni Anicete na nagpapagaling pa sa ospital.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News