Pulis, huling gumagamit ng droga sa CDO

ABS-CBN News

Posted at Sep 14 2017 11:03 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Timbog sa drug buy-bust ang isang pulis na taga-Maguindanao matapos maaktuhan ng mga pulis na gumagamit ng ilegal na droga, Miyerkoles ng gabi.

Todo takip ng mukha si PO1 Zamaxary Rmato Usman nang mahuli sa buy-bust operation sa Cagayan de Oro City.

Target ng mga pulis ang 52-anyos na si Peter Fabro, alyas Dodoy, na una na umanong kumagat sa buy-bust operation.

Pero pagpasok nila sa bahay ni Fabro, si PO1 Usman ang kanilang naaktuhan.

Itinanggi naman ng pulis ang paratang na gumagamit siya ng ilegal na droga.

Nakuha naman kay Fabro ang walo pang sachet ng shabu at mga drug paraphernalia, bukod pa sa unang nabili na isang sachet sa buy-bust operation.

Iniimbestigahan ngayon ng Cagayan de Oro Police kung aktibo pa sa serbisyo si PO1 Usman na nakadestino umano sa Shariff Aguak, Maguindanao.

Kakasuhan sina Usman at Fabro ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. – Umagang kay Ganda, 14 September 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.