Baha sa Iloilo, unti-unti nang humuhupa

ABS-CBN News

Posted at Sep 13 2017 01:19 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Naka-alerto pa rin ang mga opisyal ng barangay at Iloilo City Disaster Risk Reduction Management office sa epekto ng malakas na ulan dala na rin ng Southwest Monsoon na pinalakas ng bagyong Maring.

Sa 160 pamilya na lumikas, 48 pamilya ang inilikas sa Barangay Calubihan, Jaro, walo ang nananatili pa sa evacuation center habang ang iba naman bumalik na sa kanilang mga bahay.
 
Ayon sa mga opisyal ng barangay, sa oras na tumigil ang ulan, makakauwi na sa kanilang mga bahay ang mga evacuees. Nakatanggap naman ang mga ito ng rasyon mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
 
Samantala, magdamag namang nagbabantay ang mga barangay officials, Bureau of Fire Protection at Philippine National Police sa lagay ng panahon. Isa ang Dungon creek sa Jaro na mino-monitor ng mga residente dahil kapag matindi ang ulan, mabilis itong umapaw. 

Kahapon, umabot sa first alarm ang flood monitoring system sa sapa kaya kinailangang ilikas ang mga residente malapit sa ilog.
 
Bukod dito, binaha rin ang pangunahing kalsada sa downtown ng Iloilo City. Isa sa tinitingnan na problema ay ang drainage system. Marami kasi ang hindi pa natatapos na drainage projects ng Department of Public Works and Highways.
 
Ayon sa City Disaster Risk Reduction Management Council, wala mang storm signal sa Western Visayas pero malakas ang ulan dala na rin ng southwest monsoon na mas pinalakas ng bagyong Maring.
 
Nagsagawa naman ng briefing ang Iloilo City government at rescue teams kagabi para sa posibleng hakbang na gagawin kapag may emergency.

Samantala, kanselado naman ang klase ngayong araw sa lahat ng school levels sa pampubliko at pribadong paaralan para masiguro ang kaligtasan ng mga estudyante. – Umagang kay Ganda, 13 September 2017
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.