1 milyon deboto, inaasahan sa pista ng Peñafrancia

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2017 08:29 AM | Updated as of Sep 08 2017 08:50 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Tinatayang nasa isang milyong Marian devotees ang dadagsa at makikiisa sa traslacion o ang paglipat sa imahe ng Divino Rostro at ng patrona ng Bicol na si Nuestra Señora de Peñafrancia mula sa Basilica Minore papunta sa Naga Cathedral.

Itinuturing na pinakamalaking Marian devotion sa Asya ang pista ng Our Lady of Peñafrancia sa Naga City.

Isasagawa ngayong araw ang traslacion kaya mahigpit ang ipinatutupad na seguridad ng pulisya.

Puno na ang Basilica Minore ng mga dumadayong deboto, kabilang dito ang pamilya ni Adelfa Anday mula Maynila.

Nagsimula ang kanilang debosyon noong 1982.

Mahigit isang linggo silang mananatili rito hanggang matapos ang novena sa fluvial procession sa susunod na Sabado.

Taun-taon ding dumadayo sa Naga si Doms Ramos para sa pista ng Peñafrancia.

Mamayang hapon, isasakay sa mga karosa ang Divino Rostro o Holy Face of Jesus at ang imahe ni inang Peñafrancia para sa traslacion.

Mula sa basilica, ililipat ang mga imahe sa Naga Cathedral para sa novena kaya puspusan na ang pag-aayos sa patio at Quadricentennial Arc kung saan ilalagay ang imahen ng ina matapos ang traslacion.
 
Pangungunahan ni Caceres Archbishop Rolando Tirona ang misa mamaya kasama ang Bicolanong Arsobispo at Apostolic Nuncio sa Australia na si Archbishop Adolfo Tito Yllana.

Ipinatutupad ang gun ban hanggang September 18 habang may liquor ban simula kaninang madaling araw hanggang bukas.

Nakakalat na rin ang mahigit isang libong pulis at sundalo sa Naga para magbigay seguridad.

Mamayang alas-11 ng umaga, isasara na ang mga kalsadang dadaanan ng prusisyon. Dagdag-paalala ng pulis sa mga sasabay sa prusisyon na huwag magdala ng backpack at huwag magsuot ng sumbrero pati alahas.

Bawal din ang deadly weapons at bawal sumama ang nakainom ng alak.

– Umagang kay Ganda, 8 September 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.