SAPUL SA CCTV: Babae, kritikal matapos masagasaan

ABS-CBN News

Posted at Sep 07 2017 10:56 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Kritikal ngayon ang kalagayan ng isang babae matapos itong masagasaan ng isang Elf truck habang tumatawid sa pedestrian lane sa San Fernando, Pampanga.

Sa kuha ng CCTV ng isang establisyimento sa Barangay Dolores, mag-aalas-10:30 ng gabi noong Biyernes kitang bumaba ng kotse ang isang babae.

Ilang sandali pa makikitang may hawak nang cellphone ang babae habang naglalakad papunta sa pedestrian lane.

Sa isa pang kuha ng CCTV, tumigil ang pampasaherong jeep sa outer lane sa pagtawid ng babae. Pero hindi tumigil ang Elf truck at nabangga ang babae.

Imbes na tumigil at tulungan ang biktima, humarurot ang Elf truck sa direksyon ng bayan ng Mexico.

Sa tindi ng pagkakabangga, napuruhan ang katawan at ulo ng biktimang kinilalang si Noemi Buan, 23-gulang at isang medical technologist.

Kritikal ang kundisyon ng biktima at nananatili sa ICU.

Nakikipag-ugnayan na ang PNP sa iba pang mga establisyimentong posibleng nakunan ng CCTV nang malapitan ang Elf truck para makuha ang plate number at makilala at mapanagot ang driver nito. Umagang kay Ganda, 7 September 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.