Ilang teenager, nababahala na sa kanilang seguridad

ABS-CBN News

Posted at Sep 08 2017 07:45 AM | Updated as of Sep 08 2017 08:04 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Ikinababahala na rin ng ilang teenager ang nababalitaang pagpaslang sa mga kabataang tulad nila sa gitna ng umano'y police operations. Bukod sa mas mahigpit ang mga magulang nila, nag-aalangan na rin silang lumabas kapag gabi.

10 p.m. hanggang 4 a.m. ang curfew sa Barangay 46 sa Tondo, Maynila.

Gabi-gabi rumuronda ang mga kagawad at tanod dito para masigurong walang mga bata o teenager na palaboy-laboy sa kalsada.

Bawat kanto rito ay kinabitan na rin ng CCTV camera.

Pero kung tatanungin ang mga teenager, sila mismo, nababahala na rin sa mga nabablitaang pagpaslang.

Bukod sa mas mahigpit ang mga magulang nila, nag-aalangan na rin silang lumabas kapag gabi.

Kaya kung dati, madalas nakakatambay ang mga estudyante sa bahay ng kanilang mga kaklase para gumawa ng group assignment at project, ngayon tinatapos na nila ito sa school pa lang.

Sa Ramon Magsaysay High School sa Quezon City, pati ang mga pulis nagbabantay na rin sa kapakanan ng mga estudyante.

Sabi ng isang school official, wala pa naman silang estudyanteng nadadampot ng pulis pero kailangan pa ring mag-ingat sa kanilang paligid.

Samantala, nanawagan ng Senate inquiry si Senadora Grace Poe sa magkakasunod na pagpatay sa mga menor de edad kaugnay ng war on drugs.

Sa resulsyong isinumite ni Poe, nakasaad na bukod kina Kian delos Santos, Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo de Guzman, binanggit din niya ang report ng NGO na Children's Legal Rights and Development Centre na may mahigit 50 nang menor de edad ang nasawi dahil sa police operations o kaya naman ay vigilante-style na pamamaril mula Hulyo 2016.

Umagang kay Ganda, 8 September 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.