Kasamang binatilyo ni Carl Angelo Arnaiz, hinahanap pa rin

ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2017 08:57 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Halos tatlong linggo nang nawawala ang 14 anyos na si Reynaldo De Guzman.

Si De Guzman ang binatilyong sinasabing kasama ng 19 anyos na Carl Angelo Arnaiz noong Agosto 17, ang huling araw na nakitang buhay si Arnaiz.

Lalong tumindi ang pag-aalala ng mga magulang ni De Guzman lalo pa't sa morgue na nakita si Arnaiz, 10 araw matapos mawala.

Isang basketball court at ilang hakbang lang ang pagitan ng tirahan nina De Guzman at Arnaiz sa Cainta, Rizal.

Ayon sa ilang kapitbahay, magkakilala ang dalawa dahil minsan tumatambay sa tindahan ni Arnaiz si De Guzman.

Pero hindi raw maituturing na magkabarkada ang dalawa na limang taon ang pagitan ng edad.

Ikinagulat din maging ng mga magulang ni De Guzman na magkasama pala ang anak nila at si Arnaiz.

Ayon sa ama ni De Guzman, nagpaalam ang anak na kukuha lang ng damit pero hindi na siya bumalik.

Grade 5 student si De Guzman sa Maybunga Elementary School sa Pasig.

Ume-extra ang binatilyo sa construction at nag-iigib para sa mga kapitbahay kapag walang pasok para kumita.

Pangarap daw ng binatilyo na maging isang pulis.

Kuwento ng isang kaibigan niya, mabait at magalang si De Guzman.

Balisa naman at bigla na lang naiiyak ang ina ni De Guzman dahil sa labis na pangungulila sa anak.

Pansamantalang huminto na rin muna ang ama ng binatilyo sa pagtatrabaho bilang karpintero dahil minsan na raw siyang naaksidente kaiisip kung nasaan ang anak.

Umaasa ang mag-asawa na buhay pa ang kanilang anak.

-- Ulat nina Vivienne Gulla at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.