Alvarez: Sampalin ko ang nagsabing may namilit sa Sereno impeachment

ABS-CBN News

Posted at Sep 05 2017 11:46 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Pinabulaanan ni House Speaker Pantaleon Alvarez ang alegasyong sapilitan ang pagpirma ng ibang kongresista sa impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

"Sinong nagsabi n'yan? Dalhin mo sa harapan ko. Sampalin ko. Gumagawa sila ng kuwento na hindi totoo," hamon ni Alvarez.

Nitong Lunes, Setyembre 4, lumagda ang 16 na mambabatas mula sa mababang kapulungan sa reklamo ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) at Vanguard of the Philippine Constitution (VCPI) para sa impeachment ni Sereno.

Noong nakaraang linggo, 25 kongresista ang lumagda sa isa pang Sereno impeachment complaint na inihain naman ni Atty. Lorenzo Gadon. 

Hawak na ni Alvarez ang dalawang reklamo laban sa punong mahistrado. 

May 10 session days si Alvarez upang maikyat ang mga reklamo sa plenaryo, na siyang mag-aakyat sa House Justice Committee para sa paunang deliberasyon.

Nais ni Alvarez na unang talakayin ng komite ang mga kaso ni Sereno bago ang impeachment complaint na isinampa laban kay Comelec chairman Andres Bautista.

Tatlong mambabatas naman ang pumirma sa reklamo laban kay Bautista.

'Political exericse'

Umalma naman si Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano sa pagbibigay halaga ng mga mambabatas sa mga kaso laban kay Sereno.

Nagiging isang "political exercise" umano ang impeachment kaysa "political process."

Hindi rin aniya ganito ang naging trato sa dating impeachment complaint ni Alejano laban kay Pangulong Duterte dahil sa umano'y impluwensiya ng "super majority" sa Kongreso. 

Dagdag ni Alejano, may mga mas mahahalagang paksa na dapat unahin ang mga mambabatas sa halip na ang impeachment complaints. -- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News