Lalaking sumuko sa Oplan Tokhang, patay sa pamamaril

ABS-CBN News

Posted at Aug 31 2016 11:34 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Patay ang isang lalaki matapos pagbabarilin ng mga hindi nakilalang suspek sa Barangay Corazon De Jesus, San Juan, Martes ng gabi.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo si Michael dela Cruz, 47, nang barilin ito ng dalawang naka-motorsikong suspek sa Calle Magalang.

Idineklara siyang dead on arrival sa ospital.

Walang saksi na nakakilala sa mga suspek na nakasuot ng helmet, ayon kay PO3 Carl Sawey ng San Juan Police District.

Narekober sa crime scene ang walong basyo ng bala.

Kinumpirma naman ng mga kaanak ni Dela Cruz na dati na siyang nakulong sa Muntinlupa dahil sa kasong drug possession.

Nakalaya siya noong 2015 at nagtrabaho bilang taga-pinta sa construction.

Sumuko si Dela Cruz bilang drug suspect sa Oplan Tokhang ng barangay nitong Setyembre.

Bukod kay dela Cruz, napatay rin ngayong buwan ang isa pang residente ng barangay na si Roger David, na sumuko rin sa naturang oplan.

Umagang Kay Ganda, 31 Setyembre 2016

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.