HULI SA DASHCAM: Panghoholdap sa isang lalaki sa Visayas Ave

ABS-CBN News

Posted at Aug 24 2017 11:35 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Aabot sa halos P400,000 ang natangay sa isang lalaking hinoldap sa Visayas Avenue sa Quezon City.

Sa kuha ng dashcam ni Andy Baltazar, makikitang binabagtas niya ang kahabaan ng Visayas Avenue. Pagdaan sa center island, mapapansin ang isang lalaking may suot na backpack sa harapan na tila may inaabangan.

Nag menor ang sasakyan at saka pumarada sa harapan ng tayaan ng lotto.

Bumaba ang driver na si Baltazar at pumila sa lotohan.

Sa di kalayuan, nakita rin sa CCTV ang pagtawid ng lalaki sabay kinausap ang isa pang kasabwat na naka-motorsiklo.

Ilang segundo pa, makikita na sa lotohan ang lalaki na pumuwesto sa likuran ng driver. Nang makaalis ang mga nauna sa pila, dumating na ang kasabwat.

Doon na rin hinarang si Baltazar at nagdeklara ng holdup.

Hindi na nakapalag ang driver at tuluyang nakuha ang susi ng sasakyan.

Sa kuha ng isa pang CCTV, makikitang dumeretso sa trunk ng sasakyan ang holdaper at nilimas ang laman nito.

Bank coordinator si Baltazar ng isang kumpanya at araw-araw siyang nakatoka para magdeposito ng pera sa banko.

Aabot sa P380,000 na cash, mga passbook at cheke ang natangay ng mga holdaper.

Pero duda ang mga pulis sa nangyari. Tinitingnan nila ang posibilidad na inside job ang pangyayari.

Giit ng biktima, seryoso siya sa kanyang trabaho at di niya magagawa yun sa kanyang amo.

Panawagan ng pulisya, ipagbigay-alam sa kanila kung sino man ang nakakakilala o makakita sa mga suspek. Umagang kay Ganda, 24 August 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.