Binatilyo, patay nang 'manlaban' sa pulis; pero iba ang kuha sa CCTV

Dominic Almelor, ABS-CBN News

Posted at Aug 17 2017 10:06 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Patay ang 17 anyos na estudyante matapos mabaril nang manlaban umano sa mga pulis sa isinagawang 'Oplan Galugad' ng Caloocan police nitong Miyerkoles, Agosto 16.

Sa spot report ng Caloocan police, bumunot umano ng baril at nagpaputok ang binatilyong si Kian Loyd Delos Santos nang makita ang mga pulis. Kaya gumanti ng putok ang isang pulis sa binatilyo na nagresulta sa agaran niyang pagkamatay.

Pero ayon naman kay Saldy Delos Santos, ama ng napatay, malinaw ang pagsisinungaling ng mga pulis sa kanilang spot report.

Base kasi sa kuha ng CCTV ng barangay, makikitang bitbit ng dalawang nakasibilyang pulis ang binatilyo papunta sa direksiyon kung saan siya napatay. May sumunod pang isang pulis. Kita rin sa video na nagtakbuhan ang mga residente sa video.

Masama ang loob ng ama ng binatilyo dahil hinala niya mismong mga pulis ang kumitil sa inaasam na pangarap ng anak na nais din sanang maging alagad ng batas.

Matapos ang insidente, pumunta pa sa barangay hall ang mga pulis at pinatingin daw kung may mga tama sila ng bala dahil sa engkuwentro.

Batay pa sa spot report, may nakuhang kalibre .45 at apat na basyo ng bala at dalawang sachet ng shabu mula sa binatilyo.

Humarap din sa ABS-CBN News ang dalawang testigo na nakakita mula nang arestuhin ng mga pulis si Delos Santos.

Anila, piniringan, pinagsusuntok, at sinikmuraan pa ang binatilyo.

Dagdag pa ng mga testigo, nasundan nila ang mga pulis at kitang-kita nila kung paano inabot ng mga pulis ang baril kay Delos Santos.

Sinabihan umano ng mga pulis ang binatilyo na iputok ang baril at tumakbo. 

Nang ng tumakbo ang binatilyo, doon na siya pinaputukan ng mga pulis 

Hindi pa nakikita ng hepe ng Caloocan police ang kuha ng CCTV pero nangako siya na iimbestigahan ang insidente.

Nakatakdang umuwi ang ina ni Delos Santos na isang overseas Filipino worker mula Middle East. 

Sa mga ebidensiya at testimonyang hawak ng pamilya, umaasa silang mabigyan ng hustisya si Delos Santos at mapanagot ang mga pulis na nasa likod anila ng pagpatay. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.