Lalaki, ninakawan ng P1.5 milyon ng caregiver

ABS-CBN News

Posted at Aug 15 2017 09:20 PM | Updated as of Aug 16 2017 03:06 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Ninakawan ng P1.5 milyon ang isang lalaki ng kaniyang bagong-kuhang caregiver.

Kuwento ng 57 anyos biktimang si Greggy Licaros, nagpasya siyang kunin si Alvin Albado para makasama niya habang nakaliban ang matagal na niyang caregiver.

Sa unang gabi ng trabaho ni Albado, pinatulog pa siya sa kuwarto ni Licaros. 

Pero nagulat na lang siya na wala na si Albado nang gumising siya nitong umaga ng Agosto 10.

Saka niya nadiskubreng tinangay na ni Albado ang P1.5 milyon na laman ng kaniyang bag.

Nakuhanan pa sa CCTV ng subdivision si Albado na naka-sling bag na naglalakad. Kumaway at ngumiti pa siya sa mga guwardiya at malayang nakalabas ng gate papalayo.

May bitbit siyang envelope at sinabi umanong may pinapirmahan lang siya sa kaniyang boss kaya di na siya sinita pa ng mga guwardiya.

Kinasuhan na ni Licaros ng "qualified theft" si Albado sa piskalya.

Para naman sa mga may lead sa kinaroroonan ng suspek, maaari itong ipagbigay-alam sa numerong 0956 761 0885.

Nag-alok na rin ng P250,000 pabuya si Licaros para sa ikadarakip ng suspek.
    
Apo si Licaros ni dating Bangko Sentral Governor Gregorio Licaros. 

Taong 2014 nang sumailalim si Licaros sa kidney transplant.

-- Ulat ni Dominic Almelor, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.