P400-K halaga ng ipinagbabawal na insect repellant, nakumpiska

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2017 09:25 AM | Updated as of Aug 11 2017 09:29 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Halos P400,000 halaga ng ipinagbabawal na insect repellant ang nasabat sa raid sa Maynila. 

Isa-isang ikinarga ng mga tauhan ng Food and Drug Administration sa truck ang kahon-kahong insect repellant na nakumpiska nila sa raid sa isang tindahan sa Tayuman.

Naglabas ng seizure order ang FDA matapos makatanggap ng tip na nagbebenta ang tindahan ng mga bawal na insect repellant.

Nagpositibo ang isinagawa nilang test buy kaya ikinasa ang raid kasama ang mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group at FDA.

Aabot sa mahigit anim na kartong naglalaman ng katol at insect spray ang nakumpiska na tinatayang nasa P400,000 ang halaga.

Ayon sa FDA, masama sa kalusugan ang paggamit ng mga ito.

Paalala din nila sa mga retailer na hanapan ng kaukulang papeles ang kanilang mga supplier.

Para naman sa mga mamimili, maaaring bumisita sa website ng FDA para makita ang listahan ng mga kontrabandong produkto.

Dinala na sa CIDG ang 2 empleyado ng tindahan para masampahan ng kaso.

Inaalam pa ng awtoridad kung sino ang may-ari ng tindahan para maisama sila sa asunto.

Umagang kay Ganda, 11 August 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.