IAS, hiningan ng affidavit ang ilang kasapi ng pamilya Parojinog

ABS-CBN News

Posted at Aug 11 2017 10:20 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Binisita ng Regional Internal Affairs Service (RIAS) ng Police Regional Office 10 ang bahay ng pamilya Parojinog sa Ozamiz City para ipagpatuloy ang kanilang imbestigasyon sa madugong raid noong nakaraang linggo.

Ito na ang pangalawang beses na bumisita sa bahay ng mga Parojinog ang RIAS.

Personal na kinausap ng RIAS ang mga miyembro ng pamilya Parojinog para kunin ang kanilang panig kung ano talaga ang nagyari sa raid.

Biyernes pa noong nakaraang linggo naghihintay ang RIAS sa affidavit ng mga witness pero hindi ito dumating kaya pinuntahan na nila ito para magsagawa ng interview.

Close door ang naging interview na tumagal sa mahigit apat na oras at ayon kay Senior Superintendent Gerry Galvan, hepe ng RIAS, nakunan nila ng statement ang anak ni Vice Mayor Nova Princess na si Sophia at isa pang hindi na pinangalanang witness.

Umaasa naman ang pamilya Parojinog na magiging patas ang gagawing imbestigasyon at malinaw kung ano talaga ang nangyari sa raid na kumitil sa buhay ng 16 na katao kabilang na si Mayor Reynaldo Parojinog Sr.

Una ring binisita ng RIAS ang Ozamiz City Police Station para kunan ng statement ang mga nahuli noong araw ng raid pero wala din umano silang nakuhang mahahalagang impormasyon sa kanila.

Nagbigay na rin ng after operation report ang Ozamiz City Police sa RIAS hinggil sa nangyaring raid.

Target ng RIAS na maglabas na ng resulta ng kanilang imbestigasyon bago pa matapos ang buwang ito.

Ngayong araw naman itinakda ang hearing sa mosyon ng pamilya Parojinog na payagang makauwi si Nova at kapatid na si Reynaldo Jr. para makadalo sa libing ng kanilang mga magulang sa Lunes.

Umagang kay Ganda, 11 August 2017

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.