Naglipanang 'Wanted: Dead or Alive' posters sa Ozamiz, di alam saan galing

ABS-CBN News

Posted at Aug 09 2017 11:12 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Bigla na lang kumalat sa Ozamiz City nitong Martes, Agosto 8, ang mga polyetos na may nakalagay na "Wanted: Dead or Alive".

Sa polyetos, may mga nakalathala ring larawan, pangalan ng 14 na indibidwal, at ang patong na pabuya sa kanilang mga ulo na mula P250,000 hanggang P1 milyon.

Isa sa mga nakalistang pangalan si Ozamiz City Councilor Ricardo Parojinog, alyas "Ardot" o "Arthur". 

Kapatid siya ng nasawing si Ozamiz Mayor Reynaldo "Aldong" Parojinog.

Pinaghahanap ngayon ng mga pulis ang konsehal.

Nakapaskil din ang pangalan ni Aylon Parojinog na pamangkin ni Ardot at lider umano ng notoryus na "Martilyo Gang".

Kasama rin sa listahan ang pangalan ng dating PBA player at dating asawa ni Vice Mayor Nova Princess Parojinog na si Egay Echavez, na kapitan ng Barangay San Antonio.

Takot ang mga kaanak ni Echavez na baka may mangyari sa dating basketbolista dahil sa dating relasyon kay Nova Princess.

Ayon sa ina ni Echavez, pinaalis niya ang anak dahil sa takot na madamay sa gulo.

Sinubukan namang tawagan ng ABS-CBN News ang numerong nakalista sa ilalim ng mga poster pero walang sumasagot sa linya.

Itinanggi ng bagong nakaupong mayor ng Ozamiz na si city Councilor Irene Luansing na sila ang nasa likod ng mga poster.

Ayon naman sa Misamis Occidental PNP, wala silang kinalaman sa mga poster na kumakalat sa Ozamiz City at iimbestigahan nila kung may vigilante group na nasa likod nito.

-- May ulat nina Raffy Santos at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.