AFP: Air strike ng Amerika, hindi kailangan sa Marawi

ABS-CBN News

Posted at Aug 10 2017 01:04 AM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Lumabas sa international media na kinokonsidera ng Amerika na magsagawa ng air strike sa Marawi.

Ginawa na ito ng American forces sa Syria at Iraq nang okupahin ng ISIS ang ilang lugar doon.

Pero ayon kay Col. Romeo Brawner, Jr., deputy ng Task Group Ranao ng Armed Forces of the Philippines sa Marawi, sapat na ang puwersa nila at patapos na rin naman ang mga labanan.

Aniya, may problema ding legal ang U.S. air strike. 

Labag daw ito sa Kontitusyon at sa Mutual Defense Treaty ng Amerika at Pilipinas. 

Maging ang Provincial Crisis Management Committee, hindi na sang-ayon na mag-air strike pa ang Amerika sa Marawi.

Mananatili daw sa intelligence sharing at training ang partisipasyon ng Amerika sa Marawi.

Dating sinabi ng militar na may posibilidad na namatay na sina Omar at Abdullah Maute, habang nakatakas si Isnilon Hapilon.

Pero ayon kay Capt. Jo-Ann Petinglay, tagapagsalita ng Joint Task Force Marawi, may mga indikasyong nasa Marawi pa rin ang mga lider ng mga terorista.

May retratong nakuha ang ABS-CBN na nagpapakitang sugatan si Omar Maute.

Inaalam pa ng Joint Task Force Marawi kung kailan kuha ang retrato at saan eksaktong lugar kinunan.

Narekober na ngayon ng militar sa loob ng war zone ang armored van na sinakyan ni Abdullah Maute noong mga unang linggo ng bakbakan.

Nakuha rin nila ang apat pang binihag na sibilyan na mga taga-Zamboanga at Iligan. Tinatayang hanggang 70 pang bihag ang hawak ng Maute. 

Umakyat na sa 122 ang bilang ng mga sundalong nasawi sa bakbakan.

-- Ulat ni Ron Gagalac, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.