2018 budget ng Customs, nasa alanganin

ABS-CBN News

Posted at Aug 02 2017 11:58 PM

Watch also in iWantv or TFC.tv

Muling nagisa ang mga opisyal ng Customs sa pagdinig ng House ways and means committee tungkol sa nakalusot na shipment ng mahigit P6 bilyong halaga ng shabu mula sa Tsina. 

Sa huli, binalaan na ng ilang mambabatas ang bureau na hindi mabibigyan ng panggastos para sa 2018 kung hindi aayusin ang hanay nito. 

Muling inusisa kung paanong nakalusot sa express lane ng Customs ang kargamento ng 'EMT Trading' na naglalaman ng ilegal na droga.

Ayon sa sinuspendeng Customs Risk Management Office Head na si Laribert Hilario, Enero 2017 lang nairehistro ang EMT Trading.

Hiningi niya raw noon ang listahan ng bagong accredited na importers para maisama sa system ng kawanihan, pero hindi siya nabigyan.

Iginiit din ni Hilario na wala siyang kinalaman sa nakapuslit na shabu.
    
Inirekomenda niya rin daw noon na maglabas ng alert order para sa kargamento si Director Milo Maestrecampo ng Customs Import and Assessment Service Assessment and Operational Coordinating Group na siyang in charge kapag may duda sa mga halaga ng kargamento.

Kaya lang walang nangyari kaya nakalusot ang kargamentong may shabu.

Iginiit naman ni Maestrecampo na base sa deklaradong laman ng kargamento, hindi ito karapat-dapat isyuhan ng alert order.

Puro gamit daw kasi sa kusina ang ang nakalistang laman ng kargamento.

Lumabas din sa pagdinig na sinuspende ni Faeldon si Hilario nang hindi man lang hininihingan ng panig sa bintang sa kaniya.

Pero depensa ni Faeldon, nararapat na suspendihin si Hilario.

Kahit naman pinanindigan ni Pangulong Duterte ang appointment ni Faeldon, itinutulak pa rin ng mga kongresista na dapat nang magbitiw si Faeldon sa puwesto.

Isinantabi rin nila ang bintang ni Faeldon na kaya siya pinag-iinitan ng mga mambabatas ay dahil tinanggihan ng Customs ang mga hinihinging pabor ng mga kongresista.

Dagdag pa ng minority bloc ng Kamara, hindi nila bibigyan ng budget para sa 2018 ang Customs hangga't walang balasahan sa kanilang mga opisyal.

-- Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.